Kasalanan ng piloto, hindi ni Sec. Mike Dino!

KATIGAN natin ang pahayag ng Palasyo ng Malakanyang!

Hindi kasalanan ni Presidential Adviser to Visayas Secretary Michael ‘Mike’ Dino ang paglapag ng sinasakyang helicopter nito sa kalagitnaan ng isang event sa Ultra Stadium (football field) sa Pasig City kamakailan.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, piloto ang dapat sisihin sa kontrobersiyal na ‘paglapag’ dahil walang kontrol dito ang sinumang pasahero ng isang helicopter.

Aniya, bilang piloto, alam nito ang mga alituntunin mula sa paglipad at paglapag ng chopper.  Walang kinalaman dito si Dino na isa lamang pasahero.

Kung nasabi lamang aniya ng piloto na may ‘event’ sa nasabing stadium, si Dino na mismo ang magdedesisyon na humanap ng ibang lugar para sunduin ang isa pang pasahero.

At dahil hinihintay pa nila ang pagdating ng susunduing pasahero, sinamantala na rin ni Dino ang pagpunta sa ‘comfort room’ para umihi -- kaya hindi totoong pinalapag nito ang helicopter sa gitna ng nagaganap na event sa Ultra Sports Complex para lamang magbawas ng tubig sa pantog!

Nag-viral sa social media ang paglapag ni Dino. Pinaglaruan ng ilan ang nasabing ‘landing’ sa pagsasabing ‘nag-power trip’ si Dino dahil sa kagustuhang umihi, pinahinto nito ang nagaganap na paligsahan sa Ultra para lamang makalapag ang chopper at pumunta sa palikuran.

Hindi ganito si Sec. Dino.

Matino itong tao, hindi corrupt at hindi pulitiko.

Sa mga hindi nakakaalam, si Mike Dino na po ang isa sa ‘cabinet secretaries’ ng Pangulong Duterte ngayon na walang ‘bahid dungis’ ang pagkatao.

Hindi ito nasangkot sa korapsiyon at siya ang tunay na ‘brainchild’ ng Malasakit Center, base na rin sa kompas ni dating Special Assistant to the President (SAP) at ngayo’y senatorial candidate Bong Go.

Ang Malasakit Center ay isang ‘one stop shop’ para sa mga mahihirap na pasyente.

Sa Malasakit Center makikita ang tanggapan ng Department of Health (DoH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Kauna-unahan ito sa Pilipinas na tutugon sa karaingan at pangangailangan ng mga mahihirap nating kababayan na hikahos makakuha ng pantustos sa gastusin sa pagamutan at salat mula sa tulong ng pamahalaan.

Ang Visayas ay may populasyong 20 million.

Sa ganda ng proyekto ng 48-anyos na si Dino, agad naglaan ang Pangulong Duterte ng inisyal na P50 million bilang pondo at kung tama ang narinig nating ulat, umaabot na sa P200 million ang pondo nito upang paramihin pa ang Malasakit Center hindi lamang sa Visayas region, kundi sa buong Pilipinas.

Ang unang Malasakit Center ay itinatag sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City.

Inilunsad lamang ito noong  February, 2018 at makalipas ang halos isang taon, aabot na sa 20 ang Malasakit Center sa buong Pilipinas.

Ani OPAV Assistant Secretary Jonji Gonzales, papunta sila sa Batangas para sa launching ng Malasakit Center nang lumapag ang chopper ni Dino sa Ultra.

“Secretary Dino was headed for Batangas to lead the launching of Malasakit Center there. The 20th since it first opened in Cebu and inaugurated by no less than the President,” ani Gonzales.

“He dropped by to pick up the other passengers, and while waiting for the other passengers to board the chopper, he went to the restroom. The day before, he was in the Lung Center in Quezon City to launch the 19th Malasakit Center. During the last SONA (State of the Nation Address), the President ordered the nationwide rollout of Malasakit Center,” sabi pa ni Gonzales.

Sa ganda ng programang naitulong ni Dino sa Duterte administration, hindi natin masisisi ang mga kalaban ni Digong sa pulitika para manggigil sa inggit at  hanapan sila ng butas upang magmukhang masama sa mata ng masa.

Pero kahit anong ‘paninira’ siguro ang gawin ng dilawan, wala nang makabubura sa kasaysayan ng bansa na ang gobyernong Duterte lamang ang may tunay na  legasiya, hindi lamang sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot, kundi ang pagtulong na rin sa mga kababayang mahihirap, tulad ng Malasakit Center ni Mike Dino.