
Ipatupad ang Road Safety Action Plan
SA kabila ng tindi ng trapik sa Pilipinas, maaari ka pang mamatay sa mga lan sangan dito. Noon 2016, mayroon 12,690 ang namatay sa aksidente sa kalsada at patuloy ang pagtaas ng bilang nito batay sa WHO Global Status Report on Road Safety 2018.
Kaya nga’t napapanahon sa pagdiriwang ngayon ika-17 ng Nobyembre ng “World Day of Remembrance for Road Traffic Victims” (United Nations General Assembly Resolution No 60/5) na mag-ambag ang bawat Pilipino sa pagpapatupad ng PRSAP o Philippine Road Safety Action Plan (PRSAP) 2017-2022. Mayroon itong 5 aspeto: road safety management; safe roads and mobility; safe vehicles; safe road users; at post-crash care.
Hindi dapat iasa lang sa DOTr, DPWH, LTO, LTFRB, PNP, DILG at MMDA ang responsibilidad na maging ligtas sa paglalakbay sa lansangan. Kailangan kumilos ang lahat. Sa dami ng inaasikasong masalimuot na mga problema sa transportasyon, hindi kakayanin ng DOTr mag-isa kumilos para maganap ang bisyon na zero road crash deaths sa 2022 na itinatakda ng PRSAP.
1.35 milyon tao ang namamatay sa aksidente sa lansangan sa buong mundo. Ibig sabihin, may namamatay sa kalsada kada 24 segundo. Ang road crash deaths ang pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga bata sa edad na 5-14 at mga kabataan sa edad na 15-29. 54% ng mga namatay ay mga nakamotorsiklo (28%), mga tumatawid o naglalakad sa sidewalk na pedestriyan( 23%), at mga nagbibisikleta (3%). Ang kabuuang gastos at pinsala sa ekonomiya na bunga ng pagpapagamot sa mga naaksidente at epekto ng kamatayan ng mga biktima ay 2.6% ng GDP ng isang bansa.
Sinabi ni Dr. Gundo Weiler , WHO Representative sa Pilipinas, na labis- labis na ang isang tao ang mamatay sa aksidente sa lansangan sapagkat alam nating lahat na kaya namang hadlangan ito . Minungkahi ni Dr.Weiler na palakasin pa ng Pilipinas ang pagpapatupad ng mga batas tulad ng tamang tulin ng takbo ng mga sasakyan, pagtawid sa tamang tawiran, pagbabawal ng pagmamaneho kapag nakainom ng alak, ang paggamit ng helmet ng mga nagmomotorsiklo at pagsuot ng sinturong pangkaligtasan, ang pagbabawal ng paggamit ng cellphone habang nagmamaneho at ang pagpapaupo sa mga bata sa likod na upuan ng sasakyan.
Dapat din magbalangkas ang Kongreso ng batas na nagtatakda ng pambansang pamantayan ng mga katangian ng sasakyang ligtas gamitin sa lansangan at hindi nakakapinsala sa kalikasan.
Bilang mamamayan, tumawid sa tamang tawiran o tulay at huwag kahit saan tatawid para lang makaiwas sa paglakad ng malayo o pag-akyat sa overpass. Ginawa ang mga ito para sa atin kaligtasan.
Kung may sasakyan, maging responsableng may ari ng sasakyan. Sumunod sa regular maintenance check-up nito. Buhay ng iyong pamilya at ng iba pa ang nakataya dito. Ang iba kasi, maneho lang nang maneho. Buksan ninyo ang tapalodo, siguraduhin may sapat na brake fluid, langis ng makina, tubig ng radiator at baterya, at maayos na fan belt. Magpalit agad ng wiper blade kung gastado na ito at ipagawa ang headlight at taillights. At kung iinom ng alak, huwag magmaneho. Kung magmamaneho, huwag uminom ng alak.
Panahon na rin para ang LTO ay magtayo ng mga road test course para matiyak na marunong magmaneho ang aplikante ng Driver’s license. Natatandaan ko pa nuong kumuha ako nito. Pina-start lang sa akin ang sasakyan. Pasado na agad. Kanya tuloy nagkakabuhol-buhol ang trapik sa Pilipinas dahil hindi dumaan sa tamang training ang driver at hindi dumaan sa actual road test demonstration ng kanyang driving skills.
Kailangan gayahin ng mga bar at iba pang negosyong tambayan ng mga nag-iinuman ng alak ang South Korea na mayroong “valet service” para ipagmaneho ng driver ng bar ang mga kostumer na hilo na sa kalasingan sa dami ng inorder.
Dapat magingat lahat ng nagmo-motorsiklo. Mag-helmet kayo. At huwag singit nang singit kaliwa’t kanan. Kung si Pangulong Duterte nga sumemplang sa loob ng Malacanang grounds at sumakit ang likod, kayo pa kayang kaskasero mag-motor ay hindi masaktan kapag sumemplang?
Kailangan magtalaga ng pamantayan ng bilis ng pagresponde ang mga rescue team sa aksidente. Dito tayo mahina, ang post crash care. Maraming buhay ang maliligtas sa mabilis na pagdating ng ambulansya at rescue team para lapatan agad ng first aid ang biktima habang dinadala sa ospital.
Nuong isang buwan lang, may isang rescue team ng LGU sa Northern Metro Manila na inabot pa ng 30 minuto bago makarating sa Bulwagan ng Katarungan para magresponde sa isang inatake sa puso. Bakit ang tagal nilang dumating samantalang nasa likod lang ng Bulwagan ng Katarungan ang HQ ng rescue team?
Unahin ang kaligtasan palagi. Safety first. Isipin palagi ang masamang epekto ng kapabayaan sa paglalakbay sa lansangan sa inyong pamilya at anong klaseng buhay ang sasapitin nila kung sakaling maaksidente ka, mabalda o di kaya ay mamatay.