Ibayong pagsubok paghandaan

Luminis ang hangin sa Metro Manila matapos ang ilang araw ng pagpapatupad ng lockdown. Kumonte kasi ang mga sasakyan at mga paktorya na bumubuga ng mga maruruming hangin.

Ganito rin ang naganap sa China ngunit mas mahabang panahon ng lockdown ang kinailangan. ‘Di hamak na mas maraming sasakyan at pagawaan ang Tsina dahil napakalaking bansa ito.

Mapanatili kaya natin sa Pilipinas ang ganitong hangin pagkatapos ng COVID 19 para rin sa ating kalusugan?

Tulad ng COVID 19, nakamamatay ang maruming hangin dulot ng polusyon. Ang kaibahan lamang ay dahan-dahan itong pumapatay ng tao.

Ang matagal na paglanghap ng polluted air ay nauuwi sa kanser sa baga, sakit sa puso at iba nakamamatay na karamdaman.

**

Mahalaga na pasalamatan natin ang mga dambuhalang kumpanya na tumulong para labanan ang COVID 19.

Ito ay upang tularan sila ng iba pang kumpanya na may kakayahan na ayudahan ang mga manggagawa na apektado ng krisis.

Sana nga ay marami pang negosyante ang sumunod sa yapak nina San Miguel Corporation President-COO Ramon Ang, JG Summit Holdings President-CEO Lance Gokongwei, First Pacific Company Ltd Chief Executive Manny V. Pangilinan.

Lubos din ang ating paghanga sa mga businessman na sina Hans Sy, Andrew Tan, Georgy Ty, Jaime and Fernando Zobel de Ayala, at Vicki Belo.

Sila ang mga negosyante na nagpaabot ng suporta sa mga frontliners at nagpasahod ng isang buwan sa kanilang mga empleyado na hindi makakapasok dahil sa enhanced community quarantine sa Luzon.

Mabuhay kayo!

**

Sa panahon ng krisis lumilitaw ang kakayahan ng ating mga lider.

May mga lider na nag-iingay lamang. Meron din kumukontra sa halip na tumulong. At hindi nawawala ang mga wala talagang silbi.

Masuwerte ang mga may lider na tahimik na nagpapatupad ng patakaran sa lockdown dahil alam nila na ito ang panahon upang kumilos ayon sa itinakda ng mga otoridad.

Batid ng mga may kokoteng lider na hindi makakatulong ang pag-eepal at katigasan ng ulo sa pagligtas ng buhay ng marami nating kababayan.

May panahon ang pag-iingay at pangongontra habang wala tayong oras para sa mga inutil. Ang krisis ay panahon ng pagtutulungan at pakikisama.

**

Sa pagdating ng mga testing kits sa bansa, inaasahan ang pagtaas ng bilang ng mga positive sa COVID.

Ngunit hindi ito nangangahulugan ng pagpapabaya ng pamahalaan sa sitwasyon. Tataas ang bilang ng mga COVID positive dahil mas may kakayahan na tayong malaman kung sino ang may taglay ng corona virus.

Bunsod nito, inaasahan din natin ang mas mahigpit na pagpapatupad ng lockdown upang lalung makontrol ang paggalaw ng publiko na nagiging sanhi ng pagkalat ng COVID.

Sa madaling salita, higit na pakikisama at pagtutulungan ang kinakailangan mula sa ating lahat.

Saludo ang inyong lingkod sa mga frontliners—health workers, military, police, food shop employees at mga essential service workers na patuloy na naglilingkod para sa ating kaligtasan.

Sana ay patuloy na magpamalas ng ginintuang puso ang mga bilyonaryong negosyante upang sumaklolo sa ating mga manggagawa.

At sana ay manatili po ang ating mga kababayan sa loob ng ating mga tahanan.

Sa pagdarasal at bayanihan, kaya natin ang COVID 19.

**

For comments, please call or  text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com