Itokhang ang mga sangkot sa PhilHealth scam

ISA na namang katiwalian ang sumabog sa PhilHealth.

Tungkol naman ito sa pagpapa-dialysis sa mga patay nang pasyente.

Noong una, nabunyag na rin ang ganitong scam sa PhilHealth na may kinalaman naman sa mga pekeng pasyente ng catarata.

Bilyong piso ang pinag-uusapan dito na pondo para sa mga kababayan nating nagpapaospital sa tulong ng PhilHealth.

May mga nauna na ring eskandalo ang nabunyag  tungkol naman sa mga pekeng beneficiares ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, lalo na sa panahon ng dating administrasyon.

Iyong catarata scam, dating administrasyon din nangyari iyon. Itong dialysis scandal ang pinakabago pero tiyak tayo na mga dalubhasa rin ang kayang gumawa.

Hindi natin alam kung bakit nakakaya ng ibang tao na pagnakawan ang pondong ito na nakalaan sa poorest of the poor nating mga kababayan.

Kung hindi pa kayo nakakita ng actual na mahihirap na inaalipusta at nilalagpas-lagpasan sa ospital, aba’y pinapayuhan natin ang mga taga-PhilHealth na lumabas ng kanilang airconditioned room.

Kung kaya nyong sikmurain na agawin ang pondo para sa mga kababayan nating nagkakasakit at namamatay nang hindi man lang nakakita ng duktor, ang masasabi natin ay sinapian na kayo ni Satanas mga hayup kayo!

Hindi ko makalimutan ang isang insidenteng humingi ng tulong sa akin ang pamilya ng aking kaklase na naisugod sa isang pribadong ospital sa Novaliches.

Parang umagos na flashblood ang aking luha nang makita ko ang aking  kaklase  na nakahiga sa sahig ng ospital dahil lamang walang pera at sobrang hirap. Hindi lang ako taong palamura pero halos murahin ko ang mga hospital staff sa dinatnan ko. Kalaunan, namatay din ang kaklase ko na iyon.

Isa lamang iyon sa maraming insidente ng pagbisita ko sa ospital na kapag talagang nalaman ng mga taong may puso ay hindi pag-iisipang nakawin ang pera para sa mga mahihirap na pasyente.

Ang mga sangkot sa ganitong klase ng katiwalian ang dapat ipinatotokhang ni Pangulong Duterte dahil sobrang kawalanghiyaan.

Kung kaya nilang paduguin ang pondo para sa mga pinakamahihirap sa ating bansa, aba’y wala nang pag-asa ang mga taong ito.

Ang kakapal ng mukha nyo mga hinayupak kayo!!!
allanpunglo@gmail.com