Ipatawag ang lahat ng nurse na walang trabaho!

ISINUSULAT ko ito ngayong ng tanghali ay siyam na doktor na ang nasawi dahil sa pagkalat ng coronavirus disease o COVID 19.

Sa pamamagitan ng GMA-DZBB, kinilala ni Dr. Dennis de Guzman, dating assistant secretary general ng Philippine Medical Association (PMA), ang pangalan ng mga namayapang doctor na sina:

•    Dr. Israel Bactol, cardiologist, Philippine Heart Center,

•    Dr. Rose Pulido, oncologist, San Juan de Dios Hospital,

•    Dr. Gregorio Macasaet III, anesthesiologist, Manila Doctors Hospital,

•    Dr. Raul Jara, cardiologist, Philippine Heart Center,

•    Dr. Henry Fernandez of Pangasinan Medical Society,

•    Dr. Marcelo Jauchico, Pampanga Provincial Health Officer,

•    Dr. Raquel Seva, obstetrician-gynecologist Evangelista Specialty Hospital in San Pedro Laguna,

•    Dr. Hector Alvarez of Novaliches District Hospital and

•    Dr. Sally Gatchalian, President of the Philippine Pediatric Society,

Sa pangyayaring ito, hindi lang buong komunidad ng doktor ang nalungkot kundi pati na rin ang sambayanang Pilipino.

Simula nang ipatupad ng Pangulong Duterte ang (enhanced) ‘community qurantine’ noong nagdaang March 15, patuloy na tumataas ang dami ng bilang ng biktima ng COVID-19.

May 636 COVID cases ang naitala (as of March 25) at 19 na ang namatay, kabilang ang siyam na tinukoy na manggagamot ni  De Guzman.

Hindi naman kumbinsido si Dr. Benito Atienza, presidente ng PMA, sa panukala ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino na ‘wag nang pakuhain ng ‘board exam’ ang mga graduating medicine students ngayon upang magamit agad sila sa iba’t ibang hospital sa pagsugpo sa COVID-19.

Ayon kay Atienza, kailangang may sapat na training, seminar at tamang lisensya ang isang manggagamot sa pagsabak sa ganitong uri ng sakit.

Walang dapat ipag-alala aniya ang taumbayan dahil ang PMA ay may 83,000. Nakaantabay lamang aniya sila sa mga dapat gawin kung paano sila ide-deploy ng pamahalaan dahil nakahanda silang sumabak sa ganitong uri ng ‘trabaho.’

Ang bawat miyembro ng kanilang samahan ay may iba’t iba ring asosasyon kaya sapat ang bilang ng mga doktor sa bansa at hindi na kailangan pang ‘wag pakuhain ng board exam ang 1,500 graduating medical students.

May ginagawa nang ‘scheme’ ang mga hospital ngayon upang hindi maubos ang mga doktor at ma-expose’ sa mapaminsalang virus.

Ang kailangan talaga ngayon ng mga doktor ay matugunan ang kakulangan ng Personal Protective Equipment (PPE), hindi lamang ng mga doktor kundi mga nurses at iba’t ibang health workers mismo.

Umaasa ang Department of Health (DOH) na ngayong napirmahan na ng Pangulong Duterte ang pinagtibay  na  ‘Bayanihan to Heal as One Act’ ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa nakalipas na Special Session, marami nang supply ang mabibili at maangkat ng pamahalan.

Nasa Pilipinas na rin ang 50,000 testing kits na donasyon ni Chinese business magnate Jack Ma kay Senador Manny Pacquiao para  magamit ng pamahalaan.

Kung sapat ang bilang ng mga doktor, tulad ng sinabi ni Atienza, nasisiguro ko namang nagkakaubusan o kung hindi man ay pagod na ang karamihan ng mga nurse na nagdu-duty ngayon sa iba’t ibang hospital.

Mas dapat dito ituon ang panukala na i-tap sila ng DOH upang magtrabaho sa mga hospital.

Bagaman wala tayong sapat na kabuuang bilang, alam nating lahat na maraming mga ‘board passers’ na nurse sa Pilipinas ang walang trabaho at nasasayang lamang ang kanilang kaalaman at lisensya hanggang ngayon.

Puwedeng sa pamamagitan ng LGU hanggang barangay, pakilusin ang mga nurse nating kababayan para maging kaagapay sa pagsugpo kontra corona virus.

Puwedeng hindi sila agad isabak sa mga ‘toxic cases’ o ‘bedside duty nurse,’ kundi magagamit sila sa mga ‘triage’ at ‘emergency department’ sa pagkuha ng mga vital signs ng mga pasyente. Tulad ang pag-rekord sa taas, timbang, lagnat, blood pressure at iba pang mahahalagang personal na impormasyon ng pasyente.

Kung may mga ‘critical judgement call,’ maari itong ipaubaya sa mga eksperyensadong nurse.

Maaari ring i-assign sila sa bawat barangay sa pagmonitor sa kalagayang pangkalusugan ng ating mga kababayan, ngunit sana naman ay bigyan sila ng sapat na kumpensasyon at seguridad alang-alang na rin sa kanilang kapakanan at kapakinabangan.

Kapag nangyari ito, sigurado akong maraming pagod na mga ‘duty nurse’ ang matutuwa dahil kabawasan na rin ito sa kani-kanilang work load.

Kung may sapat na pahinga’t tulog ang ating mga nurse, manggagamot at iba pang hospital workers, mas magiging maayos, magaang at sistematiko ang hindi matawarang ibinibigay nilang serbisyo sa ating bayan.