Kampanya ni PRRD kontra katiwalian, walang kwenta sa BoC?

October 16, 2019

LINGID sa kaalaman ng Malacañang at taumbayan, merong kalituhan, turuan at kaguluhan na nangyayari ngayon sa Aduana.

Ang nakakaalarmang sitwasyon ay bunga ng sobrang kagaguhang pinaggagawa ng mga animo’y gutom na gutom na mga lingkod-bayan.

Ang nakukumpromiso ay ang kampanya ni Pangulong Rody Duterte laban sa katiwalian at korapsyon sa gobyerno.

Ang masakit pa ay apektado ang tax collection program ng Bureau of Customs  na pinamumunuan ngayon ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Ang tanong ngayon ng marami ay “totoo bang nagmamaang-maangan lang itong si Guerrero pero siya ang may pakana ng lahat ng nangyayaring kalituhan at kaguluhan sa BoC?”

Pati nga ang mga ordinaryong kawani ng BoC ay napapakamot na lang sa ulo dahil sa walang basehang pagtataas ng buwis ng mga tauhan ng makapangyarihang Formal Entry Division (FED) na dikta umano ng mga hari sa Import Assessment Service.

Ang sinasabi nila ay iilan lang daw ang nakikinabang  sa mga pakana ng mga opisyal ng BoC.  

Ito’y kinabibilangan ng mga paboritong player o ismagler na nakatimbre sa mga buwitreng opisyal na siyempre hindi daw alam ni Guerrero.

Hindi na nga malaman ng mga taga-FED kung paano gagawin nila sa sobrang takot sa mga  bossing nila sa collector’s office, IAS  at OCOM. Isama mo pa dyan ang mga “show cause” order na inilalabas ng tanggapan ni Depcom Dy Buco at Comm. Guerrero. Eh, mababaliw nga ang mga taga-FED.

Nanginginig sila sa takot dahil pinagmamalaki daw ng mga opisyal na ito na malakas sila sa mga diyos sa Malakanyang.

Kundi ba naman mga luko-luko ang mga ito eh bakit wala silang ginawa kundi magturuan.

Kapag pumunta ka sa district collector, NVVS value ang ituturo.

Kapag pumunta ka naman kay Depcom Dy Buco ay internal assessment service (IAS) ang ingunguso.

Pagpunta ng importer o broker sa IAS, papupuntahin naman sila sa office of the commissioner o OCOM.  

Ang mga hepe naman at examiner ay iisa ang isinasagot sa mga importer at broker, “utos yan sa taas,” ito ang sagot nila. Por diyos, por santo naman. Sinong sa taas?

Kapag hindi daw sumunod sa “utos sa taas” ay kakasuhan sila sa Office of the Ombudsman.

Ganyan ba kayo kadesperado (ang mga tauhan niyo), Commissioner Guerrero?  

Aba’y, talagang ginagawang tanga ang mga importer at broker.  

Kulang na lang ituro sina Dr. Jose P. Rizal, Andres Bonifacio, Gregorio del Pilar o Lapu-lapu.

Ang nakikita ng marami, kabilang na ang mga customs-based na mamamahayag, ay mukhang iwas-pusoy sina Commissioner Guerrero at mga district collector.

Ang kalituhan at kaguluhan ay ginagawa para pagtakpan ang walang habas na palusutan ng kontrabando ng mga pinagpalang anak ni Satanas sa Aduana. Sila ang nakikinabang ng malaki sa mga ismagler. Ang iba nga sa kanila ay may sariling brokerage. Katulad na lang ng isang opisyal dyan na nasibak noong panahon ni Comm Sid Lapeña, ngayon ay na-promote pa. Iyon naman isang opisyal na animo’y diyos, eh, malakas daw kay Sec. Dominguez ang angkan nila.

Kaya lagi nilang ipinagmamalaki ay hindi daw sila kayang sibakin sa puwesto.

Pero maghintay kayo dahil hindi na masikmura ng mga nagtatrabaho sa “waterfront community” ang mga pinaggagawa ninyo.

Napapahiya ang administrasyong Duterte sa mga pinaggagawa ninyo.

Naniniwala tayo na walang “sacred cow” kay Pangulong Duterte.

Siyempre ayaw niyang mapahiya sa mahigit isang daang milyong Pinoy.

Meron na lang siyang mahigit dalawang taon para linisin ang mga graft-ridden na pampublikong opisina na kagaya ng BoC na kilalang pinamumugaran ng lahat ng klaseng manloloko.

Kayong mga mandurugas, tigilan niyo na ang pagsasamantala sa mga maliliit na importer at broker.

Tigilan niyo na rin ang pakikipag-alyansa sa mga player na walang ginawa kundi  lokohin ang gobyerno.

Tama ba Senate President Tito Sotto at Senator Richard Gordon?

Kelan ba kayo mangungumbida?

Abangan!!!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagayablang ang buong pangalan at tirahan)