Ipakulong ang mga ‘teroristang’ politiko

December 19, 2018

NAKAKALUNGKOT ang mga nangyayaring patayan dahil lang sa pulitika.

Kailangang kumilos na si Pangulong Duterte dahil ang mga karahasang ito ay sampal sa gobyerno.

Mukhang hindi natatakot kay PRRD ang mga damuhong politikong ito.

Kailangang masampolan ang mga “political warlord” na mga ‘yan.

Panahon na para hulihin at ikulong sila, kasama ang kanilang mga tirador.

Sila’y mga salot ng lipunan at banta sa demokrasya.

Marami ang naniniwala na kaya ni Pangulong Duterte na wakasan ang  pamamayagpag ng mga “teroristang politiko.”

Dahil wala siyang binabayarang “political debt.”

Alam naman natin na nanalo siya noong nakaraang eleksyon dahil sa tulong ng mamamayan at hindi dahil sa pera ng mga may vested interest.

Pangulong Duterte, magpakulong ka na ng mga “teroristang” politiko.

Siguradong “standing ovation” ang sagot ng taumbayan sa gagawin niyo.

* * *

Gamiting oportunidad ang mga problema, kabiguan at krisis para magtagumpay.

Akmang-akma ito sa mga opisina ng gobyerno, kabilang na ang Bureau of Customs (BoC).

Huwag natin kalimutan na ang BoC ay isa sa mga tinaguriang “graft-ridden agencies.”

Huwag pabayaang makasira sa ating mga plano ang mga kabiguan.

Kagaya ng kabiguan ng BoC na maabot ang kanilang target revenue collection.

Kaysa maka-demoralize sa mga taga-BoC, sana maging wake-up call ito sa lahat.

Ito ang pagkakataong kinakailangang may pagkakaisa ang mga nagtatrabaho sa “waterfront community.”

Kagaya ng isang orkestra, kailangang sumunod sa kumpas ng conductor.

With Commissioner Rey Guerrero conducting, kayang-kaya ng “BoC Orchestra” na pasayahin ang publiko.

Paano? Sa pamamagitan ng pangongolekta ng mataas  na buwis at taripa.

* * *

Dapat  ngayon pa lang nasa mga diyaryo, radyo, telebisyön at social media na ang babalang huwag magpapaputok ng rebentador sa kung saan-saan sa darating na New Year revelry.

Sumunod sa batas na nag-uutos na sa mga designated area lang puwedeng gumamit ng mga paputok.

Tumulong na ang mga lokal na opisyal sa Philippine National Police para iparating sa taumbayan ang pagbabawal sa pagpapaputok ng rebentador sa mga bahay-bahay at kanto-kanto o mga hindi otorisadong lugar.

Ang pagbabawal na ito ay suportado ng lahat ng sektor.

Malaking perhuwisyo ang dulot ng mga paputok at pyrotechnics, lalo na ang mga ipinagbabawal at depektibong paputok at pailaw.

Hindi biro ang mamatay, maputulan ng daliri, kamay at paa, mabulag o masunugan.

Pero meron pa ring tayong mga kababayan na talaga namang sobrang titigas ng ulo.

Kapag nadisgrasya naman ay umaatungal ng iyak.

Huwag nating kalimutan ang kasabihang “laging nasa huli ang pagsisisi.”

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)