Home>Editorial>Opinion>Insurance scam

Insurance scam

ISA ako sa maraming kababayan natin ang hindi na nagtitiwala sa mga insurance company.

Nagka-phobia ako magmula nang takbuhan kami ng College Assurance Plan o CAP, mahigit 20 years na ang nakakalipas.

Iyong educational insurance para sana sa dalawang anak kong lalaki ay hindi namin napakinabangan. Mga P475K each sana iyon bukod pa ang CAP pakulo na allowances ng mga bata habang nag-aaral. Nawala lahat na parang bula ang pinaghirapan naming hulugan noong nagsisimula pa lang kami.

Ang dahilan, ang Insurance Commission na siyang regulator ng mga insurance companies ay natutulog sa pansitan or barkada na rin ng mga kompanya ng paseguro. Kaya madalas, mas mahal ng mga taga-IC ang insurance company kaysa sa mga plan holders.

Isang halimbawa na naman ay ang bagong insurance scam na kinasasangkutan ng isang kompanya.

Nag-mature na lahat ang mga insurance ng plan holders pero hindi maibigay ng kompanya ang pera nila. Ang dahilan pala, iyong P1 bilyon Trust Fund na para sa mga plan holders, nailabas na ng may-ari kahit bawal.

Tanong sa mga taga-IC, paanong nangyari iyon?

Ang ending, iyong daan-daang libong plan holders ay nagbibilang ng bituin samantalang si insurance owner naman, nagbibilang ng pera!

Pero hindi pa rin tayo nawawalan ng pag-asa kasi may mga matitino pala sa IC ang kumikilos para maibalik ang pera ng mga plan holders.

Ang gusto nating malaman, ano naman ang aksiyon ni IC Commissioner Dennis Funa sa isyung ito?

Kung hindi maibabalik ang pera ng mga tao, baka puwedeng kasuhan ng large scale ang insurance owner at isama na kung sino man ang kasabwat nito sa IC.

Nananawagan tayo kay Finance Secretary Sonny Dominguez na imbestigahan ang nangyayari sa IC at kung maari ay palunukin ng isang kutsarang barya ang mga opisyal na nagpapahirap sa mga plan holders

At iyong insurance owner naman na isang alyas ET or Extra Terrestrial sa kasuwapangan, mahiya naman kayo sa inyong ginagawang panloloko sa mga plan holders na karamihan ay mahirap pa sa daga.

Nananawagan tayo sa Anti-Money Laundering Council na pasukan na ang kasong ito bago pa maitakbo ang pera ng mga plan holders. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV