Irespeto ang Office of the Ombudsman

September 11, 2019

MALAKI ang problema ng ating justice system.

Hindi lang ito tumutukoy sa mga common criminals na nililitis, nahatulan at napapalaya dahil sa katiwalian.

Maging sa aspeto ng malinis na pamamahala ay nagkakaproblema tayo dahil sa mga opisyal ng gobyerno na hindi kumikilala at gumagalang sa mga ahensiyang may mandato ng batas para magpatupad na karampatang parusa sa mga nagkakasala.

Nito lang nakaraang araw, naglabas ng kautusan ang Office of the Ombudsman para suspendihin ang 27 Bureau of Corrections na nasangkot sa maeskandalong good conduct time allowance ng mga bilanggo.

Bago lang ito, mainit-init pa ay inuutusan ng Ombudsman ang DoJ na ipatupad ang 60 days suspension laban sa mga taong pinaghihinalaang sangkot sa GCTA for fee scam. Ang tanong  ay kailan kaya naman ito ipapatupad? Kung hindi agad-agad maipapatupad ang suspension, dapat siguro tanungin natin kung kailangan pa natin ng Office of the Ombudsman.

Ang sagot po ay, yes, malaki ang pangangailangan natin na kilalanin ang pangil ng Ombudsman dahil ito lamang ang sumasala sa mga latak sa gobyerno na nasasangkot sa mga pang-aabuso at katiwalian.

Tingnan nating mabuti ang nangyayari sa lalawigan ng Nueva Ecija. Noong Nobyembre 2016 ay naglabas ng desisyon ang Ombudsman na nagtatanggal kay Gobernor Oyie Umali dahil sa sinasabing maanomalyang pagbili ng liquid fertilizer.

Batay sa hatol ng Ombudsman, bukod sa pagtanggal sa posisyon kay Umali, pinagbawalan na rin itong makahawak ng posisyon sa gobyerno habambuhay.

Pero sa kabila ng hatol, nakatakbo pa si Umali bilang gobernardor noong May 2019. Wala bang due diligemce o kortesiya man lamang ang Comelec sa Ombudsman na naglabas ng desisyon? Dapat ay hindi ito pinayagang kumandidato dahil sa perpetual disqualification from holding public office.

Hanggang nitong nakaraang Lunes, hindi pa rin naisisilbi ang dismissal order ng Ombudsman gayong dapat ay matagal na itong wala sa puwesto. Isipin nating mabuti, 2016 ang desisyon pero pinayagan pa rin ng Comelec na kumandidato nitong 2019.

Nitong nakaraang Lunes, may inilabas pang TRO ang Court of Appeals para pigilan ang kautusan ng Ombudsman. Saan ka naman nakakita na iyong Ombudsman ay nag-imbestiga ng matagal na panahon, pinag-aralan mabuti ang kaso, hiningian ng paliwanag ang magkabilang panig bago naglabas ng desisyon. Pero ang CA, sa isang kisap-mata, may TRO na agad na hindi natin alam kung ano ang batayan.

Ang natatandaan nating  sinasabi  ni Pangulong Duterte, literal na sisipain niya raw ang mga huwes na matakaw sa paglalabas ng TRO. Magandang pag-aralan kung bakit ang Ombudsman na nagdesisyon batay sa tama at katarungan ay pipigilin lang  ng TRO dahil sa hindi maipaliwanag na konsiderasyon?

sabihin lang nito,  basta na lamang babalewalain ng RTC ang isang lawful order na ibinatay sa facts and merit of the case laban sa isang petisyon?

Tama rin na gamitin ni Umali ang lahat ng prosesong legal pero dapat ay hindi naapektuhan ang kapangyarihan ng Ombudsman sa isang banda at ang kapangyarihan ng DILG na ipatupad ito sa kabilang banda.

Matindi ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa katiwalian kaya naniniwala tayong hindi pa nakakarating sa kanyang kaalaman ang nangyayari sa Nueva Ecija.
allanpunglo@gmail.com