Kampeon ng mga magsasaka

November 27, 2018

NANINIWALA si Sen. Cynthia Villar na 70 porsiyento ng ating kinakain ay galing sa ‘sipag at tiyaga’ ng ating mga maliliit na magsasaka.

Ayon kay Villar, chairman ng Senate committee on agriculture and food, prayoridad ng kanyang legislative agenda ang mga magsasaka na ayon sa mambabatas ay kailangang palakasin.

Para mapalakas ang mga magsasaka, kailangan nila ang suporta ng pamahalaan para sa sapat na kapital at  makabagong teknolohiya.

Kailangan ng ating mga magsasaka ang kapital o pera na pambili ng mga binhi at fertilizer upang makapagtanim sila ng mga produkto na magbibigay sa kanila ng kabuhayan.

Sa kasalukuyan, baon sa utang ang ating mga magsasaka kaya hindi sila nakakabangon sa kahirapan.

Pero sa pamamagitan ng mga tulong pinansiyal para sa mga magsasaka na ikinakasa ng pamahalaan, naaaninag natin ang magandang kinabukasan para sa kanila.

Nariyan ang mga programa para sa mga farmers’ cooperative na maaaring umutang sa mga bangko ng gobyerno o pribadong sektor na nagbibigay ng abot-kayang interes at magaan na sistema ng pagbabayad.

Para naman sa teknolohiya, patuloy ang pakikipagtulungan ng gobyerno sa ibang bansa upang maituro sa ating mga magsasaka ang mga subok at epektibong pamamaraan ng mga dayuhan sa pagsasaka.

Nangunguna sa ganitong larangan ang mga bansang Korea, Japan, at Tsina na handang ituro sa mga Pilipino partikular sa ating mga magsasaka ang kanilang mga kaalaman sa mas mabilis at saganang pag-aani.

Kung tutuusin, abot-tanaw na ang magandang kinabukasan ng mga magsasaka sa Pilipinas lalo pa’t may mga lider tayo sa Senado na lubos ang pagpapahalaga sa mga nagbibigay sa bayan ng bigas, gulay at iba pang makakain.

Marahil ay lubos na magiging makabuluhan ang paglilingkod ni Villar sa mga magsasaka kung pangangalagaan din niya ang mga mismong lupain na sinasaka ng ating mga mahihirap na kababayan sa kabundukan.

Isa na sa pinakamayaman ang pamilya ng senadora sa Pilipinas dahil na rin sa negosyo nitong pagtatayo ng mga subdibisyon sa ibat-ibang bahagi ng bansa. Sa dami nga ng kanilang proyekto ay kahit ang mga lupain ng mga magsasaka ay kanilang natatamaan.

Talagang mahirap pagsabayin ang pagsisilbi sa bayan at negosyo dahil sa maraming pagkakataon, nagbabanggaan ang dalawang usaping ito.

Pero eleksiyon na pala sa susunod na taon at isa sa muling  tatakbo sa pagka-senador ay mismong si Cynthia Villar. Kung paano pagtutugmain ng senadora ang hiling ng kanyang tungkulin at tawag ng kanyang kabuhayan ay siya lamang ang makakasagot.

Ngunit maghuhusga ang taumbayan kabilang na ang mga magsasaka pagsapit ng halalan.

* * *

For comment, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com