Ingat BoC Chief Rey Guerrero sa opisyal mong nagbo-broker!

April 01, 2020

Dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19), bagsak ang ekonomiya ng maraming bansa, kabilang na ang Pilipinas.

Pero naniniwala tayo na malalampasan din natin ang matinding krisis na ito.

Sana lang, maging wake-up call ang krisis para mawala na ang mga katarantaduhan sa aduana.

Pagkatapos ng matinding pagsubok na ito, mahalagang mawala na ang katiwalian at korapsyon sa aduana.

Mahalagang makalikom ng sapat na buwis ang Bureau of Customs (BoC) para magamit ng gobyerno upang maibangon muli ang ekonomiya.

totoong mahirap ang nararanasan natin ngayon dahil naka-quarantine ang buong Luzon.

Maliban sa mga "frontliner" sa pampubliko at pribadong sektor, ang lahat ay nakatengga lamang sa kani-kanilang bahay.

Walang pinagkakakitaan at umaasa lang sa tulong na  nanggagaling sa gobyerno at ilang pilantropo.

Kagaya ng naunang sinabi natin, sana maging susi ang health crisis na ito para magbago na ang mga kawatan sa mga pantalan.

Kung hindi ay baka mahirapan tayong bumangon pagkatapos ng trahedyang ito.

Baka ang mga makabangon lang ay ang mga dati ng nakikinabang sa aduana.

Huwag naman.

Kung sabagay, nandiyan naman sina Commissioner Rey Leonardo Guerrero na 24/7 na nagbabantay sa aduana.

Hinding-hindi niya papayagang magsamantala ang mga bugok sa aduana.

Kailangan niya lang bantayan, ang isang matinding opisyal ng BoC na may sarili ng brokerage.

Malakas manulot ng kargamento ang damuho.

Ingat lang Comm.Jagger, Kung anu-anong usap-usapan na ang kumakalat diyan sa aduana.

Baka 'yan pa sumira sa iningatan mong pangalan ng mahabang panahon.

Tama ba Manong Ted Failon?

***

Dapat  namang ibaba ng gobyerno ang 2020 revenue collection target ng Bureau of Customs.

Mahalagang ibaba ang target para huwag namang magmukhang tamad at inefficient ang mga taga-BoC .

Kapag hindi binabaan ang target, lalabas na napakalaki ang kakulangan ng koleksyon ng BoC sa taong ito.

Nakikita natin na sumsisid ang koleksyon ng BoC  dahil sa masamang epekto ng COVID-19.

Isa pa, talagang unrealistic ang P731-bilyong collection target ng ahensya sa taong ito.

Sa tingin ng marami, kahit hindi nagkaroon ng Covid-19 crisis ay mahirap talagang makuha ang assigned tax take ng BoC.

Lalo pa sigurong lalala ang problema kung palalawigin pa ang implementasyon ng community quarantine sa Luzon.

Baka maraming importers  ang tuluyan ng tumigil ng operasyon.

Mawawalan din ng trabaho ang maraming customs brokers kapag marami ang magsasarang import firms.

Lubhang nakakaalarma!

***

Bakit kaya may mga inirasyong bigas ang mga Local Government Unit na inaamag na?

Saan kaya nanggaling ang mga bigas na ito, na ultimo mga aso at pusa ay ayaw kainin?

Hirap na nga ang mga,tao pakakainin pa ninyo ng bigas na unfit for human consumption.

Grabe naman kayo!

Ang dapat sa inyo ay itali sa poste na may mga langgam.

Hindi na kayo natakot kay Pangulong Duterte.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay ang buong pangalan at tirahan.)