Ingat lang, Sir Jagger!

August 25, 2019

SA utos ni Pangulong Rody Duterte ay patuloy ang ginagawang paglilinis sa tinaguriang “snake-infested” waterfront.

Maliban sa pagsibak sa mga tiwaling opisyal at kawani ng Bureau of Customs, nandiyan din ang mga reform measure.

Ang mga reform measure at programa ay naglalayong mapaganda ang serbisyo sa Aduana.

Katuwang ng kanyang mga opisyal at tauhan, ginagawa lahat ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero para lalong lumaki ang koleksyon ng ahensya.

Hindi lang ‘yan. Determinado si Guerrero na walang makapasok sa bansa na anumang bawal na bagay, lalo na ang iligal na droga, na kagaya ng shabu at cocaine na sumisira sa mga kabataan.

Kamakailan nga ay naglagay ng tig-dalawang makabagong scanning equipment sa  dalawang pangunahing ports of entry ng bansa.

Ito ang Manila International Container port (MICP) at Port of Manila (POM).

Mabibigyan din ng tig-iisang x-ray machine ang Port of Davao sa Mindanao at Port of Cebu sa Visayas.

Nagkakahalaga ng P1.4 bilyon, ang anim na state-of-the-art x-ray machines na galing sa Estados Unidos.

Sinabi ni Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla na may mga bago pang kagamitan na ikakalat sa mga paliparan at pantalan sa buong bansa.

Ayon pa kay Maronilla, may binuo ng data tracking system at nagdagdag pa ng mga CCTV camera para masubaybayan ang mga nangyayari sa pantalan.

Pero aminado si Maronilla na hindi pa rin lubusang nawawala ang katiwalian sa pantalan.

May mga pagkakataon kasing nagbibigay daan upang mailapit sa korapsyon ang mga tauhan at stakeholder ng BoC.

Dapat siguro i-review ang buong BoC system para malaman ang mga dapat baguhin sa sistema.

Sa dami at bigat ng mga problema sa Aduana, hindi madali ang paglilinis na ginagawa ni Sir Jagger.

Kailangan din niya ang tulong ng taumbayan.

Pero kailangang mag-ingat din si Commissioner Guerrero sa mga nagboboluntaryong tumulong sa kanya.

Baka may mga hidden agenda ang mga ‘yan.

Katulad na lang nang ilang opisyal ng ESS at CIIS na mahilig magsubo ng mga “alert order” sa kanya.

Balita nga natin, mas marami na ngayong opisyal at kawani ng BoC na may sariling brokerage.

Paano nga naman makakasabay ang maliliit na broker?

Ang mabigat pa Sir Jagger, protektado rin ito ng mga kapwa opisyal nila.

Kaya, ingat lang, Sir!

***

Ngayon pa lang ay dapat umaksyon na ang gobyerno, kung hindi ay baka wala  ng magsasakang magtanim ng palay.

Bigas pa naman ang pangunahing pagkain ng mga Filipino.

Ano na lang ang mangyayari sa atin kung dumating ang araw na aasa lang tayo sa imported rice?

Tingnan ninyo na lang kung paano tayo pinahihirapan ng mga nagnenegosyo ng produktong petrolyo.

Sobra-sobra kung magtaas sila ng presyo, pero wala tayong magawa kundi magtiis.

Kailangan kasi nating umangkat ng fossil fuels, kasi over-dependent tayo sa importasyon.

Sabi nga ng maraming magsasaka, mas maige pa daw na magtanim na lang sila ng mais.

Tama din naman sila dahil tatlong beses pa silang makapagtatanim sa loob ng isang taon.  

Ang ibig sabihin niyan,  kikita sila ng mas-maayos sa pagtatanim ng mais.

Sa totoo lang, dahil sa importasyon, mura nga ang bigas ngayon, pero kapag wala ng magtatanim ng palay sa bansa ay gutom ang aabutin natin.

Tsk tsk tsk...

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)