Home>Editorial>Opinion>Ipinasarang bilyaran ni Mayor Oca, nagbukas na muli

Ipinasarang bilyaran ni Mayor Oca, nagbukas na muli

MAY utos na pala si Caloocan City Mayor ‘Oca” Oscar Malapitan na ipasara na ang isang bilyaran sa Barangay Bagong Barrio dahil nagiging tambayan daw ito ng mga nahuhumaling sa ilegal na droga.

Hindi lang pala social distancing at maging sa umiiral na curfew ang nilalabag ng may-ari ng naturang bilyaran kundi pati na ang mahigpit na paglaban sa ilegal na droga ng pamahalaang lungsod ng Caloocan.

Nang iutos kasi ng alkalde ang pagsasara ng billiard hall na nasa kanto ng Tirad Pass at General Tinio sa Bgy. Bagong Barrio, tumalima naman daw kaagad ang may-ari at isinara ang bilyaran.

Pero sabi ng mga residente sa lugar, ang malaking gate na nagsisilbing pintuan lamang ng bilyaran ang isinara ng may-ari pero pinapayagan pa ring makapasok sa loob nito ang kanilang mga parokyano pagsapit ng gabi kapag natiyak na wala ng sisita sa kanila.

Eto ngayon ang siste, lantaran na rin umanong binuksang muli ang bilyaran dahil mukha raw may opisyal sa city hall ng Caloocan na nagbigay ng basbas para payagang muli ang operasyon ng bilyaran.

Ang ikinababahala ng mga magulang ng mga kabataan sa lugar, baka hindi lang mahumaling sa larong bilyar ang kanilang mga anak kundi sa iba pang ilegal na gawain tulad ng paggamit ng droga.

Kapag siguro nakarating sa kaalaman ni Mayor Oca ang pagsuway sa una niyang kautusan, baka gumulong ang ulo ng sino mang opisyal sa lungsod na nagbigay daw ng basbas para mabuksan ang bilyaran na ginagawa umanong tambayan ng mga nahuhumaling sa droga.

Night Market sa Pasay aarangkada na

HINDI lang isang matalinong pagpapasiya ang ginawa ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa pagtatayo ng “Night Market” kundi isa ring malawak na pang-unawa at pagmamahal sa mga maliliit na manininda na na-apektuhan ng isinagawang clearing operation.

Nilinis na kasi ng pinagsanib na puwersa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng lokal na pamahalaang lungsod ng Pasay ang matagal ng problema sa hindi na madaanang kalsada ng Taft Avenue patungong Baclaran dahil inokupa na ito ng mga illegal vendors na pinamahalaan mismo ng alkalde.

Pero hindi naman tuluyang inalisan ni Mayor Emi ng hanapbuhay ang maliliit na manininda sa lugar na sakop ng lungsod ng Pasay dahil binigyan niya ang mga ito ng alternatibong lugar na puwede nilang pagkakitaan sa itinayong Night Market sa service road ng Roxas Boulevard na magbubukas na sa publiko bukas, araw ng Biyernes.

Ang Night Market na naisipan ng alkalde ang kauna-unahan at natatanging pinahintulutan ng MMDA kahit na nasa ilalim pa ng general community quarantine ang Kamaynilaan dahil ipaiiral dito ang mahigpit na panuntunan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Kabilang na rito ang social distancing, pagsusuri sa temperatura ng bawa’t isang mamimili at manininda, paglalagay ng entry at exit points upang hindi magkadikit-dikit ang tao pati na ang pag-sanitize sa kamay ng mga papasok.

Ang night market na magsisimula ng 5 p.m. at magsasara ng alas-12 ng hatinggabi ay isa rin sa mga aktibidad kaugnay sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-157 anibersaryo ng lungsod sa Disyembre 2.

Laglagan blues

HANGGANG ngayon pala ay hindi maalis ang alingasngas kaugnay sa laglagan-blues sa pagitan ng isang police official at ng kanyang bagman kahit ilang buwan na ang nakalilipas dahil palagi raw naikukuwento at inaalala ito ng mga taong nakolektahan ng pekeng fund raising para sa mga biktima ng kalamidad.

Ito kasing si Mr. Bagman na kilala sa tapang ng apog ang nagsilbing front ng fund raising pero hindi siya nag-iisa sa kanyang layunin dahil inutusan lang umano siya ng kanyang among opisyal.

At dahil may basbas na kumolekta para pantulong kuno sa mga naging biktima ng kalamidad, brinaso talaga ni Mr. Bagman ang mga illegalista at ang masaklap, puwersahan din niyang hiningan ang mga club owners kahit mahina ang negosyo.

Siyempre, sa kagustuhang makisama ng mga ilegalista, bumigay sila sa hirit ni Mr. Bagman dahil baka nga naman kapag tinanggihan nila at nanatili pa sa puwesto ang amo nitong opisyal, hindi sila makapag-operate at tiyak na mas malaki nga naman ang mawawala.

Ang kaso, biglang pumutok ang pangalan ni Mr. Bagman sa ginagawang pekeng fund raising at para ipagtanggol ang sarili, naghugas kamay siya at inginuso ang kanyang among opisyal na siyang pasimuno rito.

Ang maganda nito, nauna na pala siyang inilaglag ng kanyang amo dahil galit na galit daw ang opisyal sa paggamit ni Mr. Bagman sa kanyang malinis na pangalan sa paggawa ng ilegal na aktibidad at hinimok pa ang mga ilegalista at iba pang nakotongan na maghain ng reklamo laban sa bagman. Eh sino nga namang ilegalista ang maglalakas-loob na magdemanda pa?

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363

Publication Source :    People's Tonight