‘Ipit-tren’ ‘sagot’ sa smuggling?

December 13, 2019

BAGO ang lahat, narito ang pahayag ng National Press Club (NPC) hinggil sa bagong “sablay” ni NCRPO acting director, Debold Sinas, sa kanyang pakikitungo sa mga mamamahayag. Ang insidente ay nangyari kahapon sa Maynila:

“Kinastigo ng National Press Club (NPC) ang ginawa umanong pambabastos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director, B/Gen. Debold Sinas sa isang babaeng reporter ng GMA-7 kaninang umaga.

“Ayon kay Paul Gutierrez,  chairman ng NPC Press Freedom Committee at vice president ng samahan, hindi naging maganda ang pakikitungo ni Sinas sa hindi na pinangalanang reporter na magko-cover sana sa aktibidad ng NCRPO bandang alas-5 ng umaga sa Maynila.

“Nabatid na nagsagawa ng ‘ocular inspection’ ang NCRPO kasama ang Manila Police District (MPD) sa nasasakupan ng Quiapo Church bilang paghahanda sa seguridad ng ‘Traslacion 2020.’

“Magtatanong sana ang naturang reporter hinggil sa ginagawang inspeksyon pero sinopla siya ni Sinas ng dalawang beses saka sinabihan na “mamaya na lang” dahil mag-isa pa lang siya na nagkokober sa ginagawang inspeksyon.

“Nagsasalita pa umano ang mamahayag nang takpan ni Sinas ang kanyang mukha ng kamay nito bago tinalikuran.

“Inulit pa ni Sinas ang kanyang ginawa nang muling magtangka ang mamamahayag na makapanayam siya at saka sinabihan umano nang, “hindi ba sinabi ko sa iyo, mamaya ka na at mag-isa ka palang.”

“Dahil dito, tila napahiya ang babaeng reporter kaya’t umalis na lamang siya at hindi na bumalik pa.

“Sinabi naman ni Gutierrez na sana ay naging professional si Sinas sa ginawa nito lalo na’t professional din naman ang mga taong nagtatanong o magtatanong sa kaniya sa hanay ng media.

“Respetuhin din sana ng opisyal ang media lalo na’t sila ang mga nagbabalita ng mga ginagawa ng NCRPO maging sa ilang ahensiya ng pamahalaan.

“Bago ang insidente, “isinara” na rin ni Sinas ang ‘Media Viber Group’ ng NCRPO na binuo ni dating NCRPO director, Lt. Gen. Guillermo Eleazar.

“Ayon sa mga impormante, ipinasara ni Sinas ang nasabing viber group dahil hindi naman umano siya ang gumawa nito at hindi rin niya kilala ang mga miyembro nito.”

***

Binabasa ninyo ito, dear readers, hindi natin alam kung ‘nakapag-shower’ na itong ating mga kaibigan na sina MICP district collector Jay Francia at CIIS director, Jeff Tacio, matapos “masabon nang walang banlawan” at “mag-almusal” ng ‘Army barracks language’ mula naman sa atin pa ring kaibigan na si BoC commissioner, Rey ‘Jagger’ Guerrero, kahapon ng umaga.

At dahil hindi naman kasi puwedeng maitago ang mga ganitong insidente nang “pamboboldyak”—at baka siya pa ang mapagbintangan ng ‘coverup’ at pagiging “sinungaling”—no choice kahapon si BoC spokesman, Atty. Jett Maronilla kung hindi “aminin,” na yes, dear readers, “galit na galit,” as in, “galit na galit” ang dating chief of staff ng ating Sandatahang Lakas.

Bagaman nga kasi ‘soft spoken’ itong si Comm. Jagger, dear readers, eh, sa totoo lang, para din siyang si PDU30 na “bastos ang bunganga” kapag talagang galit!

‘Yun bang… hindi siya ipokrito na pilit itatago ang kanyang pagkabuwisit para lang masabing “disente.”

At kahapon, muling “napuno ang salop ng pagtitimpi” ni Comm. Jagger sa “balita” na mayroon na namang natimbog na mga ‘frozen food products’ mula umano sa China ang mga tauhan naman ng ‘National Meat Inspection Service’ (NMIS).

Ang siste, lumalabas sa paunang imbestigasyon ng BoC na sa MICP (na naman) “nakalusot” ang nasabing kargamento kaya “nasabon (daw) nang walang banlawan” si  Coll. Jay.

Take note, dear readers, lahat ng insidente ng “nakalusot” na shabu na nabisto ng gobyerno, sa ating pagkakaalam, sa MICP “dumaan,” aray!

(At para maging “parehas,” ‘yung mga ‘missing containers’ at mga ‘swing operation’ sa Port of Manila naman yan at sa Mindanao Container Port, yeheyy, hehehe!).

Samantala, lumalabas din na ‘clueless’ si Tacio bagaman nga siya ang ‘intel service chief’ ng  BoC at hindi magawang ipaliwanag ang nasabing insidente kaya “damay” siya sa ‘early morning umbrage’ ni Comm. Jagger, yeheyy, agh, huhuhu!

Kuwento pa ng ibang miron, ang “gusto” pa ni Comm. Jagger ay “pahigain” na lang sa riles ng tren itong kanyang mga “nagkakalat” na mga tauhan at hintaying dumaan ang mga tren dahil nga palagi silang “nabubulaga” sa mga ulat na talamak at wala pa ring tigil ang smuggling, ahahay!

Kumbaga, “ipit-tren” na yata ang nakikitang “solusyon” ni Comm. Jagger sa problemang ito, hihihi!

Sabagay nga, sa “salto” na higit P16 bilyon (shortfall) sa ‘target collection’ ng Aduana ngayong taon at pagkatapos may mga ulat pa na patuloy na “nakakalusot” ang mga ‘regulated’ at ‘banned items’ sa mga pantalan, paano bang matutuwa si Comm. Jagger, aber?

Eh, “kalma-kalma” lang, Comm. Jagger, hane? Magkape na lang tayo, hehehe!

Abangan!