Kailangan ng Coast Guard Hospital

December 13, 2018

KAPAG naharap ang isang mahal sa buhay sa problemang medikal, halos doble o tripleng pasakit ito sa kanyang pamilya.

Minsan nga, halos masimot ang yaman ng isang pamilya upang matugunan lang ang pangangailangang medikal ng isang indibidwal.

Hindi ligtas dito ang mga miyembro ng ating mga ahensya ng gobyerno lalo na ang mga nasa frontline services.

Sa panahon ng kalamidad, bagyo, lindol o anumang emergency, una rin nating nakikitang nagsasagawa ng rescue operations ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard.

Sila rin ang madalas na nakikita natin sa mga pantalan kapag panahon ng bagyo na nagbabantay sa mga pasahero.

Tulad ng mga sundalo at pulis, iniiwan din ng mga ito ang kanilang pamilya para  tumupad sa kanilang tungkulin.

Subalit, hindi katulad ng mga sundalo at pulis, ang Coast Guard ay walang sariling pagamutan na pwede nilang puntahan sa oras ng pangangailangan.

Kaya naman nakiisa ang inyong lingkod sa isinusulong ni Senador JV Ejercito na pagtatayo ng Philippine Coast Guard Hospital para sa kapakanan ng kanilang mga miyembro at pamilya.

Sa Senate Bill 2128, sinabi ni Ejercito na alinsunod sa Konstitusyon, mandato ng pamahalaan na magkaroon ng komprehensibong hakbangin para sa pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan.

Dapat din anya itong madaling ma-access at abot-kaya ng sinuman bukod pa sa dapat na prayoridad ang mga may espesyal na pangangailangan, under privileged, maysakit, disabled at ang mga bata at babae.

Mandato naman anya ng Philippine Coast Guard na magsagawa ng maritime search and rescue, maritime law enforcement, maritime safety, maritime environmental protection at maritime security.

Sa gitna ng pagtupad ng mga miyembro ng Coast Guard, hindi anya maiiwasang masaktan, magkasakit o maaksidente ang mga ito na minsan ay nagreresulta pa sa kamatayan.

Dahil dito dapat lamang anyang magkaroon ng isang pagamutan para matiyak na matutugunan ang anumang pangangailangang medikal ng mga tauhan nito.

Sinabi pa ni Ejercito na bilang pagkilala na rin ito sa matinding sakripisyong ibinibigay ng mga tauhan ng Coast Guard para sa bansa.

Kung maisasakatuparan ito, mamumuhunan lamang ang gobyerno sa gusali, medical equipment, mga gamot at doktor at nurses pero ang magiging balik naman nito ay ang magandang kalusugan ng mga tauhan ng Coast Guard na kinalaunan ay magbibigay din ng magandang serbisyo para sa gobyerno.