Kahanga-hangang mga OFW sa Wuhan

February 16, 2020

Maraming OFW ang natuwa nang i-lift ng Pilipinas ang travel ban sa Taiwan. Puwede na silang bumalik sa Taiwan lalo na ‘yung mga may trabahong naiwan doon. Puwede na ring makauwi dito ang mga biyahero mula Taiwan?

Humihirit naman ang mga OFW sa Macau na alisin na rin ang travel ban. May nagreklamo na rin na dapat alisin na ang travel ban sa China.

Samantala, mabilis na kumakalat ang Covid 19 sa China lalo na sa Wuhan City ng Hubei Province. Umabot na umano sa 1, 500 Tsino ang tinamaan ng virus. Mabilis ang paglaganap ng virus araw-araw.

Upang hindi naman ako mapagkamalang anti-OFW, gusto kong makabalik ang mga OFW sa mga bansang may travel ban ang Pilipinas papunta sa China, Hong Kong at Macau, at Taiwan  ( lifted na) .

Ngunit hindi ako sang-ayon kung manggagaling ang mga gustong umuwi sa mga bansang nabanggit ko. Mauubos ang salapi ng bayan sa dami ng iku-quarantine na mga Pilipino o ibang lahi sa tuwing darating sila. At ang posibilidad ng hawahan ay hindi maiaalis!

Ang inspirasyon ko rito ay ang dalawang Pilipinong babaeng OFW na nagtatatrabaho sa Wuhan China. Sinabi nila sa DZMM Teleradyo kamakailan lang na hindi na lang sila uuwi ngayong naka-lockdown ang Wuhan, kahit pa may repatriation. Ayaw nila ‘umanong makahawa pa sa Pilipinas lalo na ang mga mahal nila sa buhay. Nakatutuwa ang ganitong matapang na paninindigan ng  mga babaeng Pilipinang OFW! Kapuri-puri at kahanga-hanga.

Ligtas naman daw sila, walang sakit,  at nananatili lamang sa loob ng bahay. May mga pagkain sila at iba pang mahahalagang pangangailangan nila. At umaasa silang hindi magtatagal ay makokontrol din ang virus.

Totoo namang dapat ay hintayin na lang nating makontrol ng Tsina at ngayon ay ang US na tumutuklas ng gamot sa Covid 19. Nandoon lang naman ang dalawang magigiting na babaeng  Pilipinong OFW at nakaself- quarantine na sila bilang pag-iingat. Ayon sa kuwento nila ay may iba pang Pilipinong OFW doon at maayos naman daw ang kalagayan ibig sabihi’y walang sakit.

Kung ganito ang magiging attitude ng mga kababayan nating OFW na nasa mga bansang tinamaan ng virus, magagapi natin ang virus na ‘yan. Hindi nila iniisip ang pansariling kapakanan.

Nang marinig naming mag-asawa ang sinabi ng ng babaeng Pilipinong OFW nang umagang ‘yon, tuluyan kaming nagising dahil sa matinding paghanga sa kanya. Ilang ulit siyang tinanong ng anchor ng programa kung hindi siya sasama sa mga Pilipinong iuuwi sa ating bansa at maraming ulit din niyang sinagot na mananatili sila sa Wuhan upang hindi na makahawa ng mga kababayan niya dito sa ating bansa kung sakaling tamaan sila ng Covid 19. Ngunt nilinaw niyang wala silang Covid 19.

Lilinawin ko na hindi tinamaan ng virus ang babaeng kababayan nating ito. Masigla silang magkakasama sa isang bahay, walang sakit, ngunit kailangan lang nilang mag-ingat kaya naka- lockdown ang Wuhan. Kung lalabas at bibiyahe ng mahabang oras, na inilarawan niya ang mga lugar na dadaaan nila, may posibilidad na sa mga dadaanan nilang lugar ay mahawa na sila kaya nagpasya siyang huwag nang umalis. Matapang na, matalino pa ang kababayan nating ito!

Kaya sa tingin ko’y hindi dapat mag-apura ang mga bansang may travel ban. Tularan natin ang dalawang magigiting na mga babaeng Piliipinong migrante na higit na iniisip ang mga kapakan ng kababayan nilang Pilipino kaysa sarili nila.

Madali nga namang umuwi kung maayos na ang lahat. Ligtas naman sila ngayon at komportable ang lagay nila.

Ang magandang punto dito ay ayaw nilang mandamay pa ng mga kababayan natin kahit pa nga wala naman silang sakit ngunit sa layo nga naman ng magiging biyahe nila pauwi sa Pinas, hindi malayong tamaan pa sila ng virus.            (bangonkalikasan@yahoo.com)