Home>Editorial>Opinion>Kano ang may kailangan sa VFA, magbayad kayo!

Kano ang may kailangan sa VFA, magbayad kayo!

NOONG Sabado, Pebrero 13, 2021, nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte sa Estados Unidos na kung nais pa nilang panatilihin ang Visiting Forces Agreement (VFA) kinakailangan nilang magbayad para dito.

Ang sagot natin? Aba’y dapat lang!

Sa ganang atin pa, mabuti, wasto, at tama lamang na tumindig ang ating Presidente para sa interes ng bansa natin.

Dahil sa matagal na panahon ng pananatili ng mga Amerikano dito sa Pilipinas, wala silang totoong naitulong sa atin at nananatili pa sila dito ng “libre”—kasama na ang higit 200 taon na ngayon na pakikialam at panggugulo sa atin.

Opo, sa lahat ng “bisita” sila ang nagtagal ng ilang dekada nang libre.

Kapag sinabi po nating libre, lahat ng kanilang tinutuluyan at ginagamit na mga pasilidad ng militar dito sa bansa ay libre ng ilang dekada na ngayon. Magkano na dapat ang napunta dapat sa Pilipinas na nagamit pa sana para sa serbisyo publiko?

Sagot ng Pilipinas ang kanilang pananatili dito para maisulong lamang, tangi, ang interes ng Amerika dito sa Asya-Pasipiko.

Hindi kasama ang interes ng Pilipinas dahil sa tinagal-tagal nila dito sa bansa, walang ‘significant’ na naitulong ang Amerika upang palakasin ang sandatahang lakas ng Pilipinas. Nitong huli, pinigilan pa nga nila ang pagbili ng Pilipinas ng mga riple at helicopter upang panlaban sa mga teroristat sa Marawi City dahil umano sa human rights violations ng administrasyon.

Makikita natin na may kondisyon ang pagtulong pagdating sa Amerika. Pero sa Pilipinas dapat libre?

Pinanatili nilang “bansot” ang ating armadong puwersa para patuloy na umasa sa kanila. Ang problema, wala tayong inaasahan sa kanila dahil libre nga ang kanilang pananatili dito sa bansa. Hindi ba abusado ang ganitong “kaibigan”?

Tama si Pangulong Duterte. “Mas malaki” ang ganansiya ng Estados Unidos at dapat lang na “kunin” ng Pilipinas ang dapat na para sa kaniya.

Hindi ito extortion tulad ng gustong palabasin ng mga nasa oposisyon gaya nila Vice President Robredo at Senator Ping Lacson na matagal nang kilala bilang tuta ng Amerika.

Lahat na lamang ng nais ng Amerika ay nakasunod sa kumpas nito. Kulang na lamang ay kilalanin bilang opisyal na tagapagsalita ng Estados Unidos.

Kung nais nilang manatili dito kailangan nilang magbayad.

Dahil kung may perwisyo silang nagagawa dito sa Pilipinas, nagagawa ba nilang magbayad gaya nang nangyari sa Tubbataha reef sa Palawan noong 2013?

At kung sakaling magkaroon ng gera sa kanilang pakikipagtunggali sa China, susuportahan ba tayo ng US?

Babayaran ba nila ang mga magiging pinsala pagkatapos ng gera na sila ang gumagawa? Sa ating karanasan, “nevah!

Iyan lamang ang nais ng mga Amerikano na lamangan tayo, utuin tayo sa isang kasunduan na para sa interes daw natin pero sa totoo ay interes lamang nila.

Dahil ang kanilang tunay na layunin ay mapigilan ang paglakas ng China na itinuring nilang “kaaway” (kahit hindi naman ganito ang turing sa kanila), isang katunggali hindi lamang sa pang-ekonomiyang interes kundi maging sa politikal na dominasyon sa daigdig.

Kaya naman mahalaga sa kanila ang Pilipinas para maging base nila tulad na lang kung sakaling may hindi magandang mangyari sa relasyon ng dalawang higanteng bansa.

Malinaw na hindi ang Pilipinas ang may kailangan sa VFA, ang Amerika ang may desperadong pangangailangan para dito.

Hindi kalaban ng administrasyon ngayon ang China, ang US ang may kalaban dito. Maayos ang nagiging relasyon ng administrasyon Duterte sa China kaya hindi dapat nanggugulo ang ‘Tadong Unidos katulad ng mga tuta nila sa LP at Sen. Lacson.

Sa kasaysayan ng relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos kailanaman ay hindi naging patas ang relasyong ito.

Laging lamang ang mas makapangyarihan at ang mahina ang pinagsasamantalahan.

Kung nagawang “bilugin” ng Estados Unidos—magmula kay Emilio Aguinaldo haggang kay Noynoy Aquino, “ibahin” nila si Pangulong Duterte.

Kung totoong kaibigan ang Estados Unidos, hindi dapat tayo ginagawang “ogags” ng mga ito. Kung may kailangan sila, magbayad sila.

As simple as that!

Publication Source :    People's Tonight