Kaawa-awang lunsod ng Parañaque

October 14, 2019

Kailan lang, idineklara ang Parañaque City sa ilalim ng State of Calamity dahil sa sakit na dengue. Ilang araw lang ang nakararaan, maraming banyera at sako o mahigit pa ng tahong, talaba, at mga isda ang nangamatay sa karagatan ng Parañaque at Las Piñas Cities.

Ayon sa mga ulat, sinabi mismo ng Parañaque Agricultural Office na kasama ang mga talaba sa mga nangamatay na pagkaing-dagat.

Ano ang nangyayari sa Parañaque?

Akala ko ba’y mahusay ang pamamahala ng mga taga Environment office ng lunsod na ito. Kung si Mayor Edwin Olivarez ang tatanungin, sa palagay ko’y hindi niya  papayagang mangyari ito sa kanyang lunsod.

Nakagugulat na ang isang lunsod sa Metro Manila ay mapapasailalim sa State Of Calamity dahil sa dengue! At sumunod ay ang pagkamatay ng mga pagkaing dagat naman ang tumama sa karagatan ng lunsod na ito.

Sinabi sa mga ulat na mga basura mula sa dumi ng tao, hayop, at iba pang nabubulok na basura ang nagpadumi ng matindi sa dagat ng Paranaque. Ito ay bahagi  ng malaking Manila Bay.

Wala na ‘umanong halos oxygen ang dagat at matindi pa ang ammonia kaya hindi mabubuhay ang mga yamang-dagat sa bahaging ito ng karagatan.

Sinasabi rin ng mga eksperto na karumihan din ang ugat ng paglaganap ng sakit na dengue tulad ng polio, meninggococemia, typhoid, diarrhea, at iba pang nakahahawang sakit.

Marumi ba ang Paranaque City?

Kailangang sagutin ito ng City Environment and Natural Reosurces Office (CENRO).

Bakit maraming nakakalat na basura sa mga kalye ng lunsod na ito?

Bakit kailangang bumili ng maraming trak ng basurang panghakot gayong sinasabi ng RA 9003 na kailangang sa panahon na ito ay malaki na ang nabawas na basura sa lahat ng barangay at patuloy dapat ang pagpapaliwanag o edukasyon sa mga residente dito sa  kahalagahan ng Ecological Solid Waste Management Law. (RA 9003)

Hindi lamang dapat nagpapakalat ng mga babasahin kundi dapat ang nagpapakalat ng mga babasahing ito ay naiintindihan ang mga nakasulat sa kanilang ipinamamahaging babasahin.At kung tama nga ba ang laman ng babasahin!

Sayang ang lunsod dahil may mahusay na mayor at mga konsehal ito. Hindi dapat manaig ang pansariling interes ng iilang tao na nakapaligid sa kanila.

Dapat manaig ang interes ng Inang Kalikasan.

Dapat ay malawak na ang kaalaman ng mga residente sa lunsod na ito hinggil sa pagbabawas ng kanilang mga basura. Hindi lamang sa salita kundi sila na dapat mismo ang nagpapatupad nito.

Napakamahal ng halaga ng mga trak panghakot ng basura at pagmimintina ng mga ito. Nagkakalat pa ito ng polusyon sa pag-iikot at nagpapakalat ng mga mikrobyo sa bawat lugar na puntahan ng trak sa Paranaque. At lalong hindi matututong magsagawa ng maka-kalikasang pamamahala ng basura ang mga residente ng lahat ng barangay ng Paranaque sa pamamagitan ng pagbubukod-bukod at composting.

Kailangan marahil repasuhin ni Mayor Olivares kung tapat ang mga taong naatasan niya sa pangangalaga ng Inang Kalikasan sa lunsod na ito kung hindi’y ang pagkamatay ng mga isda, tahong, at talaba at sakit na dengue ay isang masamang pangitain para sa bahaging ito ng dagat ng Metro Manila.                 (bangonkalikasan@yahoo.com)