Kawawang mga Customs Brokers

September 21, 2019

ANG utos ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na alisin sa Aduana ang mga Customs Brokers ay madaling sabihin ngunit hindi ganoon  ito kadaling gawin.

Ang mga Customs Brokers ay protektado ng RA 9280 as amended
( Customs Brokers Profession Act of 2004 as amended by RA 9853 in 2009)  at maliwanag ang papel na ginagampanan nila sa  Customs Modernization and Tariff Act  o RA 10863. May pananagutan sila sa batas kung mali ang deklarasyon sa import o export entry sa  halaga, timbang, bilang, taripa at klasipikasyon ng produktong inaangkat o niluluwas.   Teknikal  ang  mga bagay na ito at hindi kayang ayusin ng ordinaryong clerk ng isang opisina. Sino na ngayon ang gagawa nito kung walang Customs Broker?  

Ang mga Customs Brokers  ang kumakatawan sa mga importer at exporter sa Bureau of Customs at sa iba pang opisina ng pamahalaan at pati na rin sa pribadong mga tanggapan. Nagsisilbi din silang sandata laban sa korapsyon dahil mayroon silang lisensya na nakataya sa bawat import entry na kanilang ipapasok sa Customs. Ito ay bahagi ng sistema ng “transparency” at pananggalang sa smuggling  sa mga transaksyon sa Aduana. Madaling  magsabwatan ang importer at kawatang opisyal ng Aduana. Hindi basta- basta lalagda ang isang Customs Broker sa import entry kung alam niyang balabag ang kargamento.

Kapag ang kargamento ay nagkaaberya, ang  Customs Broker ang pinapatawag para magbigay ng mga detalye at papeles na kailangan upang mapatunayan kung tama ang deklarasyon sa import entry.  Ang kanilang lagda ay ebidensya na sumusumpa sila  na totoo lahat ang kanilang sinasaysay sa import entry. Dahil dito, maaari silang matanggalan ng lisensya at makulong  lalo na kapag iba ang laman ng container van o di kaya ay may nakapalaman o nakasingit na kontrabando tulad ng iligal na droga, at mga baril.

Kadalasan ang singil ng isang Customs Broker ay mula P2-3 libo kada import entry na kanyang nilalagdaan. Kanya naman nakalagay sa bingit ng alanganin ang broker dahil umaasa lang siya na tama ang mga papeles na ipinapakita sa kanya ng kliyente.

May tatlong taon palugit ang batas para itabi ng customs broker ang lahat ng mga import entry  na  pinasok sa Bureau of  Customs. Dapat itong ipakita sa Customs Audit Team kung mapipili ang mga import entries na ito para sa random audit.  

Kung wala ng Customs Broker sa pantalan, sino ang hahabulin ng Bureau of Customs sa  smuggling at random audit? Ang importer na masama ang balak ay tiyak na nagsarado na. Wala na rin ang papeles na dapat repasuhin sa Audit.  Lalong lalala at mamamayagpag ang mga sindikato ng smuggling. Hindi mga customs brokers ang problema.

Halos 11,000 ang rehistradong mga Customs Brokers sa Pilipinas. Kapag nawalan ng trabaho ang mga ito, damay ang kanilang pamilya na magugutom.  Hindi tulad ng isang negosyo o trabaho, hindi ganoon kadali magpalit ng propesyon.  Kailangan mong mag-aral muli ng ibang kurso. Magastos ito dahil  aabot ng  dalawa hanggang apat na taon bago mo matapos ang kurso. Paano mo papakainin ang iyong pamilya?

Dapat ipaliwanag ng Secretary of Finance sa Pangulo ang bagay na ito para hindi iyong mga bulong ng mga sundalong tinalaga sa Aduana  lamang ang kanyang napapakinggan tungkol sa pagpapalayas ng mga Customs Brokers sa pantalan. Pangunahing tungkulin ng BoC ang lumikom ng salapi para pangtustos sa gastusin ng Pamahalaan. Pangalawa lamang ang pagsawata sa smuggling. Hindi mo kailangan ng baril para masawata ito dahil wala na pong pinupuslit na sigarilyo at ibang kontrabando sa dalampasigan gamit ang mga bangka. Puro teknikal smuggling na po ngayon. Talas ng pag-iisip ang kailangan dito at hindi husay sa pagbaril.

Huwag natin kalimutan na sinuhulan ng mga pariseo ang mga sundalong Romano para sabihing ninakaw ng mga disipulo ng Panginoong Hesus ang kanyang bangkay sa libingan na binabantayan ng mga ito (Mateo 28 :12-15) Ibig sabihin po nito - hindi porke’t sundalo, hindi ito korap. Tulad ng mga sundalong Romano, dahil sa salapi, kaya din nilang magsinungaling at mag-smuggling at magpalusot ng shabu sa pantalan.