Ibang mukha ng bill shock!

MASYADO pang maaga upang husgahan agad ang Meralco na sinasamantala nito ang pandemikong sitwasyon upang singilin ng mahal ang kanilang mga consumers.

Sinabi ko ito hindi para ipagtanggol ang Meralco kundi upang pakalmahin ang kalooban ng mga kababayan nating tulad ko ay dumanas din ng tinatawag na ‘bill shock’ sa laki ng sinisingil na bill sa kuryente.

Kung pagbabatayan ang ‘track record,’ ng Meralco, wala silang masamang imahe ng pananamantala, bukod pa sa katotohanang anumang galaw sa singilin ay binabantayan ng Energy Regulatory Commission (ERC) at ng Department of Energy (DOE).

Nasabi ko na sa ating column kamakailan na bigyan pa rin natin ng ‘benefit of the doubt’ ang Meralco dahil naniniwala tayong hindi siraulo ang mga namamahala nito upang itaya ang kanilang pangalan sa kasalukuyang sitwasyon – lalo’t alam natin kung gaano kahigpit ang Duterte administration sa mga dambuhalang kompanya na nagmamalabis sa kanilang kalakaran.

Sa isang pahayag, sinabi ng Meralco na natural ang pagkabigla ng mga ‘consumers’ dahil nagpatung-patong ang mga buwanang singilin nito sa iisang bill.

Ngunit kung ikukumpara ang mga singilin nito sa mga nakalipas na taon, mas mababa pa anila ito ngayong taong 2020.

Kung tutuusin, mas mababa aniya ang kanilang singilin kung ikukumpara ito sa mga nakalipas na taon dahil nagbaba sila ng P1 (piso) bawat konsumo na kilowatt per hour (kWh).

Dahil din sa ipinatupad na ‘enhanced community quarantine’ (ECQ)  at modified ECQ, medyo bumaba ang demand sa kuryente sa ilang malalaking kompanya at bilang pagpapakita ng kagandahang loob, ipinatupad ng Meraclo ang ‘force majeure’ (FM) provision na nakasaad sa Power Supply Agreement habang may nagaganap na ‘lockdown.’

Nagbaba aniya sila ng ‘fixed charges’ para sa generation capacity na dapat sana’y sisingilin sa mga suppliers.
Masyadong teknikal at malalim na ‘wordings,’ numero at kuwenta ang paliwanag ng Meralco para maintindihan ng simpleng mamamayan.

Ngunit ang gusto nilang ipaliwanag sa publiko, nag-aadjust sila sa abot ng kanilang makakaya upang hindi maging pabigat sa taumbayan ang ginagawang paniningil sa mga consumers.

Sa mga nakalipas na press conferences, pinaninindigan nila na noon pang Hulyo 2015 o eksaktong limang taon ngayong buwan, ang lahat ng ‘distribution, ‘supply,’ at ‘metering charges’ ng Meralco ay nanatiling hindi nagbago.

Nasa rekord aniya ito na walang paggalaw sa rate ng singilin sa nagdaang 59 na buwan.

Anila, ang bayad para sa ‘generation charge’ ay napupunta sa mga power suppliers at hindi sa bulsa ng Meralco. Habang ang ‘transmission charge’ ay napupunta naman sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), samantalang ang taxes at iba pang ‘policy charges’ tulad ng Universal Charges at FIT-All ay nire-remit naman sa gobyerno.

At bago natin makalimutan, kahit mayroon tayong ‘lockdown,’ nananatili ang serbisyo ng Meralco sa atin. Hindi tayo nakaranas ng matinding ‘brownout,’ lalo ang mga hospitals at ilang vital installations ng bansa – sa kabila ng katotohanang pati ang kanilang mga empleyado ay nalalagay din sa panganib bilang mga frontliners sa pakikidigma kontra COVID 19.

Dahil sa lockdown, hindi nagkaroon ng ‘meter reading,’ ngunit hindi nangangahulugang mandadaya na sila sa paniningil sa kuryente dahil alam nilang nakabantay ang ERC, DOE at taumbayan sa kanila.

Aminin din natin na mas malakas talaga tayong kumunsumo sa bahay ngayong may ‘qurantine’ dahil wala naman tayong pinaglilibangan kundi telebisyon, radio, computer at kung anu-ano pa na nangangailangan ng supply ng kuryente.

Ibang-iba ito sa mga normal nating pamumuhay na walo hanggang 10 oras ay wala halos tao sa ating mga bahay dahil tayo’y nasa ating mga trabaho at opisina.

Totoong nakabibigla kung titingnan ang ating bill pero kung ide-divide natin ito sa nakunsumong buwan, doon natin masasabi na resonable rin naman ang ginawa nilang paniningil sa kuryente.

Ang maganda pa r’yan, pinapahintulutan nila tayong magbayad ng ‘installment’ o hulugan.

Sinasabi ko ito hindi dahil propagandista na ako ng Meralco, pero nasasabi ko ito ngayon dahil dapat din nating tingnan ang ibang mukha ng ‘bill shock.’ Kung bakit nagkaganito at kung paano talaga nila na-compute ang singilin sa kuryente.

Ang malungkot kasi, may ilang grupo ang pumapaypay para lalong magalit ang taumbayan sa Meralco na hindi naman dapat.