Ipagbawal na ang paggawa ng single-plastic use

July 10, 2019

SA kagustuhang  lalo pang mapabuti ang serbisyo sa Aduana, binalasa na naman ni  Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang mga district collector ng Bureau of Customs (BoC).

Apektado sa panibagong rigodön ang siyam na collection districts.

Ito ang Port of Manila (PoM), Manila International Container Port (MICP), Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Port of Batangas (PoB), Port of Davao (PoD), Port of Clark (PoC), Port of San Fernando (PoSF), Port of Legazpi (PoL) at Port of Limay.

Ang reshuffle ay isinagawa pagkatapos na i-anunsyo ni Pangulong Duterte na may mga sisibakin na naman siyang opisyal ng BoC.

Siguradong maraming opisyal sa Aduana ang hindi na naman nakakatulog ng mahimbing dahil sa  anunsyo ni Pangulong Digong.  

Pero naniniwala tayo na hindi magpapaapekto ang mga nakararaming kawani ng BoC.

Lalo na ang mga rank-and-file na empleyado.

Sa kanila, ang mahalaga ay magampanan nila ang kani-kanilang trabaho.

Kampante silang hindi sila pababayaan ni Commissioner Guerrero na kilalang just and fair na lingkod-bayan.  

Alam nilang walang personalan sa ginagawang rigodon ni Sir Jagger.

Ang gusto lang niya ay malagay sa mga posisyon ang kanyang mga opisyal.

Para lalong mapabuti ang serbisyo sa mga pantalan na sakop ng BoC.  

***

Mabuti naman at natapos na ang gusot sa House of Representatives.

Tama lang ang ginawa ni Pangulong Duterte na siya na ang nagresolba sa gusot ng kanyang mga taga-suporta sa Kamara de Representante.

At naniniwala tayo sa sinabi ni Duterte na hindi siya makikialam sa gawain ng mga mambabatas.

Bilang isang abogado, alam ng pangulo ang equal branches of government ang executive, legislative at judiciary.

Bilang co-equal, ang tatlong departamento ay hindi puwedeng makialam sa trabaho ng kani-kanilang opisyal.

Ang mahirap lang, papalapit ang 2022 presidential election.
Alam naman natin na kakaiba ang politika sa Pilipinas.

Walang permanenteng kaibigan sa larangan ng maduming politika.

Ang meron lang ay permanenteng interest ng mga politiko.

Kaibigan o kapanalig mo ngayon pero bukas ay magigising ka na lang na mortal na kaaway mo na ang kaibigan mo.

Iyan ang nagdudumilat na katotohanan.  

***

Isang Amerikano ang nagsabing hindi sagot sa problema ng plastic wastes ang “incineration.”
Sinabi ni Paul Connett, isang environmental chemistry and toxicology expert, na ang “incineration” ay hindi sustainable solution sa waste disposable problem sa bansa.

“The trend in the 21st century,” he said, “is not to find better ways to destroy discarded materials but to stop making...products that have to be destroyed,” ayon kay Connett.

Tama naman si Connett.

Tigilan na ang paggawa at paggamit  ng single-use plastics sa bansa.

Wala tayong kakayahang i-monitor ang  pagtapon ng single-use plastics sa buong bansa.
Itatapon lang ito ng taumbayan sa kung saan-saan.

Sayang lang ang perang gagamitin sa pagtanggal sa mga nakabarang plastics sa mga daluyan ng tubig.

Huwag na tayong mag-ambisyong mabibigyang-solusyon ang pagbabaha sa maraming parte ng bansa kung hindi natin ipagbabawal ang paggawa at paggamit ng single-use plastics.

Tama ba kami, Pangulong Duterte?
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com.ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )