‘Kamara-de Taal’ umani ng papuri

January 23, 2020

HINDI nabigo sa kanilang inaasahan ang ating mga kababayan na nabiktima ng pag-aalburuto ng bulkang Taal at hindi rin naman masasabing “papogi” lang ng Kongreso ang matagumpay na sesyon ng Kamara noong Miyerkules sa Batangas Convention Center.

Ang ‘Kamara-de-Taal’ ang unang sesyon ng Kongreso sa labas ng ‘House of Representatives’ sapul nang maibalik ang Kongreso noong 1987.

Aber, sa dami ng mga “papuri,” sa desisyon ng Kamara, sa pangunguna ni Speaker Alan Peter Cayetano, na sa ‘disaster site,’ sa lalawigan ng “Ala Eh!” gawin ang sesyon, mistulang ‘ash fall’ ang mga ito na “tinabunan” ang mga pagbatikos sa hakbang na ito.

Ayon kasi sa mga kurimaw, ehek, sa mga miron, bukod sa “papogi” lang umano, “matinding trapik” (daw) ang ibubunga nito sa mga ruta patungong Batangas kaya magdudulot ng “abala” at “istorbo” sa patuloy na isinasagawang ‘rehabilitation program’ para sa mga biktima.

Subalit, kung si Epifania Deogracias, isang bakwit, ang tatanungin, sinabi niyang “napakaganda” ng ginawang pagkakaroon ng sesyon ng kamara sa Batangas Convention Center.

“Napakaganda ng ginagawa nila (Kongreso). Kami ay nagpapasalamat na dinadamayan nila kami. Hanga ako sa kanila sa kanilang malasakit sa mga taong kagaya ko,” aniya pa.

Ganito rin halos ang opinyon ni Delilah de Castro na nagsabing bagaman maayos ang kanilang kalagayan sa evacuation center (taliwas sa bintang ng mga kritiko), mas “iba” nga naman ang “pakiramdam” kung makabalik na sila sa kanilang tahanan.

Nagpapasalamat din siya sa nangyaring ‘Kamara-de-Taal’ para direktang pakinggan at malaman ng mga mambabatas ang mga pangangailangan ng mga nabiktima ng kalamidad.

Na sadyang tagumpay ang sesyon ay pinatunayan ng “kambal” na resolusyon na inaprubahan ng Kamara, ang HR 662 at HR 655.

Ang House Resolution 662 ay ang pag-apruba sa hiling ni PDU30 na P30 bilyon na dagdag-pondo para sa mga biktima. Samantala, ang House Resolution 655 naman ay humihiling sa pamahalaan na huwag nang patagalin, bagkus ay “madaliin” ang mga pondo para sa mga ‘relief efforts’ at mga programa para sa mga biktima ng trahedya at kalamidad.

Ayon pa nga kay Speaker Alan, hindi lang dapat relief efforts ang tinututukan, bagkus, ang ‘long term solutions’ para sa mga nabibiktima ng mga trahedya at kalamidad.

Sa magandang resulta, hindi siyempre naiwasan ni House Deputy Speaker at Batangas second district congressman, Ranie Abu, ang “magpasalamat” kay Speaker Alan at sa kanyang mga kapwa-mambabatas dahil sa ipinakitang determinasyon ng ika-18 Kongreso na matulungan ang kanyang mga kababayan at ang mga lugar na dumanas ng pinsala.

***

Kung masasabing hindi “papogi” ang ginawang sesyon ng Kamara sa Batangas noong Miyerkules ganito rin kaya ang masasabi ng mga miron sa mga sunod-sunod na ‘press release’ ngayon ng ating bagong PNP chief, na P/Gen. Archie Gamboa?

Kahapon kasi ay nabasa natin na batay sa kanyang direktiba, nagsagawa ng ‘surprise inspection’ ang NCRPO sa mga tauhan nito kung saan nabisto na aabot sa 198 mga pulis ang gumagamit ng mga sasakyan na sabit sa mga iniimbestigahan na mga kaso, mga sasakyan na ‘expired’ na ang mga rehistro at kahit ang mga pulis na ito, ‘driving without license’ pala ang mga kumag!

Kung wala namang balak si NCRPO acting director, PB/Gen. Debold Sinas at si Gamboa na sampahan ng mga kasong administratibo—para masibak sa serbisyo—ang mga tiwaling pulis na ito, eh, ‘yan ang malinaw na papogi lang talaga, hehehe!

Sa isa pang balita, tatlong ‘police colonel’ sa Kabisayaan ang inalis sa puwesto (hindi sa serbisyo) dahil sa paulit-ulit na paglabag sa regulasyon ng PNP na “bawal” maglaro ng ‘golf’ sa oras ng trabaho.

Ang nakakahiya pa, dear readers, isa sa mga inilipat (pansamantala) sa ‘floating status’ ay si L/Col. Glenn Mayam, na “bosing” sa buong Central Visayas ng PNP Drug Enforcement Group.

Aber, ‘fully neutralized’ na ba ang mga sindikato ng iligal na droga sa Kabisayaan kaya palaging nasa ‘golf course’ para “magpalipas ng oras” ang bosing ng PNP-DEG para hindi “maburyong” sa loob ng kanyang opisina?

Hindi naman yata kapani-paniwala ito, Chief PNP Archie, tama ba, mga kabayan?

Malaki pa rin ang problema ng bansa sa iligal na droga at ang ginagawa nitong si Mayam ay pagpapakita na sadyang hindi siya seryoso sa kanyang trabaho, kaya, bakit ‘andyan pa siya sa serbisyo?

Kung pagkatapos naman ng dalawang ‘praise release’ na ito ng Camp Crame eh “tahimik” na makabalik sa posisyon itong grupo ni Mayam at hindi rin naman maparusahan ang 198 na pulis sa NCRPO eh, wala na talagang masasabi ang ating mga kababayan kundi, pulos papogi nga lang ang PNP, hehehe, ayy, huhuhu!

At bago tayo magtapos, kumusta na pala ang mga operatiba ng “CIIS” ng Bureau of Customs o, ang ‘Customs Investment and Incentives Service,’ hehehe!

Bagong Taon na, mga bosing baka naman gusto na ninyong magbago? Mabuti na lang at hindi napapansin ni Comm. Jagger Guerrero at Intelligence Group deputy commissioner Raniel Ramiro ang mga aktibidades ninyo, hehehe!

‘Yun bang… ang galing ninyong magbigay ng ‘incentive’ sa inyong mga pribadong ‘investor’ katulad ng pagbibigay ng proteksyon (no alert) sa kanilang mga kargamento at pamemerwisyo sa kanilang mga kalaban sa negosyo (sandamakmak na ‘hold,’ ‘spot check’ at alert).

Eh, wala na tayong masasabi dito, kundi, PACC commissioner Greco Belgica at Comm. Manny Luna, hindi ba mas mainam ‘ipa-entrap’ na lang ang mga ganitong abusado? Mga wala kasing kabusugan mga ganid masyado. Abangan.