Kawawang Leni napasubo

November 07, 2019

TINANGGAP ni Vice President Leni Robredo ang alok ng Malakanyang na pamunuan ang kampanya laban sa illegal drugs.

Maghihintay ngayon ang taumbayan kung ano ang gagawin ni Leni sa kanyang bagong trabaho.

May magagawa ba siya upang lutasin ang problema o wala?  ‘Yan ang malaking katanungan.

**

Magaling ang nakaisip na ipasa ang problema ng illegal drugs kay Leni bilang isang political move.

Hindi natanggihan ni Leni ang alok dahil siya ang putak nang putak laban sa kampanya ni Pangulong Duterte sa ipinagbabawal na gamot.

Sa simpleng salita, “mas magaling ka yata e, ikaw na kaya gumawa.”

**

Kahit na walang alam si Lenie sa law enforcement, tinanggap niya ang alok upang makaiwas sa kahihiyan.

Ano nga naman kasi ang sasabihin ng taumbayan kung puro ingay lang ang kaya niyang gawin para sa mga Pilipino.

Kaya eto, napasubo na si ate. Kawawa naman.

**

Naaawa tayo kay Leni dahil malamang hindi niya kagustuhan ang kanyang kinalalagyan ngayon.

Siguro napahamak siya ng mga nagmamagaling na tagapayo mula sa kanyang maingay na partido.

Kung sa bagay, ang mga nagpapayo rin sa kanya marahil ang magdidikta ng kanyang susunod na hakbang.

**

Pero mahirap gampanan ang isang tungkulin kung wala ito sa saloobin ng isang tao, lalo pa’t aasa sa dikta ng partido.

Lalong mahirap magtagumpay kung ang puntirya ay siraan lamang ang kasalukuyang gobyerno at palabasin na mali ito at ang tama ay ang kanyang partido.

Ang tanging lusot ni Leni sa gusot na kanyang pinasukan ay ang makipagtulungan sa pamahalaan ng walang halong pulitika.

Kung hindi, dito magtatapos ang kanyang drama.

**

Nahilo tayo sa pag-ikot ng mga mata ng spokesperson ni Leni nang bitawan niya ang statement kuno ng Office of the Vice President ukol sa alok ng Malakanyang kay Leni para maging anti-illegal drugs czar ng bansa.

Hindi tayo sigurado kung dulot ito ng habagat ngunit kapansin-pansin na tila pinangunahan ni Atty. Barry Gutierrez ang pangalawang pangulo sa kanyang mga pahayag.

Sa press conference nuong Miyerkules, may mga pagkakataon na opinyon ni Gutierrez ang kanyang sinasabi sa halip na pananaw ni Leni.

Unang inupakan ni Guttierrez ang alok ng Malakanyang kay Leni ngunit tinanggap niya naman ito sa bandang huli.

Ano ba talaga kuya?

**

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.com