Imee Marcos: Ibalik ang nutriban!

February 14, 2019

NAAALALA n’yo pa ba ang nutriban?

Ito iyong tinapay na ipinamimigay ng pamahalaan noong panahon ng Pangulong Ferdinand Marcos sa mga estudyante ng pampublikong paaralan.

Malamang karamihan sa mga milenyal ngayon ay hindi na kilala ang tinapay na ito, pero sa mga lolo at lola, mga tito at tita na kung tagurian ay ‘batang 80’s,’ alam pa nila ang kahalagahan at pakay ng pamimigay ng libre ng ganitong uri ng tinapay.

Ang nutriban (nutri-bun sa salitang ingles) ay isang uri ng tinapay na punung-puno ng sustansiya. May sangkap itong harina (white and whole wheat flour) at may halong non-fat dried milk powder.

Unang nag-endorso nito ang United States Agency for International Development nang i-develop ng grupo ng mga nutritionists at ‘agrarian experts’ mula sa Virginia Polytechnic Institute and States University noong taong 1968 hanggang 1970.

Bunga ng matinding kagutuman noong panahong iyon kung saan lumaganap ang problema sa malnutrisyon sa buong mundo (kabilang na ang Pilipinas), ipinamahagi ang nutriban sa mga mahihirap na bansa sa ilalim ng USAID Food for Peace Progam.

Dahil sa kagalingan ng Pangulong Marcos, sinamantala nito ang ‘Food for Peace Progam’ ng Amerika at naglunsad ng ‘5-year nutrition program’ noong taong 1971 na tinawag na Operation Timbang.

Ang catch, ang sangkap ng nutriban sa Pilipinas ay higit pang pinagyaman, gamit ang mga ingredients na ‘available’ sa bansa, tulad ng harinang soya na nagtataglay ng mataas na kuwalidad ng protina.

Ang soya ay mayaman sa ‘micronutrients,’ tulad ng calcium, iron, at B-complex vitamins na may halo pang ‘iodized salt’ na siksik naman sa  ‘iodine.’

Mas malaki lamang ng kaunti sa nakikita nating ‘monay’ ngayon ang nutriban, ngunit may timbang itong 80 gramo na may taglay na 400 calories. Kung malambot ang monay ngayon -- o halos hangin na lang ang laman, ang nutriban ay siksik, liglig at kasing sarap din ng mga tinapay na nabibili natin ngayon sa bakery at tindahan.

Sa unang sigwada ng pamamahagi ng nutriban ng bansang Amerika, higit na pinagyaman ng pamahalaan ni Marcos ang timpla at laman ng nutriban sa Pilipinas -- gamit na rito ang mga ‘domestically produced’ na powder mula sa saging at iba pang mahahalagang protina.

Taong 1975 nang solo nang i-produce ng Pilipinas ang tinapay na nutriban at nagpatuloy ang pamamahagi nito sa mga pampublikong paaralan hanggang sa kalagitnaang taon ng dekada ’80. Ang dating five percent na problema sa malnutrisyon ay naibaba hanggang one percent na lamang.

Produkto po ng public school ang inyong lingkod at hindi ko ikinahihiyang naranasang makakita at makakain din tayo ng nutriban. Kasama sa programang iyon ay kilalanin ang mga ‘estudyante’ sa elementarya (hindi ko alam kung hanggang high school) ang mga batang may mababang timbang o malnourished.

Libreng papakainin sila ng nutriban saka titimbangin kada buwan kung tumataas na ba ang kanilang timbang.

Bilang ikalawang tahanan, ipinapakita ng bawat paaralan kung gaano sila inaalagaan ng kani-kanilang guro, maging class adviser man sila, nutritionists sa school at kahit mga guidance counselor at principal ng eskuwelahan.

Sa unang sigwada ng kampanya para sa mid-term elections, noong nagdaang Martes, muli kong narinig ang salitang nutriban.

to’y matapos sabihin ni senatorial bet Imee Marcos sa harap ng may 30,000 Kapampangan sa kapitulyo ng San Fernando, Pampanga na dapat ibalik muli ang nutriban, Kadiwa, Bliss at iba pang magagandang proyekto ng Marcos administration na tinanggal, binasura at binalewala ng mga pumalit sa administrasyon dahil lamang sa isyu ng matinding pulitika.

Si Marcos ay isa sa iniendorso ni presidential daughter Davao City Mayor Sara Duterte na tagapangulo ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) na pinakamalaki at pinakamalakas na local regional political party sa buong Pilipinas.

Inilunsad ng HNP ang unang arangkada ng kampanya sa kapitolyo ng Pampanga, sa tulong ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, Pampanga Governor Lilia ‘Baby’ Pineda at anak nitong si Dennis Delta Pineda na tumatakbo na ngayon para gobernador ng lalawigan.

Sa sinabi ni Imee sa kanyang speech, bigla kong naisip kung bakit nga kaya nawala ang nutriban sa ating mga eskuwelahan? Nasaan na rin ang Kadiwa store kung saan puwedeng bilhin ang mga murang bilihin?

Ang Kadiwa ay isang ‘grocery type’ na tindahan kung saan mabibili ng mura ang mga pagkain mula bigas, gulay, gatas, kape at kahit delatang pagkain.

Ang Bliss naman ay programang may murang pabahay. Hindi pa uso ang condominum noon, pero pinauso na ni Marcos ang ‘tenement’ kung saan sa isang malaking gusali ay nabibigyan ng pabahay ang mga kababayan nating informal setlers.

Bakit nga ba ang mga ganitong uri ng magagandang programa ay nawala at naibasura dahil lamang sa ‘pride’ ng mga Aquino?

Dalawang Aquino ang naging presidente ng Pilipinas -- una si Pangulong Cory Aquino (taong 1986) at ang ikalawa ay ang anak nitong si Noynoy Aquino na isa sa itinuturing na pinakawalang kuwentang naging Presidente ng Pilipinas.

Sa panahon ngayon na kahit ang presyo ng pandesal ay sobra ang mahal (piso kada piraso), wala ba talagang maisip na bagong paraan ang sinumang pamahalaan para maibsan ang problema ng kagutuman at kalusugan ng Pilipinas?

Sa ganang akin, tama ang linya ng kampanya ni (Ilocos Norte) Governor Imee. Ipaliwanag n’ya lang ng maayos sa masa kung bakit kailangang ibalik ang nutriban, Kadiwa, Bliss, Masaganang Ani at marami pang iba dahil sa halos tatlong dekada ang nagdaan, unti-unti nang nagkakaroon ng linaw kung gaano kagaling ni Marcos sa larangan ng pamamahala ng Pilipinas -- labas pa riyan ang usapin ng agrikultura at imprastraktura.

Ito iyong magbibigay liwanag sa kasaysayan na sinira lamang sila ng mga politikong mas ganid sa kapangyarihan at pera -- pero mga wala namang nagawang mabuti at kaunlaran sa bansa!