Kapulisan naka-alerto kahit tapos na ang halalan

May 26, 2019

HANGGAT nandiyan ang kahirapan, tiwaling lingkod-bayan at walang kabusugang mga negosyante ay hindi matitigil ang ismagling sa bansa.

Puwedeng mabawas-bawasan ang technical smuggling pero ang outright smuggling ay mahirap mahinto.

Sa dami ng isla sa bansa ay imposibleng mabantayan lahat ito ng Philippine Navy (PN) at Philippine Coast Guard (PCG).

Mahigit pitong libo ang isla sa bansa pero iilan lang ang barko at patrol boat ng PN at PCG.

Ang tanging magagawa ng gobyerno ay bantayan ang palengke, shopping mall at iba pang bagsakan ng mga kontrabando.

Ang problema lang, mauutak na ang mga ismagler.  

Marami silang alam na paraan para maibenta ang mga kontrabando.

At dahil nga mapera, kayang-kaya ng mga ismagler na “bulagin” ang ilang “bugok” na taga-gobyerno.

Kapag nahuli naman sila, kaya nilang kumuha ng magagaling na abogado.

Konsumisyon, pero ‘yan ang totoong nangyayari sa bansa.

***

Tapos na ang halalan, pero hindi pa rin nagpapabaya ang kapulisan, lalo na kung saan natalo ang mga kandidatong “maíinit” ang ulo o kilalang mga naghahari-harian sa kanilang lugar.

Kaya nga natutuwa tayo dahil laging nakaalerto ang mga pulis.

Ang hindi makapagkatulog ngayon ay ang mga lider na hindi nakapag-deliver ng inaasahang boto, kasama na ang mga opisyal ng barangay na lantarang nangampanya.

Ang masakit, natalo sa kani-kanilang barangay ang mga manok nila.

Kailangan nila ngayon magpaliwanag kung bakit natalo sa kanilang barangay ang kandidatong umasa sa kanila.

Magsisilbi din itong leksyon sa mga natalong kandidato na namudmud ng pera.  

Iba na ang mga botante ngayon.  

Tatanggapin ang pera ng kandidato pero iba naman ang iboboto.
Marami nga ang naniniwalang darating ang araw na wala ng bibili ng boto.

Sa nangyari nitong katatapos na halalan, walang kasiguruhang iboboto ka ng taong binigyan mo ng pera.
Hehehe...

***

Isa sa kailangang bantayan ng gobyerno ay ang Hunyo 3.

Sa araw na ito nakatakdang magsimula ang klase sa public elementary at high schools sa buong bansa.

Taun-taon  ay may mga reklamong pinagbabayad ang mga mag-aaral sa ilang eskuwelahan.

Ito’y sa kabila ng katotohanan na libre ang basic education sa mga pampublikong paaralan.

Kahit kusing ay hindi dapat singilin ang mga bata kapag nagpa-enroll.  

Ito kasi ang programa ng gobyerno para walang batang hindi nag-aaral sa bansa.

May mga pinapayagang tumanggap ng voluntary contribution pero hindi dapat sa araw ng enrolment.

At malinaw na hindi sapilitan o hindi dapat obligahin ang bata o magulang.

Walang dahilan para hindi tanggapin ng mga eskuwelahan ang lahat ng gustong mag-aral sa mga pampublikong paaralan.  

Tama ba kami, Education Secretary Leonor Briones?
(Para sa ibuong komento at sihestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430 email/vicreyesjr08@yahoo.com.)