Junjun Binay vs Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali

October 09, 2019

THE sauce for the goose is also the sauce for the gander. Kung ano raw ang sarsa sa babaeng gansa, iyon din daw dapat ang sarsa sa lalaking gansa.

Isa ito sa walang kamatayang idiomatic expression na tumutukoy sa pagkakapareho, balanse at magkatula‘d na pagtingin sa isang sitwasyon. Fair justice, ika nga.

Ngayon, magbigay tayo ng dalawang tao na may kaparehong sitwasyon. Si former Makati mayor Junjun Binay ay dinismis ng Ombudsman sa serbisyo at pinagbawalang makapagtrabaho sa gobyerno sa kahit anong posisyon habambuhay dahil sa kasong katiwalian.  

May kaugnayan ang kaso ni Binay sa sinasabing overpriced parking building. Nagpetisyon ang kampo ni Binay sa Court of Appeals at ginamit nila ang “condonation doctrine.”

Ito iyong sinasabing dapat ay nabubura na ang liability ng isang opisyal kapag siya ay muling nahalal sa puwesto. Ibig sabihin, kung nakasuhan ka ng katiwalian bilang elected official sa unang term, balewala na ang kaso mo kapag nahalal kang muli.

Pero sa November 10, 2015 decision ng Korte Suprema, nilusaw nito ang “condonation doctrine.”

Ayon sa SC: The doctrine, first enunciated by the SC in Pascual vs. Provincial Board of Nueva Ecija (1959), is not based on laws and that there is “no basis for saying that election of an official to a new term fully absolves the official of any administrative liability arising from an offense done during a prior term.”

Kaya nga ang ending, natanggal si Junjun sa kanyang posisyon.

Ngayon, ano ang kaibahan ng batang Binay kay Nueva Ecija Governor Aurelio Oyi Umali na hinatulan din ng Ombudsman na madismis sa puwesto at pinagbawalan ding makahawak ng posisyon sa gobyerno nang habambuhay?

Katulad ni Junjun, si Umali din ay dinismis ng Ombudsman dahil sa overpriced naman na liquid fertilizer na nangyari noong siya ay congressman pa.

Sa pinakahuling desisyon ng Court of Appeals, ginamit na naman nila ang “condonation doctrine” na ibinasura na ng Korte Suprema.

Binanggit na naman ng CA na burado na ang pagkakasala ni Umali sa kanyang dating termino bilang kongresista dahil nahalal na siya bilang gobernador. Ganoon lang kababaw.

Pero iyong Ombudsman decision vs Umali ay ibinatay sa solid grounds and concrete facts, meaning, pinag-aralang mabuti ang kaso kaya ang hatol ay nakasandig sa merito.

Tanong, magkaiba ba ang kaso at desisyon kay Binay sa kaso at desisyon versus Umali? Dito papasok ang sinasabi nating dapat magkapareho ang sarsa ng babae at lalaking gansa dahil pareho lang naman ang uri nila.

Iyong operative word  na “prospective” ang ginamit ng CA para paboran si Umali. Ibig sabihin, lahat pala ng kaso ng pang-aabuso sa pondo ng wala pa ang November 2015 SC ruling ay lusot na sa kaso?

Ganoon na ba talaga ang pamantayan ng katarungan? Kung ganoon, iniimbitahan natin lahat ng may kasong local, elective officials na ngayon pa lang ay ilabas nyo na ang mga yaman nyo na  produkto ng katiwalian dahil may kalasag kayo para pakinabangan ang condonation doctrine!

Sa tingin natin, isa itong paglapastangan sa proseso ng hustisya sa ating bansa. Ang pang-aabuso sa kapangyarihan ay hindi katulad ng putik na kapag ikaw ay naghugas na ng kamay ay agad na lang itong nawawala.

Ang isang krimen at pagkakasala, lalo na sa usapin ng pang-aabuso sa kapangyarihan ay katulad ng dugo sa iyong katawan, mananatili ito habambuhay, lalo na kung ito ay napatunayan sa metikuloso at maingat na prosesong legal.

Hindi natin alam kung paano tatanggapin ni Ombudsman Samuel Martires ang panibagong desisyon ng CA laban sa kanilang ruling kay Umali.

Ano pa ang hinihintay nyo? Ilabas na ang tuba at ang tapang usa para mas masaya ang selebrasyon  sa Nueva Ecija!

allanpunglo@gmail.com