Ibang klase si Gen. ELeazar

June 19, 2019

MARAMING naniniwala na hindi mawawala ang katiwalian at korapsyon kung hindi magkakaroon ng full automation sa Bureau of Customs.

Kailangan  talaga ang computerization ng processes at operations sa Aduana.

Hindi madali ang inaasam na full automation sa BoC.

Nangangailangan ito ng malaking pondo para ipambili ng tinatawag na “wonders of modern technology” at pantustos sa training ng mga empleyadong hahawak sa mga makabagong kagamitan.

Ang maganda lang, naniniwala tayo na nasa posisyon si Customs Commissioner Rey Guerrero para maging world class ang serbisyo sa Aduana.

Mapapadali ang proyektong automation ng BoC dahil suportado ito ni Pangulong Rody Duterte.

Hindi problema ang pondo dahil alam naman ng Kongreso na maayos ang pamamalakad ni Commissioner Guerrero.

Meron pang tatlong taon ang Duterte administration para maayos ang serbisyo sa Aduana, na tinaguriang “snake-infested.”

Marami at mabibigat ang mga problema sa Aduana, lalo na ang korapsyon at ismagling.
Pero kaya ni Sir Jagger na gawan ng paraan para ma-address ang mga problemang ito.

***

Ibang klase talaga si M/Gen Guillermo Lorenzo T.  Eleazar, ang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kung disiplina ang pag-uusapan.

Takot sa kanya ang mga kriminal at bugok na pulis pero idolo siya ng taumbayan at matitinong parak.  

Nililinis niya ang hanay ng  kapulisan sa NCRPO, alam niya na meron pa ring mga naliligaw ng landas na pulis.

At ngayon, pati mga opisina at outpost ng pulis sa Metro Manila  ay laging malinis.

Dito natutuwa ang ating mga kababayan dahil dati-rati makikita mong makalat at pulos upos ng sigarilyo sa paligid ng mga presinto.

Gusto rin ni Eleazar na nakaparada ng maayos ang mga police mobile car, motorsiklo at na-recover na mga ninakaw na behikulo sa mga istasyon ng pulis.

Sa totoo lang, ilang PCP commanders na ang sinibak ni Eleazar dahil sa maruming presinto.

Tama ang ginagawa ni Eleazar hindi naman kasi basurahan at tapunan ng kung anu-anong bagay ang mga police station.  

Tama ba, DILG Secretary Ed Año?

***

Balik-eskuwela ang mga bagong miyembro ng  House of Representatives.

Tatlong linggo silang mag-aaral na pangangasiwaan ng Univesity of the Philippines National College of Public Administration at Governance (UP-NCPAG).

Layunin ng executive course na turuan ang mga bagong mambabatas kung ano ang dapat gawin sa loob ng Kongreso.

Dapat alam  nila ang kanilang roles and responsibilities sa 18th Congress.

Kailangang matuto sila para hindi sayang ang ibinabayad sa kanila ni Juan dela Cruz.

Dapat ding magkaroon ng kaparehong training ang mga nanalong mayor, vice mayor at konsehal ng bayan.

Isang buwan ang dapat dahil maraming local elected officials ang walang kaalam-alam sa paggawa ng ordinansa, resolusyon o simpleng sulat man lang.

Pati mga datìhang kagawad ng bayan ay dapat sumalang sa training, at syempre ang  vice mayor dahil sila ang presiding officer ng city/municipal council.

Iyan ang mahirap kapag nanalo kahit walang alam. Nagkakalat.

Nakakahiya!

(Para sa inyong komento at suheatiyon, tumawag o mag-text sa #09214765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)