Ipahinto ang ‘visa upon arrival’ sa mga Chinese!

November 26, 2018

HABANG isinusulat ko ito’y umusad na ang imbestigasyon ni Senate committee on labor, employment, and human resources development chairman Senador Joel Villanueva kaugnay sa pagdami ng mga manggagawang Chinese sa Pilipinas.

Tugon ito ng Mataas na Kapulungan hinggil sa napaulat na umabot na sa tatlong milyong Chinese nationals ang nasa Pilipinas na nagtatrabaho sa mga online gambling, casinos, call center, cooks sa restaurant, vendors, iba pang nasa business processes outsourcing jobs at constructions.

Masakit at masaklap ang balitang ito dahil kung may Chinese nationals na nagtatrabaho sa Pilipinas, aabot naman sa 9.8 milyong Pinoy ang ‘unemployed’ o walang trabaho sa sarili nating bayan.

Higit na nakapagdagdag sakit at pangamba ang patuloy na pambu-bully ng mga Chinese Coast Guard sa ating mga kababayang mangingisda tulad ng pinakabagong ulat ni GMA 7 veteran reporter Jun Veneracion kung saan ay pilit silang pinaalis, pinagtabuyan at pinagbantaan habang nagko-cover sa Panatag Shoal, may ilang milya lamang ang layo sa karagatan ng Zambales.

Hanggang ngayon, wala pa ring malinaw na direksiyon ang Duterte administration hinggil sa ginagawang pang-aagaw sa ating mga isla ng Chinese government. Ang laging katwiran, sa tamang panahon ay ipupursigi ng pamahalaan ang desisyon ng United Nation (UN) Arbitral Tribunal na nagsasabing Pilipinas ang may ‘sovereign rights’ sa pinagtatalunang South China Sea.

Kasing lambot ito sa pagbawal ng pamahalaan sa pagpasok ng mga Chinese nationals na nagtatrabaho na rito sa Pilipinas.

Walang masama kung nais ng mga Chinese na magtrabaho sa ating bansa. Ang kaso, mas marami tayong kababayan na walang trabaho at dapat bigyan ng hanapbuhay ng sarili nating estado.

Mas marami pa rin ang overseas Filipino workers (OFW) na mas piniling makipagsapalaran sa labas ng bansa -- malayo sa kanilang pamilya -- dahil walang makuhang trabaho rito, bukod pa sa katotohanang mababa rin ang pasahod sa ating mga uring manggagawa.

Sa tuwing may ‘state visit’ ang sinumang  Presidente ng Pilipinas, palagi na lang ipinagmamalaki na baon nila pabalik ng bansa ang pakete ng mga foreign investors na nangangakong maglagak ng negosyo na oportunidad din sa ating mga kababayang makapagtrabaho.

Pero sa nangyayari ngayon, mukhang iba na po ang nakikita nating pangitain tungkol dito.

Sa halip kasing prayoridad na bigyan ng hanapbuhay ang ating mga kababayan, ang mas pinapahalagahan pa ngayon ay mga Chinese workers na ‘legal’ na nakapapasok sa bansa.

Bukod dito, dapat mangamba rin ang pamahalaan at ating mga kababayan dahil may ‘historical basis’ noong bago sakupin ng Japan ang Pilipinas. Ilan sa mga negosyante rito ay mga Hapon na may-ari ng tindahan at nang sumiklab ang World War 2, bigla na lang silang nakitang naka-uniporme na ng Japanese Imperial Army.

Ang nagsabi nito ay si Senador Panfilo Lacson na bago naging mambabatas ay kinilala dahil sa pagiging matinong hepe ng Philippine National Police (PNP) at magaling na intelligence officer.

Sa ganang akin, may isang dapat gawin agad ang gobyernong Duterte para matigil na ang pagdami ng bilang ng mga Chinese workers sa Pilipinas.

Ipahinto agad-agad as in now na ang pag-iisyu ng ‘visa upon arrival’ sa mga Chinese tourist.

Ang nag-iisyu po sa ‘visa upon arrival’ ay Department of Foreign Affairs (DFA), samantalang ang Bureau of Immigration naman ang may kapangyarihan na manghuli sa mga banyagang lumalabag sa ating ‘immigration law,’ kasama na ang pagsawata sa mga Chinese national na naghahanapbuhay nang walang ‘working permit.’

Maganda ang layunin ng ‘visa upon arrival’ para raw makahikayat ng turista mula sa China.

Ang kaso, ginagawa nang raket ng ilang taga-DFA at BI ang nasabing programa. Ang bayad po sa isang ‘visa upon arrival’ ay aabot sa P20,000. Pero ang ‘processing fee’ ay P2,000 pataas. Kung imu-multiply natin ang 2k sa 10,000 Chinese na nakapapasok sa Pinas, ibig sabihin ay may kumita na agad ng P20 million.

Dapat nga, hindi lamang ‘visa upon arrival’ ang pagtuunan ng pansin ng Senado ngayon.

Dapat kalkalin ding mabuti ang sindikato ng ‘fake recognition certificates’ na iniisyu ng BI sa ilang Chinese nationals.

Ang unang dapat tanungin tungkol dito ay si Atty. Jose Marie Ronaldo Ledesma, OIC-deputy commissioner ng BIR.

Tanungin natin si sir kung ano na ba ang status ng kaso niya sa Office of the Ombudsman tungkol sa isyu ng ‘fake recognition certyificate.

Baka kasi nalinis na ang kanyang pangalan, magandang maisulat natin dito para naman malaman natin kung bakit nagpapatuloy pa rin ang sindikato ng pag-iisyu ng  fake recognitions sa mga Chinese nationals.

Ang bilihan po kada ‘fake recognition’ para maging Filipino citizens ang isang Chinese -- kahit wala silang kaanak na Pinoy o hindi man lang marunong magsalita ng tagalog -- ay P500,000.

Kung may 1,000 pekeng Pinoy na Chinese na ang nasa Pilipinas, ibig sabihin, may kumita na agad ng P500 million o kalahating bilyon.

At kung 10,000 Chinese na pala ang nabigyan ng pekeng recognition certificate ng BI? Trilyon pisong kurakot na po ito, mga ate at kuya.