Ibalik ang ‘workshop’ subject sa paaralan

PUMUNTA ako sa isang kilalang hardware store bitbit ang bunsong anak sa pag-asa na mapupukaw ko ang kanyang hilig sa gawaing bahay tulad ng pagkumpuni ng mga sirang gripo, ilaw, at mga ibang pang kagamitan sa bahay.

Pero sa halip na matuwa ay naburyong ang binata. Binaling ang atensiyon sa cellphone. Gadgets pa rin ang panalo.

Napag-alaman ko na walang subject sa ‘workshop’ ang mga bata ngayon sa paaralan. Bakit ganun?

Nuong nasa elementary pa ako ay dalawang beses ako nagkaroon ng subject sa workshop. Isa yata sa Grade 5 at isa sa Grade 6. Para sa mga batang lalaki ang workshop kung saan tinuturo ang paggawa ng iba’t-ibang proyekto gamit ang leksiyon sa carpentry, electricity at plumbing.

Tanda ko pa ang mga guro ko na sina Mr. Miranda at Mr Gamat na kapwa marunong magpaliwanag ng mga panlalaking gawain sa mga murang isipan ng mga batang lalaki.

Dahil sa kanila, bago pa man ako humantong sa high school ay kaya ko nang gawin ang mga sirang ilaw, gripo at mga upuan at silya sa aming tahanan.n

Hanggang ngayon ay dala ang mga kaalaman na ito na pinakikinabangan ng aking pamilya.

Pero sana ay matutunan din ng mga kabataan ngayon ang mga bagay na ito. Sana ay maibalik sa mga paaralan ang mga subject na tampok ang ganitong kaalaman.

Ang mga kaalaman na ito ang hindi maaaring ibigay ng mga gadget sa kasalukuyan.

**

Napabalita na susuriin ng Department of Education (DepEd) ang K- 12 program ng gobyerno.

Ito ay dahil parang palpak ang programa. Magulo ang sistema at malabo sa mga guro ang implementasyon  ng K to 12.

Minadali kasi ang programa sa kagustuhan ng dating pamununuan ng gobyerno mapuri  ng taumbayan. Pero sablay nga ito at nasayang lamang ang ginastos ng gobyerno sa pagpapatupad nito.

Mas nakakapanghinayang ang mga pondo na ginamit ng mga magulang sa dagdag na taon sa pag-aaral ng mga estudyante. Mas lalong sayang ang panahon na ginugol ng mga bata para sa palpak na education program.

Maraming mga magulang ang nagpapaaaral pa rin ng mga high school na anak sa halip na nasa kolehiyo na ang mga ito dahil sa K to 12. Dahil sa katangahan ng mga opisyal sa gobyerno.

Wala sanang problema kung nakakatulong ang programa pero eto na nga at isasailalim sa pag-susuri ang K to 12 dahil palpak ito.

**

Isa na naman itong hamon sa mga bagong halal na opisyal ng gobyerno. Sana ay magsilbi itong aral sa kanila upang hindi na maulit ang mga ganitong problema.

Hindi baleng mabagal basta sigurado dahil pinag-aralan nang mabuti. Sa ganitong paraan, hindi napapahamak ang taumbayan.

Unahin ang serbisyo kay Juan bago ang papogi sa bayan.

**

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com