Ika-67 anibersaryo ng NPC, tagumpay!

November 07, 2019

NATAPOS na rin ang selebrasyon ng ika-67 anibersarsyo ng National Press Club NPC) nitong nagdaang Oktubre 29 na may temang “Excellence Driven @ 67.”

Ang temang ito ang napili natin ngayong taon dahil sa patuloy na serbisyong naibigay ng NPC di lamang sa mga miyembro nito kung di maging sa publiko sa maraming taon sa patuloy nating paglilinis sa ating hanay.

Alam naman nating lahat na hindi naging madali ang tinahak ng liderato ng Press Freedom Party upang muling buhayin at linisin ang dinumihang pangalan ng NPC ng mga naunang namuno dito— na pulos pagwawalanghiya ang ginawa at nag-iwan pa ng milyun-milyong pisong problema lalo na sa SSS.

Nalulugod naman tayong ibalita na ang bayarin sa P7.1 milyon ng NPC sa SSS ay tuluyan nang nasolusyunan ng kasalukuyang liderato sa pangunguna ni Pang. Rolly ‘Lakay’ Gonzalo.

Patuloy nating nililinis ang ating hanay sa mga “hao-shiao” na patuloy na sinisira hindi lamang ang propesyon ng pamamahayag, bagkus, maging ang ating organisasyon.

Kumbaga, wala na ngang naitutulong, nakakaperwisyo pa.

Kaya naman, kahit sa simpleng selebrasyon na ating ginawa noong Oktubre 29, nais nating iparating sa ating mga miyembro at sa lahat na hindi titigil ang bagong liderato ng NPC na itama ang mga nakaraang pagkakamali at linisin ang ating hanay. Bukod dito, marami tayong maipagmamalaki sa mga naging accomplishments natin.

Ating ibinandera sa pamamagitan ng ating Photo Exhibit at isang audio visual presentation ang mga naging trabaho at serbisyo ng NPC sa mga nakalipas na taon.

Nagpapasalamat tayo sa tulong ni Director Jun Mendoza na isa sa mga nanguna sa proyektong ito.

Nagpapasalamat tayo sa mga panauhin natin na patuloy na nagbibigay ng tiwala at suporta sa mga repormang ating nasimulan.

Unahin na natin siyempre si PCOO Sec. Martin Andanar na hindi pumapalya pagdating sa serbisyo sa hanay ng mga taga-midya. Salamat din sa magandang mensahe, Sec. Andanar na siyempre pa ay ‘proud member’ ng National Press Club!

Syempre pa, ang kaibigan at pinakapinagkakatiwalaan ng mga miyembro ng midya sa hanay ng kapulisan, si General Guillermo Eleazar, na hindi rin nagsasawa sa pag suporta sa NPC. At sana ay “ikaw na nga,” Gen. Eleazar, hehehe!

At bagaman hindi siya nakadalo, nagpapasalamat tayo sa mensahe ng pakikiisa na ipinadala ni Phil. Red Cross Chairman at Senator Dick Gordon.

At syempre, salamat din  sa pagdalo ng ating naging dalawang pangulo na pareho na ngayong nasa gobyerno, si DENR Undersecretary Benny Antiporda at si Usec. Joel Sy Egco, na executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS).

Ipinagpapasalamat din natin ang pagdalo ni Manila Bulletin Editor-In-Chief/Publisher, ‘Boss’ Chris Icban Jr., para tanggapin at kasamang pangunahan ang pagbibigay ng pagpupugay kay dating Manila Bulletin Chairman Don Emilio T. Yap na maisama sa NPC Hall of Fame bilang pinakasentro ng ating pagdiriwang ngayong taon.

Lingid sa kaalaman ng marami, sadyang napakamatulungin nitong si Chairman Yap noong nabubuhay pa siya at isa sa kanyang “itinatangi” ay ang ating organisasyon, ang National Press Club.

Si Don Emilio ang ‘nag-donate’ ng NPC Medical at Dental Clinic Building na nasa bakuran ng NPC na hanggang ngayon patuloy na pinakikinabangan ng mga kasamahan natin sa midya ang mga serbisyo mula dito.

Anuman ang hilingin ng NPC kay Don Emilio Yap, walang pagkakataon na napahiya ang ating organisasyon. Lubos tayong namangha sa buhay na pinagdaanan ni Don Emilio na sa kabila ng magandang estado ng pamumuhay ay hindi kailanman man nagdamot sa kapwa lalo na sa hanay ng midya.

Alam nating bihirang-bihira ang mga taong kagaya ni Don Emilio Yap kaya naman noong siya ang napiling isama sa ating Hall of Fame walang sinuman ang kumuwestiyon o nagduda o tumutol dito!
Tunay nga na hanggat nananatili ang NPC at ang gusali nito, mananatiling tahanan na ito ni Don Emilio Yap bilang isa sa ating mga Hall of Famers.

Muli, maraming maraming salamat po sa lahat ng mga dumalo at sumuporta sa simple pero napakamakabuluhang okasyon na ito ng NPC.  

Asahan po natin na patuloy ang ating magiging serbisyo at trabaho para sa lahat.

Katunayan, isang benefit concert ang ating inihahanda para sa patuloy nating suporta sa mga biktima ng Ampatuan masaker na ating gugunitain ang ika-sampung taon ngayong darating na Nobyembre 23.
Muli, mabuhay ang National Press Club!