Intriga, sumasalubong lagi sa mga bagong upong hepe

September 25, 2019

NAGING kalakaran na yata na sa tuwing magpapalit ng liderato ng isang distrito ng kapulisan o hepe ng pulisya ng isang lungsod ay laging sinasalubong kaagad sila ng intriga.

Halos lahat na yata ng mga bagong uupong hepe ng isang distrito o lungsod ay nakakaranas ng intriga na kadalasan ay may kinalaman sa lingguhang koleksiyon sa mga ilegalista.

Noon pa man ay ganito na talaga ang kalakaran kaya’t kahit na sino pa ang umupong bagong hepe ng isang distrito, hindi maiiwasan na lumulutang ang pangalan ng nagpapakilala nilang mga bagman.

Kasi naman, may mga garapal na kolektor ng tong na abot-langit kung humirit sa gambling operators kaya’t kaagad na pumuputok ang kanilang pangalan dahil ang mismong mga ilegalista rin ang nagbubulgar sa kanilang malaking hinihingi na umano’y para sa bagong upong opisyal.

Pero may mga umuupo rin namang hepe ng pulisya sa ilang lungsod na hindi naman talaga kumukuha ng sarili nilang kolektor at kung ano ang dinatnan ay pinanatili na lalo na’t maayos naman ang pamamalakad.

Nang umupo nga si Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Nolasco Bathan, hindi nakaligtas sa matalas na paningin ng marami ang mga bantog at kilalang bagman sa area ng southern metro na nasa kanyang tabi at nagsisilbi pang close-in security.

Maging ang bagong upong hepe ng Quezon City Police District na si P/Col. Ronnie Montejo na hindi pa man nag-iinit ang puwet sa puwesto ay kaagad na-tsismis ng mga operator ng color games o pergalan.

May puwesto kasi ang mga kilalang peryantes na sina Alex at Cris ng kanilang color games sa Cubao at Novaliches kaya’t ipinagkalat na kinausap daw sila ng nagpapakilalang kolektor para hingan ng lingguhang intelihensiya.

Katunayan, hindi lang daw sila ang kinausap kundi pati na rin ang iba pang ilegalista na sina Boy Abang, Ver Bicol Edwin Mata at Ding Palmera pero ang problema, abot-langit daw ang hinihingi na lingguhang intelihensiya.

Ang problema sa ganitong kalakaran, ang mga bagong upong hepe ang apektado dahil kahit wala silang ganoong utos, ang lalakas ng loob ng mga kolektor na gamitin ang kanilang pangalan.

Estero, inangkin ng pribado.

Nahilot din pala sa dakong huli ang utos ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na nag-aatas na gibain ang itinayong talipapa sa bangketa ng Salmon St. sa Barangay 8 matapos mapagkalooban ang lahat ng mga naapektuhang vendors ng puwesto upang muling makapaghanapbuhay.

Ang problema na lang ay kung masisilip ng DILG at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lugar dahil bukod sa nakatayo ang Flea Market sa bangketa, nasa likurang bahagi ng talipapa ang Salmon creek na nagdudugtong sa mga daluyan ng tubig sa karatig barangay kaya’t sa oras na magbara ito, tiyak na magiging malubha ang problema sa pagbaha sa malaking bahagi ng Caloocan City.

Isa pang problema ng barangay ay ang itinayong mataas na pader ng may-ari ng isang malaking lote sa lugar na ginawang parking ng mga trak at iba pang uri ng sasakyan. Nakapagtataka nga kung paano nakakuha ng pahintulot ang may-ari ng lote na bakuran ang bangketa at takpan ang creek. Ipinarating na nga raw ni Barangay Chairman Honesto Gaton kay Mayor Malapitan ang problema at umaasa ang kabesa na aaksiyunan ito ng alkalde.

Lalagyan na nga raw sana ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng bakod ang Salmon creek upang maiwasan ang pagbaha pero mukhang malabo ng mangyari ito dahil bukod sa bakod ng malaking pader, natakpan na rin ito ng itinayong flea market.

Kabataan, natuto ng digital marketing

Sa negosyo ng online retail, electronic commerce at digital marketing itinutok nina Navotas City Mayor Toby Tiangco at Congressman John Rey Tiangco ang kaalaman ng may 970 na kabataang lumahok sa 7th Youth Entrepreneurship Summit (YES) na idinaos sa lungsod upang turuan silang magsimula ng maliit na negosyo.

Naging inspirasyon nga ng mga kabataan ang ilan sa mga dating lumahok sa YES at ngayon ay matagumpay na sa larangan ng kanilang negosyong online shopping, at digital marketing tulad nina Apple Neulid ng Toyang Online Shop at Toyang closet, Danielle Alexis Morales ng Tee-House Printing at Millicent Dumalaong ng Kamila’s Art at iba pa.

Natalakay din ang isa pang proyekto ng magkapatid na Tiangco na E-Smell o ang Enhancing Skills of Management and Entrepreneurship through Life Long Learning na nagsusulong din ng pagnenegosyo sa mga kabataan kung saan binigyan sila ng lakas ng loob ni Mayor Tiangco na magsikap hanggang maabot ang pangarap.

Pinayuhan naman ni Cong. John Rey Tiangco ang mga estudyante ng senior high school, kolehiyo at alternative learning system na maging matapang at bigyan ng buhay ang kanilang mga ideya.

Ang youth summit ay isang taunang programa ng Navotas City sa pangunguna ng NavotaAs Hanapbuhay Center na maituturing na tagumpay, hindi lamang ng lokal na pamahalaan kundi higit sa lahat ay mga kabataang estudyante na makikinabang sa kaalaman na kanilang matututuhan.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363