K-12 ang magpapahinog sa mga estudyante

November 12, 2018

MARAMI kang mapupulot sa mga nagiging desisyon ng mga korte, highest court man o lower court.

Kapag binasa mong mabuti ang kanilang mga desisyon, mapapatango ka na lang at sasabihin mo sa iyong sarili na tama rin naman sila. Dito sa legalidad ng K-12, maganda ang puntos ng Korte Suprema.

Higit nga naman sa kapritso lang, ang layunin ng K-12 ay pataasin ang kalidad ng mga graduate sa ating bansa na makakasabay sa pandaigdigang standard.

Nakakita na ako ng mga estudyante sa mga public, sa mga middle class at sa mga ultra-private. Noong wala pang K-12, mapapansin talaga ang kaibahan ng mga estudyante sa mga ito, mula sa kilos, sa pananalita hanggang sa mga decision making sa mga project.

Ang totoo, higit na napaboran ng K-12 ang public schools at mga nasa middle level private. Sa mga katulad ng Ateneo, La Salle at UST, sa tingin ko, kung nakatulong man ang K-12 sa kanila, minimal lang dahil dati nang mataas ang standard ng graduates nila.    Sa mga ultra-private, nakita natin ang paraan ng kanilang pagtuturo. Mas gusto nilang self-learning at kanya-kanyang diskarte sa edukasyon ang mga estudyante. Sa mga conventional school, alam na natin ang lesson plan, sulat nang sulat, kopya ng kopya sa blackboard, memorization at multiple choice mentality.

Kumpara sa mga super-private, bibigyan ng problema ang mga estudyante at bahala kayong lumutas nang walang guidance ang teachers. Sa Ateneo ko nakita na kahit first year high school pa lang, hinihulma na silang maging lider. Nakakabuo na sila ng mga sarili nilang produksiyon, sumusulat ng script, gumagawa ng sariling events at nakikipag-negosasyon na sa mga supplier ng kanilang  logistical needs.

Tatakbo ang buong events from A to Z nang walang school intervention. Darating na lamang ang teachers para manood.

Kaya nga ang karagdang dalawang taon sa sekondarya bago mag-kolehiyo ay nagpahinog sa ating mga mag-aaral, lalo na sa karaniwang paaralan, dahil mas binuksan nito ang kanilang kamalayan sa totoong buhay.

Aminin natin na maraming high school graduates noong wala pang K-12 na kulang pa sa maraming bagay. Buwenas na lang talaga ang mga gifted na kahit 4 years ang high school noon ay naging competitive.

Kung mayroon mang mabuting nagawa ang Aquino administration, ito na iyon, ang K-12.

Thank you SC, para sa bayan ito.

allanpunglo@gmail.com