Home>Editorial>Opinion>Kailangan na ng economic rebound

Kailangan na ng economic rebound

IPIT ngayon ang gobyerno sa mga desisyon kung hihigpitan ba ang mga mamamayan o pakakawalan ang ekonomiya.

Sabi nga, caught between the devil and the deep blue sea. Bahala nang masunog sa apoy o malunod sa pusod ng dagat.

Magmula nang umiral ang ECQ, GCQ at MCGQ, bumagsak na ang ating ekonomiya. Sarado ang karamihan ng mga negosyo, milyun-milyon ang nawalan ng trabaho at humina ang produksiyon sa lahat halos ng industriya.

Hindi naman tayo nag-iisa sa problemang ito dahil kahit ang mga highly industrialized and ultra-developed countries ay dumaranas din ng pagbagsak ng ekonomiya.

Lahat ng yan ay sanhi ng pandemya. Dito sa atin, isang taon na nitong March 15 ang lockdown. Ang inaasahang manageable virus ay parang nagwawalang toro na handang manuwag ng lahat ng madaanan.

Sa nakaraang isang linggo matapos dumating ang Sinovac at AstraZeneca, parang pinasikatan sila ng virus. Nagsirko sa harapan ng mga bakuna kaya mula sa dating hundreds hanggang 1K COVID cases, biglang sumipa sa mahigit 2k na naging 3k at naging 4k. May matinding paandar pa, umabot pa sa record breaking na 7k nitong nakaraang araw.

Katulad ng inaasahan, balik na naman sa higpitan, may pinairal pang curfew para sa susunod na dalawang linggo. Ang mga negosyo sa mga tourist destination gaya ng Tagaytay at Baguio City ay magsisimula na namang manamlay.

Nag-uumpisa pa lang na bumawi sa isang taong pagkalugi, balik na naman sa dating gawi dahil nawala na naman ang mga kababayan nating gustong pumasyal at kumain sa labas.

Pero sabi ni Pangulong Duterte, in two weeks time, kailangan nang bilisan ang pagbabakuna dahil kailangan na rin niyang buksan ang ekonomiya.

Alam nating hindi ito welcome, lalo na sa health advocates at mga frontliners. Nauunawaan natin ang health risk ng pagbubukas ng ekonomiya.

Sabi nga ng ibang kababayan natin, makaligtas man kami sa COVID mamamatay din naman kami sa gutom. Ito iyong umiipit sa ating pamahalaan, maghigpit na lang ulit ba tayo para makontrol ang pagtaas ng COVID cases o magluwag na lang para naman tumaas ang ating ekonomiya.

Iyong pagtaas ng COVID cases may papel tayong lahat sa pamamagitan ng pagsunod sa safety and health protocols. Pero kahit anong dami ng alcohol, face shield at hand soap pa ang pakyawin ng ating mga kababayan, hindi pa rin ito makakatulong sa pangangailangan ng ating ekonomiya.

Kailangan na nating mag-start ng economic engine para tumakbo nang maayos ang ating bansa.

Suportado natin ang wholesale opening ng lahat ng sektor ng negosyo, buksan na lahat pero istriktong ipatupad ang minimum health protocols.

Eleksiyon na sa susunod na taon, sasakit ang ulo ng parating na bagong Pangulo dahil basyo o empty ang kaban na kanyang daratnan. Mas lalo tayong susubsob kapag hindi gumalaw ang ekonomiya ngayong taon. Negative ang ating economic growth sa huling mga buwan ng 2020 at malamang, hanggang mid this year, ganyan pa rin.

Kailangan na nating magkaroon ng economic rebound bago pa tayong lahat ay magutom sa susunod na dalawang taon. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV