Kandidatong mas malakas manuhol, mas magnanakaw pag nakapuwesto

Bukas, Mayo 13, lahat tayo ay magtutungo sa kani-kaniyang presinto para bumoto ng ating mga napupusuang kandidato.

Bawat isa sa atin ay magkakaroon ng pagkakataon na baguhin ang mga mali sa ating bansa gaya ng patuloy na pamamayagpag ng mga tiwaling pulitiko na walang ginawa kundi magnakaw nang magnakaw sa kaban ng bayan. Panahon din ng pagganti sa mga kandidatong napako ang mga pangako at walang ginawa sa mahabang panahon ng panunungkulan.

Sigurado na mula pa nung isang gabi hanggang kagabi ay nagsibaba na ang mga alipores ng mga corrupt na pulitiko para maghatid ng grocery items at pera sa mga bahay-bahay lalo na sa depressed areas. Kapalit siyempre niyan ay hihingin nila ang boto ng mga binigyan ng pera at grocery.

Sana lang ay maging matalino naman ang mga botante at mapagtanto nila na timawa ang tingin sa kanila ng mga pulitikong nagbibigay ng pera. Tanggapin ang pera ng pulitiko -- tutal sigurado namang ninakaw lang nila ang panlagay sa kaban ng gobyerno -- pero iboto ang kandidatong may nagawa na at siguradong may magagawa pa; kandidatong walang record ng pagnanakaw sa kaban ng gobyerno at ‘yung may tunay na puso para sa mahihirap batay sa mga nagawa na niya at hindi ‘yung nagpapanggap lang na mahirap o kakampi ng mahirap; ‘yung walang record ng pagnanakaw sa kaban ng bayan mula pa noon at ‘yung may pinag-aralan.

Makabubuting ibasura ang mga kandidatong nagbibigay ng suhol para iboto sila.  Sa ganung paraan, maipadarama sa kanila ang mensahe na ang pagkatao ng bawat isa sa atin ay walang katapat na presyo at kapag ikaw ay namimili ng boto, sa basurahan ka pupulutin.

Kada tatlong taon ay isang araw lang nagkakapantay-pantay ang lahat ng Pilipino -- ke bata o matanda, mayaman o mahirap, may pinag-aralan o wala. Tig-isa lang ng boto ang bawat isa sa atin.  

Kaya sana, huwag nating aksayahin ang pambihirang karapatan na ito. Sa ating boto nakasalalay ang kinabukasan ng ating nag-iisang bansa sa susunod na tatlong taon, gayundin ang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.  Konsensiya.

* * *

Napag-usapan na rin lang ang suhulan o pagbili ng mga boto, panay ang babala ng DILG sa pagsawsaw ng mga barangay officials sa pulitika.

Eh ano ‘tong nag-viral na litrato ng isang barangay chairman sa isang malaking lungsod sa Metro Manila? Sa nasabing larawan ay may iniabot na P500 ang nasabing chairman sa isang senior citizen tapos, hawak nung chairman ang ID ng senior citizen at ito ay may butas na sa gilid.

Kwento ng isang kakilalang senior citizen, ganito pala ang sistema. Pinupuntahan ni chairman ang bawat bahay na may senior citizen. Itse-check kung botante si lolo o si lola. Pag botante, bibigyan ito ng P500 pero kukunin ang senior ID at bubutasan. ‘Yan ay para  hindi mag-doble ng bigay. Kapalit ng P500 ay hinihingi ni chairman ang boto ng senior citizen para sa nakaupong mayor na malamang sa hindi ay malaki ang ibinabayad sa kanya.  Biro mo, para labagin niya ang nakatakda sa local government code na dapat, ang mga barangay chairman ay hindi namumulitika??

Kung ang binibigay na pera sa senior citizens ay legal na benepisyo mula sa City Hall, aba’y bakit si chairman ang namamahagi at hindi ang social welfare o office of senior citizens’ affairs? At bakit ngayong panahon ng kampanya pa ito ginawa?

Kung seryoso ang Comelec at DILG na habulin at papanagutin ang mga barangay officials na lumalabag sa batas, isang ‘extra challenge’ kung kaya ba nilang kasuhan ang mga chairman at kagawad na dumalo sa di mabilang na ‘patawag’ ng mga kandidatong mayor, vice mayor at maging mga konsehal?

Sa mga ‘patawag’ na ‘yan, siyempre pa ay binigyan sila ng pera ng pulitikong nagpatawag. Pataasan pa nga ng bigay ang magkakalabang kandidato. At ang mga chairman at kagawad naman na dumadalo, ang kakapal ng mukha at may gana pang magsabing ‘sa highest bidder kami.’ Talaga namang nakakadiri at nakakakilabot ang pagiging ‘for sale’ ng mga barangay officials na ito!

Tandaan: Pag mas malaki magbigay ng suhol o pambili ng boto ang isang kandidato, mas maliwanag pa sa sikat ng araw na magnanakaw lang ang kandidatong ‘yan kapag binigyan ng pagkakataon na makaupo sa puwesto!

* * *

Direct Hit entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to itchiecabayan@yahoo.com or text 0927-7169778.