‘Kalat-free’ elections

NAPUNTAHAN ko na ang Hong Kong, Japan at Amerika na panahon ng eleksiyon.

Ang pagkakatulad ng tatlong teritoryo na ito, istriktong sumusunod at ipinatutupad ang patakaran ukol sa common posters area.

Hindi natin alam kung ano ang sekreto ng mga bansang ito para maayos nilang mapairal ang batas ng eleksiyon laban sa pagkakalat.

Sa isang banda, hindi lang naman sa mga kandidato nakasalalay ang disiplina sa paglalagay ng mga campaign posters. Kasama dapat ang kanilang mga supporters sa kampanya sa maayos na paglalagay ng mga propaganda.

Sa Amerika, wala silang ginagamit na posters na idinidikit sa mga pader o saan mang dingding o poste. Ang karaniwan, nakadikit sa tabla o board na nakatulos sa lupa.  Mayroon ding common poster areas na inilalagay ang gobyerno sa isang designated places at limitado ito sa kasya lamang na kandidato.

Sa Hong Kong, ganoon din, marami kang makikitang posters pero maayos ang pagkakalagay.

Sa Japan, naroon tayo nito lang nakaraang linggo, nakita rin natin ang sistema ng kampanya nila. Sa isang malaking common board na nasa mga kalsada, doon lang nakadikit ang mga posters ng kandidato. Wala kang makikitang banderitas at mga posters na nakabalagbag sa mga kawad ng kuryente.

Malayo pa tayo sa ganoong klase ng kalat-free na eleksiyon. Ang tingin natin, babalik tayo sa basic problem: edukasyon.

Marami sa mga supporters ng kandidato sa grounds ay mga common tao na hindi nagkaroon ng sapat na edukasyon, hindi lamang sa common discipline bagkus ay sa mismong formal education.

Hindi ko alam kung in my lifetime ay makikita ko pa ang Japan-like election campaign sa ating bansa. Sa tingin natin, kailangang magkaroon ng pangil ang Comelec sa pagpapatupad ng batas ng eleksiyon.

Ang kawalan ng mga napaparusahang kandidato at supporters ang dahilan kung bakit patuloy na lumulubha ang problema natin sa makalat na halalan.

Kailangang may masampulan, iyong talagang madi-disqualify na kandidato at makukulong na supporters para makitang seryoso ang batas laban sa kanila.

Kunsabagay, may mga kababayan tayo na may eleksiyon man o wala, talagang salaula!
allanpunglo@gmail.com