Home>Editorial>Opinion>James Kumar, Philanthropist of the Year ng Asia Leaders Awards!

James Kumar, Philanthropist of the Year ng Asia Leaders Awards!

REAL leaders are shining more during this pandemic!

Pinatotohanan ang linyang ito ng Asia Leaders Awards nang magbigay ng natatanging parangal sa mga indibiduwal na walang patid sa pagbibigay kabutihan at serbisyo publiko sa mga kababayan nating nangangailangan.

Ang Asia Leaders Awards ang isa sa pinakamalaking award-winning bodies sa buong Asya na patuloy ding nagbibigay pugay sa mga lider sa iba’t ibang panig ng bansa, partikular na sa buong rehiyon.

Unang dapat hangaan sa parangal na ito ang bumubuo ng awards committee dahil dakila rin ang ginawa nilang pagpili sa mga lider na talaga namang nagpakita ng pagmamahal, malasakit at nagbigay ng matinding sakripisyo para lamang makatulong sa maraming tao, lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

At isa sa binigyan nila ng parangal ay ang presidente ng Filipino Indian Commerce and Welfare Society Inc. (FICWSI) na si Manjinder “James” Kumar.

Tinanghal si Kumar bilang ‘Philanthropist of the Year’ habang ang kanyang organisasyon na FICWSI ay kinilala bilang Corporate Social Responsibility of the Year sa Asia Leaders Awards na ginanap nitong Biyernes sa Makati Shangrila Hotel.

Hindi na tayo nagulat kung humakot ng dalawang parangal si Kumar dahil paulit-ulit din natin siyang nasaksihan at naisulat hinggil sa mga hindi matawarang ginawang pagtulong sa mga nangangailangan nating kababayan. Mula sa mga biktima ng bagyo, lindol, sunog, ibang trahedya hanggang sa mga bahay-ampunan, home for the aged, mga medical frontliners at kahit iba’t ibang local government units (LGUs), pulis, bumbero at militar.

Manhid na lang ang hindi hahanga sa ipinamamalas na kabaitan at pagiging matulungin ni Kumar, lalo na sa mga Pilipino na itinuturing din niyang sarili nang pamilya.

Ani Kumar, “For generations, Filipinos and Indians harmoniously live together as one community. Generosity unites us to help fill in the needs.

Pero sino nga ba si Kumar na daig pa ang ilang Pilipino kung makapagbigay malasakit at tulong sa ating mga kapwa?

Si Kumar ay halos sa Pilipinas na nanirahan at halos ilang taon lamang ng kanyang pagkabata ang ipinanatili niya sa kanyang hometown na Jalahandar sa Punjab, India kung saan siya ipinanganak.

Ang pagpapakasal niya kay Bianca Ana Gonzalez na isang napakaganda at mabait na Pinay at pagkakaroon ng limang anak ang isa sa maraming rason ng pagiging Pilipino ni Kumar hindi lamang sa puso kundi maging sa isip at gawa.

Ang nakatataba ng puso, napaka-supportive ni Ate Yankee, nickname ni Mrs. Kumar, gayundin ang mga anak nito dahil kahit may ‘panganib,’ paminsan-minsan ay kasama rin sila ng kanilang ‘haligi ng tahanan’ sa pamamahagi ng tulong.

Si Kumar ay isang negosyante na nagtatag ng NGO na FICWSI sa layuning makatulong sa mga nangangailangan sa bansa.

Ang katumbas ng FICWSI, samahan ng mga negosyanteng Indian national sa Pilipinas, ay Filipino-Chinese Chamber of Commerce na hindi rin matawaran sa pamamahagi ng tulong sa mga salat nating kababayan.

Maynoong isang ‘consultancy firm’ si Kumar na tumututok, tumutulong at nag-a-assist sa mga Filipino-Indian nationals patungkol naman sa mga may problema sa ‘immigration laws.’ Personal itong nag-aasikaso sa mga dapat i-expatriate na kababayan upang makumpleto ang kanilang mga dokumento at nagbibigay din ng legal assistance.

Ang mabuting puso ni Kumar ay nagdulot sa kanya ng tuloy-tuloy na agos ng biyaya kaya’t nakapagtayo ng sarili niyang Business Process Outsourcing Company, security agency at ilang authentic Indian cuisine restaurant sa mga malalaking mall sa bansa.

Naging lider si Kumar ng Khasa Diwan Sikh Temple sa Pilipinas sa loob ng walong taon at pinangunahan ang socio-civic activities at cultural promotions.

Marami ring nagtangka sa buhay ni Kumar dahil sinagasaan nito ang ‘sindikato’ sa Filipino-Indian community na naging dahilan din upang maging aktibong opisyal ito ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Taong 2015 nang itayo ni Kumar ang FICWSI upang pagsama-samahin ang mga Indian at Filipino businessmen na may iisang layunin – ang tumulong sa lahat ng mahihirap at nangangailangan!

Ngayong 2020, walang tigil ang organisasyon sa pag-iikot sa buong bansa upang magbigay ayuda sa mga Pinoy na higit na naapektuhan hindi lamang ng virus kundi maging ng sunud-sunod na kalamidad.

Sadyang hindi na matawaran ang serbisyong hatid ni Kumar sa buong bansa.

Kaya sa tinanggap niyang parangal bilang ‘Philantropist of the Year’ at ‘Best CSR of the year,’ isa po ang inyong lingkod sa natuwa at lalong naging proud sa kanya bilang kaibigan.

Nawa’y patuloy na dumaloy ang biyaya sa iyo, Kuya James at nang marami pang kababayan natin ang iyong madamayan!

Muli, snappy salute sa iyo, Kuya!

God bless you more!!!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large