Karapatan ng ina na may karelasyon na babae para sa kustodiya ng kaniyang anak

Kgg. na Chief Acosta,

Ako po ay nagkaroon ng anak sa aking dating nobya. Hindi po kami naipakasal hanggang maghiwalay kami. Tatlong taong gulang na po ang aking anak. Ang dati ko pong nobya na nanay ng aking anak ay kasalukuyang may karelasyon na kapwa niya babae. Nasa kustodiya po ng nanay niya ang aking anak. Gusto ko po sana malaman kung maaari kong matanggalan ng kustodiya ang aking dating nobya sa pagiging nanay ng aming anak dahil sa kasalukuyang relasyon niya sa kapwa niya babae.  Sana mapayuhan po ninyo ako kung ano ang sinasabi ng batas tungkol dito. Salamat po.

Early

Dear Early,

Mula sa iyong salaysay, lumalabas na ikaw ay may ilehitimong anak na bunga ng iyong relasyon sa iyong dating nobya na may kasalukuyang relasyon sa kapwa niya babae. Upang masagot ang iyong katanungan kung maaari mong tanggalan ng kustodiya sa pagiging magulang ang iyong dating nobya, kinakailangang sumangguni tayo sa itinatakda ng batas mula Family Code of the Philippines.

Pangunahing itinatakda ng nasabing Code na ang mga ilehitimong anak ay nasa ilalim ng pangangalaga ng kanilang ina. (Article 176, Ibid.) Dagdag pa rito, malaking bagay rin ang edad ng bata sa pagtanto kung sino ang marapat na may kustodiya rito. Ayon sa Civil Code of the Philipines:

“Article 363. In all questions on the care, custody, education and property of children the latter's welfare shall be paramount. No mother shall be separated from her child under seven years of age, unless the court finds compelling reasons for such measure.” (Emphasis supplied)

Ibig sabihin nito, ang mga anak na ang edad ay mababa sa pitong (7) taon ay hindi maaaring ihiwalay sa kanilang ina maliban sa mga dahilan na pahihintulutan ng korte. Ang probisyon ng batas na nabanggit ay sinasalamin ng Family Code of the Philippines na nagsasabi rin na: “No child under seven years of age shall be separated from the mother unless the court finds compelling reasons to order otherwise” (Article 213, Ibid.). Pinapakita nito ang halaga ng mga ina sa pagpapalaki ng kanilang anak at kung paano pinapanigan ng batas ang mga ina sa kanilang pagkakaroon ng karapatan sa kustodiya ng kanilang anak.

Sa kabila nito, masasabing hindi absolute o ganap ang karapatan ng mga ina sa kustodiya ng kanilang anak. May mga naging desisyon ang Korte Suprema kung saan binabanggit ang ilang mga pagkakataon kung saan maaaring mawalan ng karapatan sa kustodiya ng anak ang mga ina, tulad ng paglalahad na:

“Only the most compelling of reasons, such as the mother’s unfitness to exercise sole parental authority, shall justify her deprivation of parental authority and the award of custody to someone else. In the past, the following grounds have been considered ample justification to deprive a mother of custody and parental authority: neglect or abandonment, unemployment, immorality, habitual drunkenness, drug addiction, maltreatment of the child, insanity, and affliction with a communicable disease.” (Briones vs. Miguel, G.R. No. 156343, October 18, 2004, Ponente: Honorable former Chief Justice Artemio V. Panganiban)

Ngunit para sa iyong sitwasyon, ang iyong kagustuhan na tanggalan ng karapatan sa kustodiya sa inyong anak ang iyong dating nobya dahil lang sa pagkakaroon niya ng relasyon sa kapwa niya babae ay hindi agarang mapagbibigyan. Ito ay dahil sa hindi ito sapat na legal na dahilan para tanggalan ng karapatan sa kustodiya ang isang ina. Mismong Korte Suprema na ang nagsabi na ang sexual preference o ang higit na pagkakagusto sa kaparehong kasarian ay hindi sapat na patunay ng kawalan ng kakayahan na gampanan ang tungkulin ng isang ina. Ayon sa Korte Suprema:

“… sexual preference or moral laxity alone does not prove parental neglect or incompetence. Not even the fact that a mother is a prostitute or has been unfaithful to her husband would render her unfit to have custody of her minor child. To deprive the wife of custody, the husband must clearly establish that her moral lapses have had an adverse effect on the welfare of the child or have distracted the offending spouse from exercising proper parental care” (Gualberto vs. Gualberto V, G.R. Nos. 154994 and 156254, 28 June 2005, Ponente: Honorable former Chief Justice Artemio V. Panganiban).

Dahil dito, malinaw na hindi maaaring agad na mawalan ang ina ng karapatan sa kustodiya ng kaniyang anak dahil lang sa pagkakaroon niya ng relasyon sa kapareho niya ng kasarian.

Muli, sana ay nabigyan kaliwanagan namin ang iyong katanungan. Tandaan na ang aming payo ay batay lamang sa iyong mga isinalaysay at ang aming pag-unawa rito. Anumang pagbabago sa mga detalyeng ibinigay ay maaaring magbago rin sa aming payong legal.

Ang inyong Lingkod Bayan,

DR. PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA, DSD

Punong Manananggol Pambayan

Paunawa:

Isangguni ang iba pa ninyong usaping legal sa aming opisina sa address na nakasaad sa pitak na ito o kaya ipadala ang inyong katanungan sa aming e-mail address: pao_executive@yahoo.com o tumawag sa PAO hotline: (02) 8426-2801; 8426-2450; 8426-2987; o 8929-9436 local 106 o 107 during office hours at local 159 after office hours.

Ang mga serbisyong legal ng PAO gaya ng legal advice, court representation, pagsasagawa ng dokumento, notaryo at iba pa ay libre at walang bayad mula sa kliyente ng PAO sang-ayon sa R.A. 9406 (PAO Law). Sang-ayon din sa nasabing batas, ang katunggali o kalaban sa kaso na matatalo ang magbabayad ng attorney’s fee sa PAO para ideposito sa National Treasury. Maaaring isumbong kay Chief Acosta ang sinumang public attorney o empleyado ng PAO na manghihingi o tatanggap ng salapi mula sa kliyente ng PAO sa address na ito: 5th Floor, DOJ Agencies Building, NIA Road corner East Avenue, Diliman, Quezon City, 1104.