“Isang metrong agwat lang tayo”

March 22, 2020

Masyado raw “sosyal” ang mga salitang social distancing. “Pangmayaman” lang daw ito. Nakalimutan marahil nang mga bumuo ng mga salitang ito na higit na marami ang mahihirap na Pilipino sa ating bansa.

Nang unang inihayag ang mga salitang ito, marami ang “tumaas ang kilay?” Ano daw ang ibig sabihin nito. Ipinaliwanag naman ng mga  Department of Health (DOH) na kailangang may isang metrong pagitan ang bawat isang tao saan mang lugar sila naroroon.  Ngunit social distancing pa rin ang ginamit na mga salita.

Ipinatutupad ito maging ito man ay sa botika, grocery, palengke, sasakyan, at marami pang iba.

May nagtanong, “Paano ang mga pasahero sa eroplano? May isang metro ba ang agwat ng kanilang mga upuan?”

May ikalawa pang tanong, “nangyayari ba ito sa mga talipapa at palengke? Maraming nasa mga lugar na ‘yon ang magkakatabi at sa matagal pang panahon lalo na kung pumipili  ng kanilang bibilhin.”

Hindi ito sinusunod ng mga Pinoy na nasa mga siksikang lugar lalo na kung ang mga bahay ay tabi-tabi at ang mga residente nito ay at wala pang isang metro ang pagitan ng kani-kanilang bahay. Paano nga’y maraming mga komunidad sa bansa ay tahanan ng mga mahihirap.

Ang isa pang dahilan sabi ng nakausap ko ay hindi naman nila nauunawan kung ano ang ibig sabihin ng social distancing. Akala no’ng iba ay pinaghihiwalay na ang magkakasama- mag-asawa, magkaibigan, magkakaopisina atbp.

Nangyayari ito sa mga Pilipinong hindi inabot ng paliwanag ng DOH. Yaong mga Pinoy na araw-araw ay nakapila sa terminal ng mga dyipni at traysikel, mga terminal ng bus na abala sa kanilang mga pagkokonduktor at pagbebenta ng mga kakanin at malamig na sago’t gulaman. Mga pangkaraniwang tao.

Kahit ang mga tindera sa mga palengke ay mga balitang isinalin na lang ng kanilang mga kaibigan o kapitbahay ang naririnig. Ang siste, maaaring hindi na ito tama. Nadagdagan o nabawasan na.

Bakit nga hindi na lang palaganapin ang mga salitang Isang Metrong Agwat lang Tayo.

Wikang Pilipino na lang ang gamitin  sa halip na social distancing na mula sa dayuhang wika. Higit na madaling magkaunawaan kung wikang Pilipino o iba pang mga wika sa bansa ang gagamitin.

Sa mga grocery at drug strore o botika, ipinaiiral ng ilan ang isang metrong agwat. Dala-dalawa lamang ang puwedeng pumasok at bumili. Pagkaraan ng dalawa ay may susunod na namang dalawa. Ang bilis ng pagpapalitan dami ng taong papasok ay nakabatay sa laki ng pasilidad na puwedeng gawin ang isang metrong agwat ng bawat tao.

Ginagawa ito ng awtoridad upang mapigilan ang pagkalat ng Covid 19. Malaking bagay ito sa paglaban sa nakamamatay na virus na ito.

Sa tingin ko pa rin, “imported” ang  sakit na ito sa ating bansa. Hawahan ang nangyari. Mula sa ibang bansa ang nagdala ng Covid 19 at hinawahan ang kanilang nakasalamuha at kumalat na ito sa Pilipinas. Hanggang ngayon, mga maysakit na Covid 19 pa rin mula sa ibang bansa ang nagpapakalat ng sakit na ito batay sa aking mga narinig at nakita sa mga ulat ng media.

Hindi sa Pilipinas nagmula ang Covid 19. Ngunit kailan lang hinigpitan ang pagpasok ng mga dayuhan dito? Ang ibang bansa ay maagang naghigpit sa kanilang travel ban. Sa Pilipinas ay higpit-bawi ang naging patakaran. Patuloy pa umanong pumapasok ang mga Tsino sa bansa natin. Marami pang umuuwi sa atin mula sa ibang na may sakit na ng Covid 19.

Kailan lang ay may isang propesor ang umuwi sa ating bansa na may sakit nang Covid 19 at namatay  dito sa ating bansa. Ano na nangyari sa mga nakasakay niyang pasahero sa eroplano? Paano na ang mga nakasama niya sa bahay bago siya dalhin ng ambulansya sa ospital.

Kung hindi rin maghihigpit sa airport hinggil sa pagpasok ng mga Pilipinong may sakit na Covid 19 na umuuwi sa bansa, walang mangyayari sa mga pagsisikap ng DOH at Inter-Agency Task Force ng Pilipinas. Kailangang maging seryoso tayo sa pagpapatupad ng mga proteksyon laban sa Covid 19. (bangonkalikasan@yahoo.com)