Home>Editorial>Opinion>‘If you can’t feed a hundred people, then feed just one’

‘If you can’t feed a hundred people, then feed just one’

PAMOSONG linya ito ni Mother Teresa of Calcutta na kung isasabuhay lang ng karamihan sa atin, wala sigurong magugutom, lalo na sa panahon ng kalamidad.

Tama rin naman ang sinabi ni Mahatma Gandhi: “The world has enough for everyone’s need, but not enough for everyone’s greed.

Dalawang doktrina ito na puwedeng gumabay sa ating lahat na hinahamon ng panahon ng pandemya at kalamidad.

May mga taong sapat lang ang kinikita para sa kanilang pamilya pero handang maglaan ng kahit paano para maipangtulong sa mga nangangailangan. May mga tao rin namang sobra-sobra ang biyaya subalit hindi nakakaisip na magbahagi sa kapwa.

Kahit saang panig ng ating bansa ngayon ay marami ang nangangailangan dahil bago pa ang sunud-sunod na bagyo, hinataw na tayo ng COVID-19 na nagbunga ng lockdown at kawalan ng trabaho sa marami nating kababayan.

Kung minsan, hindi mo na nga kailangang lumayo pa papuntang Rizal, Cagayan, or Catanduanes para makatulong. Marami naman nang tumutulong sa mga kababayan natin doon at nariyan pa ang gobyerno.

Ilingon mo lang ang iyong paningin sa kapitbahay mo, sa mga kasama mo sa bahay, sa mga restaurant o sa mga lugar na madalas mong pinupuntahan para makipagmiting.

Ang bawat taong nakakasalamuha mo ay may mga pinagdadaanang krisis magmula pa noong magsimula ang lockdown. Mula sa guwardiya, waiter hanggang sa mga pinaka-mababang empleyado ng kompanya.

Totoong hindi mo sila kayang balikatin lahat dahil hindi ka naman bilyunaryo. Pero iyong makapagpakain ka lang ng isang taong gutom, nakabawas ka na ng problema ng bansa mo.

Kami kasi iyong pamilyang hindi mahilig mag-post sa social media ng ano mang ginagawa naming pagtulong. Ang importante lang sa amin, nagiging bahagi kami ng pagpapagaan ng problema ng mga taong dumaranas ng krisis. Hindi ko na idedetalye rito dahil ang importante lang naman ay mayroon tayong ginagawa ayon sa doktrina ni Mother Teresa.

***

Marami sa ating mga kababayan ang pinanday na ng hirap. Kaya nga sinasabi ng maraming lahi na iba tayong mga Filipino dahil masyado tayong matatag. Hindi agad tayo bumibigay, hindi tayo madaling sumuko sa anumang mga pagsubok na dumarating sa ating buhay.

Para lang tayong nagpapagpag ng dumi sa ating damit sa tuwing natatapos ang unos. Naniniwala akong pagkalipas ng taong 2020, mas malakas at mas matatag pa ang marami nating kababayan.

Hindi man produktibo ang taong ito para sa ating lahat, umaasa tayo sa maliwanag na susunod na taon.

Alam nating mas mabiyaya ang mga darating na panahon para sa ating lahat kaya kapit lang.

Humugot tayo ng inspirasyon sa paparating na Pasko. Magdiwang, magpasalamat at magbahagi anuman ang ating pinagdadaanan.

Iba ang Pinoy! allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV