Kilalanin ang branded hotdogs longganisa na may ASF!

TAMA ang panawagan ni Senate Assistant Minority Leader Francis ‘Kiko’ Pangilinan na pangalanan ng Department of Trade and Industry (DTA) at Department of Agriculture (DA) ang mga branded processed food na sinasabing kontaminado ng kinatatakutang African Swine Flu (ASF).

Ayon kay Pangilinan, mahalagang matukoy kung anu-anong tocino, hotdogs, ham, tapa  at longganisa ang apektado ng ASF upang maalis agad sila sa merkado.

“Ito ang mag-aalis sa takot ng publiko na kumalat ang mga produktong ito at sa posibilidad na makain ito,” sabi ni Pangilinan, dating Presidential Assistant on Food Security and Agricultural Modernization.

Ginawa ni Pangilinan ang pahayag matapos kumalat ang ulat na ilang hotdog, longganisa at tocino ang nagpositibo sa ASF virus.

Anang beteranng senador, dapat pangalanan ng DTI at DA kung anong brand at kung sino ang mga manufacturer ng mga produktong tinamaan ng ASF virus.

Makakabuti aniya ito para malaman ng publiko kung anong meat product ang sertipikadong ligtas para kainin.

“Maging aral sana ito sa mga kinauukulan na mas maging istrikto sa pag-monitor at pag-test ng mga imported na pagkain. Pagkain ito. Kailangang ligtas at mabuti sa kalusugan ang kinakain natin,” ani Pangilinan.

Naiulat na dinapuan na ng ASF ang ilang mga babuyan sa Luzon partikular sa Cavite, Quezon City, Pangasinan, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, at Rizal kung saan halos 63,000 baboy na ang pinatay.

“Walang saysay ang ginagawang pagpatay sa mga baboy natin kung meron namang ASF na makapapasok sa ating bayan at mapupunta sa ating mga hapag-kainan,” ani Pangilinan.

Kamakailan, kabi-kabilang pagkakatay ang ginagawa ng pamahalaan sa ilang ‘backyard hograisers’ sa pangambang mula sa kanila ang ASF.

Ngunit ngayong may lumabas na ring ulat na maging ang mga malalaking kompanya ng processed food ay kontaminado na rin, dapat ay pangalanan sila upang mabigyang babala ang publiko.

Tungkulin ng estado na tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayang Pilipino.

Kung kaya nilang magdisiplina at magkatay ng maramihan sa backyard hog raisers, dapat ay hindi sila mangimi lalong ipasara ang ilang malalaking kompanya na nasa produksiyon ng mga hotdog, tocino, etc.