Kailangan ay pagkakaisa, tulungan at sipag

May 08, 2019

SA dami ng problema sa Aduana, dapat may pagkakaisa ang mga kawani ng Bureau of Customs (BoC).

Hindi dapat magkanya-kanya kung gusto nilang maabot ang revenue target ng ahensya sa taong ito.

Kagaya ng orkestra, kailangang sumunod sa kumpas ng conductor.

Sa BoC, ang kumukumpas ay si Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

At hindi puwede ang siraan.

Walang mangyayaring maganda sa isang ahensya na walang pagkakaisa.

Sa tingin natin, kailangang gamitin ni Commissioner Guerrero ang husay ni Depcom Raniel Ramiro sa intelligence work.

Kailangang malaman kung sinu-sino ang mga  may lihim na tampuhan.

Ito ay para maayos ang maliliit na gusot sa pamamagitan ng dialogo.

Inuulit natin,ang kailangan natin sa Aduana ay pagkakaisa, tulungan at sipag.

Ito ay kung gusto nating maging isa sa mga “top performing” ahensya ng gobyerno.

Tama ba, Commissioner Guerrero?

***

Iba’t-ibang uri ng pangangampanya ang ginagawa ng mga kandidato sa mga probinsya.

Wala na ang pa-miting-miting pa  sa mga barangay.

Maraming kumakandidatong gnbernador, bise gobernador, bokal, alkalde, bise alkalde at konsehal ang gumagamit ng mga sasakyang may mga loud speaker.

Maghapon na dumadaan ang mga sasakyang ito na nagpapatugtog ng “jingle” ng kandidato.

Ang mga maperang local candidate naman ay nagba-bahay-bahay kasama ang mga supporter.

Dito na sila namimigay ng kaunting “grasya”.

Ang mga walang pera ay namimigay na lang ng polyeto.

Pero sa gabi ng Mayo 12, magbabantayan na ang mga lider at taga-sunod ng mga kandidato.
Ito na kasi ang panahon na mamimili ng boto ang mga maperang kandidato.

Kanya-kanya ng diskarte ang mga kandidato kung paano ibibigay sa botante ang malutong na P20, P50, P100 o P500.

Sa obserbasyon nga ng ating miron,  pera-pera na ang politika sa kanayunan.

***

Malapit na naman ang umpisa ng pasukan ng mga mag-aaral sa public elementary at high school sa buong bansa.

Ito ay sa unang Lunes ng Hunyo (June 3).

Kawawa na naman ang mga bata dahil sa init ng panahon.

Paulan-ulan na pero sobra pa rin ang init dahil sa umiiral na El Niño.

Sana naman lagyan ng kahit dalawang electric fan ang bawat kuwarto para makapag-aral ng mabuti ang mga bata.
Baka magkasakit pa ang mga ‘yan.

Huwag natin kalimutan na karamihan sa mga nag-aaral sa mga pampublikong paaralan ay galing sa mahihirap na pamilya.

Hindi kayang magpaaral ang mga mahihirap sa mga pribadong paaralan na naka-aircon ang mga kuwarto.

Kaysa mapunta sa kung saan-saan ang pera ng taumbayan, gamitin na lang ito para sa kapakanan ng mga bata at mga guro sa mga pampublikong paaralan.  

Ano sa palagay niyo?
(Para sa ibyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)