Kailangan ng sapat na panahon ng mga kolektor sa Bureau of Customs

December 09, 2018

TATLONG linggo na lang magtatapos na ang taong 2018 at makukumpleto na ang unang tatlumpung buwan sa pitumpo’t dalawang buwang panunungkulan ni Pangulong Rody Duterte.

Hindi lang pagpasok ng bagong taon ang inaabangan ng mga taga-Aduana.

Inaabangan nila kung nagawang ipagpatuloy ni Customs Commissioner Rey “Jagger” Guerrero ang magandang revenue collection performance ng kanyang pinalitan.

Mula Abril hanggang Oktubre ay nalampasan ni dating Commissioner Isidro  Lapeña ang buwanang collection target ng Bureau of Customs.

Pag-upo pa lang noon ni Lapeña sa Aduana ay sinabi niyang kayang abutin at lampasan ang taunang collection target ng ahensiya.

At bago siya inilipat sa TESDA ay inulit pa ni Lapeña na on-target siya sa kanyang misyon na higitan pa ang assigned tax take ng BoC sa 2018.

Pati nga ibang kritiko ng administrasyon ay napa-wow sa tax collection performance ng dating police general mula Urdaneta City sa Pangasinan.

Paanong ‘di sila mapapa-wow eh,  si Lapeña lang ang naging hepe ng BoC na hindi nagsabing “unrealistic” ang taunang assigned tax take ng BoC.

Sa halip na magreklamo ay inatupag ni Lapeña ang pagsasara ng mga butas na dinadaanan ng mga buwis na dapat pumunta sa kaban ng bayan.

Kaagad niyang sinisibak ang mga district collector na bigong maabot ang buwanang collection target.

Bagama’t tumaas ang koleksiyon, hindi tayo pabor sa ganyang istilo.

Ang mangyayari kasi, kung alam na nang mauupong kolektor na hindi niya makukuha ang target collection ay malamang na gumawa na lang ng pera.

Isa pa kailangan ng sapat na panahon ng mga kolektor para maiaayos ang programa at sistema ng puerto.

Kaya delikado rin ang papalit-palit ng kolektor.

Ngayon naman, talagang binabantayan ng marami ang collection performance ni BoC Chief Guerrero sa huling dalawampu’t-dalawang araw ng taon.

Ang balita nga natin, hindi nakuha ng BoC ang target sa buwan ng Nobyembre at malabo na rin daw na maiangat ang para sa Disyembre.

Kaya kaunting ingat lang Comm Guerrero sa mga maling bulong ng mga nakapaligid.

Sa tagal nating kumober diyan sa BoC, nakita na natin paanong nasibak ang mga nagdaang opisyal ng nasabing ahensiya.

* * *

Muling  inulit ni Senador Richard Gordon ang kanyang rekomendasyon na tanggalin lahat ng mga “incompetent” na opisyal at kawani ng  BoC.

Inulit ni Gordon ang kanyang rekomendasyon sa pagtatapos ng Senate hearing sa pangalawang  insidente ng pagpupuslit ng droga sa Aduana.

Ang pagdinig ay isinagawa ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Gordon.

Pinagalitan din ni Gordon ang mga opisyal dahil  sa kanila umanong “lack of passion and dedication” para habulin ang mga sangkot sa pagpupuslit ng droga.

Umaasa si Gordon na matatapos niya ang committee report sa buwang ito.

Makikipagpulong din siya kay Justice Secretary Menardo Guevarra para malaman kung kailan kakasuhan ang mga taong sangkot sa ismagling ng droga.

Kagaya ni Lapeña, si dating BoC Chief Nicanor Faeldon ay nawala sa Aduana dahil sa isyu ng illegal drug smuggling.

Walang problema sa mga tatanggaling opisyal na appointee ni Pangulong Duterte.

Kahit anong oras ay puwede silang tanggalin ni Pangulong Duterte.

Ang problema ay ang mga permanenteng lingkod-bayan na hindi basta-basta matatanggal.

Kailangan nilang dumaan sa due process.

Huwag nating kalimutan na  tayo’y nasa ilalim ng demokrasya.

* * *

Kagaya nang lagi nating sinasabi, dapat ngayon pa lang ay kumpunuhin na ang mga daluyan ng tubig-baha at sirang kalsada.

Ito’y para maiwasan ang pagbuhol-buhol ng trapik pagdating ng tag-ulan sanhi ng baha at sirang kalsada.

Ang hindi natin maintindihan ay kung bakit saka lang sinisimulan ang pagsasaayos ng mga daan at daluyan ng tubig kapag nandiyan na ang tag-ulan.

Perhuwisyo ito sa mga motorista, pedestrian at residente.

Nakakatagal din ito ng completion ng isang proyekto.

Kapag may baha sa lugar, siyempre titigil din ang trabaho.

Sayang lang ang oras at pera ni Juan dela Cruz.

Ang pinakamagandang panahon nang pag-aayos ng mga daan at daluyan ng tubig ay mula Disyembre hanggang kalagitnaan ng Mayo.

Sa mga buwang ito ay bihira ang malalakas na ulan.

Tama ba kami, Pangulong Duterte at DPWH Sec Mark Villar?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag at mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalang at tirahan.)