Kawawa ang mga magsasaka

March 03, 2019

MARAMI pa rin tayong mga kababayan na matitigas ang ulo.

Kahit alam na bawal ang magpasok at maglabas ng anumang kontrabando sa bansa, meron pa ring mga pasaway.

Kagaya na lang ng isang pasaherong galing sa Thailand. Ang pasahero ay  nakilalang si Neil Ryan Dysoco.

Si Dysoco ay hinuli ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Arnel Matreo, hepe ng wildlife traffic monitoring unit ng DENR-NCR, ang suspek ay kakasuhan sa paglabag ng RA No. 9147.

Sa ilalim ng nasabing batas, puwedeng makulong at magbayad ng multa si Dysoco.

Ang bagahe ni Dysoco ay nakitaan ng 50 reptile heads na walang kaukulang papeles.

Napilitang ipaalam sa BoC ang laman ng kanyang bagahe nang matunugan niyang alam na ng mga otoridad ang laman ng luggage.

Dito na inaresto si Dysoco.

Sa totoo lang, mahirap nang lumusot ang mga kontrabando sa mga tauhan ni BoC-NAIA District Collector Mimel S.  Manahan-Talusan.

Maliban kasi sa mga X-ray  machine, highly-trained ang mga tauhan ni Ma’am Mimel sa NAIA.

Sa katunayan, regular ang training ng mga personnel ng BoC-NAIA.

Kailangan silang updated sa mga paraan upang mapaigting ang kampanya laban sa ismagling.

Ganyan magtrabaho si Collector Talusan.

* * *

Hindi na natin maintindihan ang panahon.

Malamig pa rin pag gabi pero mainit naman sa araw.

Ang masakit, maraming parte ng bansa ay nakakaranas na ng tag-tuyot.

Namamatay na ang mga pananim ng mga magsasaka.

Ang mga may water pump ay umaaray na sa taas ng presyo ng gasolina o krudo.

Dahil tag-tuyot, walang tubig na dumadaloy sa mga irrigation canal.

Kawawa ang mga magsasaka sa bansa.

Kapag panahon ng anihan, nandiyan naman ang mga trader na walang ginawa kundi baratin ang ani ng mga nagbubungkal ng lupa.

Ganyan kahirap ang buhay ng mga magsasaka.

* * *

Ibang-iba ang pulitika sa bansa.

Wala kang maririnig ngayon sa mga umpukan, lalo na sa mga probinsiya, kundi “kailan tayo tatawagin?”

Ang ibig nilang sabihin ay kailan magbibigay ng “grasya” ang mga kandidato.

Kung may instant coffee, may mga instant leader o coordinator ang mga politiko.

Ito ang mga tagalista ng mga botanteng “makikipag-pulong” sa mga kandidato.

Ang mga lider na ito ang may listahan ng mga botante sa mga barangay.

Kung wala ka sa listahan ng mga botante, siyempre wala kang “grasyang” matatanggap mula sa kandidato.

Hay buhay...

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)