Home>Editorial>Opinion>Katauhan ng alyas ‘Arman’ inilantad ng mga taga-CIDG

Katauhan ng alyas ‘Arman’ inilantad ng mga taga-CIDG

TOTOO pala ang ipinagmamalaki ng isang alyas “A” na may-ari ng motorsiklong nasagi ng anak ni Malabon Public Information Office (PIO) chief Bong Padua na marami siyang salapi at kayang makipagsabayan ng demandahan nang magkaharap sila sa Caloocan police traffic enforcement unit kamakailan.

Ito kasing si “A” ang nagsisilbi umanong kolektor ng isang mataas na opisyal ng pulisya sa Quezon City Police District kaya’t hindi nakapagtataka kung lagi ngang paldo ang kanyang bulsa batay na rin sa impormasyong nakalap ni Bong sa kanyang mga kaibigan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nasegundahan pa ng bagman din ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Lumutang kasi si “A” sa traffic enforcement unit ng Caloocan police nang masagi ng anak na babae ni Bong Padua ang motorsiklo na nagkataong pag-aari pala ni “A” at ipinagagamit lang sa isa niyang tauhan habang nakaparada sa kanto ng Tirad Pass at Gen. Tinio Streets sa Barangay 134 sa Bagong Barrio, Caloocan kamakailan.

Para tiyaking mababayaran ang pinsala ng kanyang motorsiklo, abay’ binully-bully raw ni “A” ang mag-amang Padua at ipinagmalaki ang dami ng kanyang salapi, patunay nga ang mga suot niyang alahas.

Para wala ng maraming usapan, binayaran na ni Bong ang P10,000 na hinihingi na halaga raw ng mga piyesang nasira sa motorsiklo pero hindi na napag-usapan ang damage naman ng binasag na salamin ng kotse ng bata ni “A”.

Nalaman ni Bong na dati palang pulis ang nagpakilalang “A” kaya’t nagduda siya dahil sa hindi wastong kilos at pananalita nito lalo na’t naninilaw pa sa dami ng alahas kaya ipinagtanong niya sa mga kakilala niya sa CIDG ang tunay na katauhan at presto, nakumpirma niya na kinakaladkad pala nito ang pangalan ng isang mataas ng opisyal ng pulisya sa pangongolekta ng intelihensiya sa mga club at iligal na pasugalan.

Ang problema ngayon ni Tikboy, pinai-imbestigahan na siya ni QCPD Director P/Brig. Gen. Ronnie Montejo dahil nakarating na rin sa kaalaman ng bagong upong PNP chief Gen. Debold Sinas at maging kay CIDG chief P/MGen. Joel Coronel ang ginawang paghahambog at pambu-bully niya sa batikang kolumnista at mamamahayag.

Umakyat na siguro sa ulo ang hangin nitong si “A” kaya’t nalimutan na niya na mayroon siyang dapat na protektahang integridad ng pinagsisilbihan niyang opisyal. Hindi siguro siya aral sa mga batikang kolektor na low-profile lang, madaling kausapin pero mahirap hanapin.

Publication Source :    People's Tonight