Home>Editorial>Opinion>Kdrama at Kpop ang cultural export strategy ng South Korea

Kdrama at Kpop ang cultural export strategy ng South Korea

ANG ibig sabihin ng salitang Hallyu ay Korean Wave na laganap sa Asia , Africa, Middle East, Europe at Amerika. Ayon kay Joseph Nye, matikas ang paglago ng popularidad ng Korean “fashion, film, music, and cuisine.” Dagdag pa rito ang mga pangpagandang cosmetics, sasakyan, cellphones, at Taekwondo. Ang Kdrama at Kpop ang pangunahing bahagi ng cultural export strategy ng South Korea na nagpapanik sa kanilang ekonomiya ng bilyon-bilyon US dollars.

Ang buong pamilya ko ay mga masugid na tagahanga ng K-drama sa Netflix, Dramacool at Asiaflix at ng K-Pop (BTS, BlackPink). Kahit hangang-hanga ako sa Iris, Vagabond, Secret Garden, Empress Ki, Memories of Alhambra, Mr. Sunshine at Crash Landing on You(CLOY). Sila Kim Tae Hee , Kim Tae Ri, Son Ye-Jin at Ha Ji Won ang mga paborito kong artistang Koreana. Para sa kababaihan, nandiyan si Hyun Bin, ang bida sa CLOY at Secret Garden at si Ji Chang Wook, bida sa Healer at Empress Ki.

Mahilig na rin tayo sa kimchi, bibimbap at Korean barbecue(seomgyupsal) at kung may harapan, Soju ang aming iniinom.

Noong 1992, pinadala ako ng Pilipinas sa Seoul, South Korea para sa ASEAN Customs Training course. Wala pang Hallyu.

Hangarin ni Kim Gu na itanghal na pinakamagandang bansa ang Korea sa pamamagitan ng pagluluwas ng marangal na kultura ng mga Koryano na grabe ang pagmamahal sa kanilang bansa. Naniniwala si Kim Gu sa kapangyarihan ng kultura na magpaligaya sa lahat ng Koreano at sa buong mundo.

Pagkaraan ng Korean War noon 1950s, ang naging patakaran ng South Korea ay maglagay ng “screen quota” o paghihigpit sa pagpasok ng mga pelikulang Amerikano upang mapangalagaan ang industriya ng pelikula ng bansa. Dahil sa reklamo ng Hollywood, napilitan ang South Korea na bawiin ang “screen quota”. Dahil dito , umabot sa 80% ang kinakain sa merkado ng pelikulang gawa ng Hollywood at 15% ang natira sa mga lokal na prodyuser.

Namulat ang mga mata ng pamahalaan ng South Korea sa kapangyarihan ng pagluluwas ng kultura ng Korea noong 1994 ng namangha sila sa laki ng kinita sa takilya ng Jurassic Park na lubhang mas malaki pa sa benta ng 1.5 milyon mga sasakyan ng Hyundai , isang bagay na pinagmamalaki ng mga Koreano. Pumihit at nagpalit ng pokus ang mga Koreano. Dito binuo ang Hallyu. At ang unang hakbang ng pamahalaan ay pondohan ang kanilang Ministry of Culture upang magtatag ng 300 “cultural identity departments” sa kanilang mga kolehiyo at pamantasan. Nabuo tuloy ang kurso na Bachelor of Film and Television na kurso ng mga artistang papasok sa K-drama. Pagkaraan ng tatlong taon, naganap ang 1997 Asian Financial Crisis na nagtulak sa mga negosyante sa manufacturing na pasukin ang industriya ng pelikula, telebisyon at musika. Pagdating ng Pebrero 1999, pinalabas na ang Shiri, ang unang pelikula na produkto ng Hallyu cultural export strategy. Kumita ito ng U$ 1 milyon at natalo nito ang kinita ng Titanic sa South Korea.

Batay sa datos ng South Korea, ang kabuuang halaga ng niluwas na mga produkto tulad ng Kdrama at KPop sa taong 2008 ay umabot sa tumataginting na U$ 1.8 bilyon. At nagpatuloy itong tumaas sa mga sumunod na taon at umabot na sa nakakalulang U$5.02 B noong 2012. Ang cultural export strategy na ito ay hindi tinablan ng pandemic. Tuloy ang Netflix at iba pang mga video streaming channels sa pagpapalabas ng mga luma at bagong K drama.

Sa dami ng mga nanonood ng Kdrama at parokyano ng Kpop, ang laki rin ng itinaas ng bilang ng mga turista kada buwan na gustong maranasan ang buhay at makita ang mga lugar sa Korea. Noon Marso 1996, ito ay nasa 311,883 turista kada buwan. Pagkaraan ng dalawang dekada , Marso 2016, ito ay umabot na sa 1,389,399 turista kada buwan. Maraming bumibisita sa JeJu Island at Nami Island na pinagshutingan ng Kdrama na Winter Sonata; at ng Dae Jang Geum Theme Park. Siyempre gagastos sa tutuluyan,kakainin ,transportasyon at mga souvenir ang mga turista. Ang laking pera nito.

Dalawang bagay ang matutuhan natin sa cultural export strategy ng mga Koreano.

Una, hindi basta na lang sumulpot na parang kabote ang Hallyu. Pinagplanuhan at ginastusan ito ng pamahalaan ng South Korea at sinuportahan ng mga Koreano dahil ikinararangal nila ang mga produktong gawa nila. Karamihan ng mga artista, director, script writer ay tapos ng kolehiyo at dumaan sa masusing paghahanda. Banayad ang paglalahad ng kwento , hindi mahuhulaan ang climax at paano magtatapos ang kwento, at may aral kang mapupulot sa mga Kdrama.

Pangalawa, itinatanghal ang wikang hanggul ng Kdrama . Pinapalabas din ang kaunlaran ng Seoul at iba pang mga lungsod ng Korea. May subtitles na nakasunod sa iba’t ibang wika para mabili ang pelikula hindi lang sa Pilipinas at Amerika, pati sa Iran, India , Taiwan dahil may sariling salin sa kani-kanilang wika.

Lamang tayo ng halos dalawang dekada sa Korea dati. Napag-iwanan na nila tayo ng tuluyan. Walong milyong OFWs pa rin ang ating niluluwas sa ibang bansa samantalang kultura ang niluluwas ng South Korea. Nananamlay ang OFW remittances dahil sa pandemic. Masaya ang mga Koreano at napapasaya nila ang buong mundo. Nasunod ang sinabi ni Kim Gu.

Publication Source :    People's Tonight