Kampanya ng BoC kontra korapsyon, pinagdududahan!

October 23, 2019

PARANG malaking sunog na kumakalat ngayon ang kalituhan at demoralisasyon sa Aduana.

Ang nakakaalarmang sitwasyon ay dulot ng hindi patas na pagpataw ng buwis at taripa sa mga kargamento.

Kung kapit ka sa mga “diyos” sa Aduana ay mas mababa ang bayaring buwis basta kailangan lang ay huwag ka nasisira sa pagbibigay ng “tara” sa mga tiwaling lingkod-bayan.

Pero kung ikaw ay ordinaryong  importer o broker, sori ka na lang.

Shipment mo pa ang hahanapan ng “diperensiya,” para palabasing gumagawa ka ng kalokohan. At siyempre pa-bida sila dahil may “accomplishment.”

Masakit ang nangyayaring ito sa mga masunurin sa batas na port user.

Grabe ang palusutan, palakasan at paboritismo sa mga pantalan.

Dapat sumingaw na nang husto sa media ang epekto ng “sunog” na ito na makakadiskarel sa kampanya ni Pangulong Rody Duterte laban sa katiwalian at korapsyon.

Commissioner Rey Leonardo Guerrero, huwag niyo ng hintayin na sa Malakanyang  pa manggaling ang mga bumbero na aapula sa “sunog” sa Aduana. Asikasuhin niyo na ang pagtugis kila David T., Alex R., Gerry T, John P.T, Aya, Eric Y. at ang “hari” nilang si Michael Y.

Iyan ang mga alagang  “player” ng mga opisyal mo na hanggang tainga ang ngiti tuwing Biyernes.

Sa totoo lang, may mga opisina ng BoC na puwedeng pumatay ng “sunog.”

Ang problema lang, Finance Sec. Carlos Dominguez, ay mistulang mga pipi at bingi sila dahil sa laki ng “tara” na tinatanggap tuwing Biyernes.  

Ang iba naman sa kanila ay takot dahil baka mawalan ng trabaho o malipat sa kangkungan kapag hindi sinunod ang “baluktot” na utos ng kanilang mga bossing.  

Talaga sigurong bagyo at pader ang sinasandalan ng mga mandurugas sa Aduana kaya hindi magalaw ni Comm. Jagger.  

Akala pa naman ng marami, totoo na kampanya ng BoC laban sa korapsyon, iyon pala tinitira nila ay ang maliliit na importer/broker upang mapagtakpan ang “trabaho” ng malalaking “player.”

Ano sa tingin niyo?

***

Pagdating ng Enero 2020 ay meron na lang tatlumpong buwan sa puwesto si Pangulong Duterte.

At pagdating ng 2021, ay siguradong may mga unti-unti ng didistansiya sa Malakanyang.

Ito ang mga nagbabalak tumakbo sa pagka-presidente, bise presidente, senador at kongresista sa May 2022 elections.

Hindi natin masisisi ang mga kakalas sa administrasyon.

Ang hangad lang naman ng mga ‘yan ay manatili sa kani-kanilang puwesto.  

Sa Pilipinas, usong-uso ang balimbingan kapag papalapit ang halalan.

Tama ba kami, Pangulong Duterte?  

***

Sa isang buwan ay marami ng magsasabit ng mga Christmas decor, kasama na ang mga x-mas light.

Ngayon nga ay meron na ngang mga Christmas light na nakasabit sa mga poste at harapan ng bahay.

Kaya kailangang mag-inspek na ang Department of Trade and Industry para siguruhing walang depektibong Christmas lights na ipinagbibili.

Delikado ang mga ito dahil baka maging sanhi ng sunog.

Pagmultahin ng malaki ang mga shopping mall na nagtitinda ng mga depektibong x-mas light.

Hindi biro ang masunugan.

(Para sa inyong mga komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa#0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)