Isama sa absentee voters ang PWDs at senior citizens!

PAULIT-ULIT ang nasasalubong nating problema sa tuwing araw ng halalan. Nandyan ang nawawalang pangalan, malawakang vote-buying at siyempre ang palpak na vote counting machine na mismong si dating Vice-President Jejomar Binay ang nabiktima.

Hababg isinusulat ko ito’y daang bilang na ang naitalang insidente ng dayaan. Partikular na rito ang napaulat kahapon ng umaga na vote buying sa PNP National Election Monitoring Action Center kung saan 159 ang violator at 149 ang naaresto, habang 10 ang umano’y nakatakas sa mga awtoridad.

Sa nasabing bilang ay 108 katao ang naaresto sa Metro Manila pa lamang iyan. Si Quezon City mayoral candidate 1st District Rep. Vincent ‘Bingbong’ Crisologo at anak nitong si Atty. Edrix Crisologo ay inaresto naman dahil sa umano’y pakikialam sa mga awtoridad nang mabghuli ng ilang flying buyers.

Tinangka umanong pigilan ng mag-amang Crisologo ang mga kagawad ng pulisya nang arestuhin ang 40 katao dahil sa pamimili ng boto sa Bgy. Bahay Toro, ayon kay QC Police District commander Brig. Gen. Joselito Esquivel.

Wala pa tayong natatandaan kung may naparusahan na ba ang Comelec hinggil sa vote-buying.

Base sa itinatadhana ng Omnibus Election Code, ang sinumang napatunayang nagkasala sa pamamagitan ng vote-buying, maaari silang makulong mula isa hanggang anim na taon.
Iba’t iba ang mukha o paraan ng vote buying.

Nandyan ang garapalang pamimigay ng pera, iyong iba naman ay pagkain, grocery, livestock, tubig, nangangako ng promosyon sa trabaho, scholars at kahit ang pamamahagi ng conditional cash transfer na isang programa ng pamahalaan para sa mga kababayan nating mahihirap.

In fairness sa Comelec ngayon, ginagawa naman nila ang lahat ng paraan upang matugunan ang mga problema sa tuwing may halalan kaya umaasa tayo ngayong may malalaking tao nang naaaresto tungkol sa malawakang dayaan, sana ay magkaroon na rin ng mga personalidad na tuluyang makukulong dahil sa mga ganitong uri ng pandaraya.

May isa pa tayong hiling sa kinauukulan.
Palagi na lang, tuwing araw ng halalan ay nahihirapan ang mga kababayan nating may kapansanan at  senior citizens.

Sa gitna ng pagkakabilad sa tirik ng araw at haba ng pila, hirap na hirap ang ating senior citizens at PWDs para lamang makaboto.

Alam nating mahabang proseso kung bibigyan sila ng sariling presinto, pero kung magiging maagap at masinop lamang ang Comelec, hindi imposibleng mangyari ito.

O dapat, isama sila sa mga local absentee voting para naman hindi na sila mahirapan pa.

Bukod kasi sa kaawa-awa ang kanilang kalagayan, malaking abala rin ang pagbibigay sa priority lane ng mga botanteng nakapila dahil inuuna siyempre ang  PWDs at senior citizens.

Kung ang mga pulis, militar, teacher, mediamen at mga kababayan natin sa labas ng bansa ay pinapayagang makaboto sa pamamagitan ng absentee voting, madali rin naman sigurong ma-accommodate sila sa mga susunod pang halalan.