Home>Editorial>Opinion>Koleksyon ng BoC, angat na naman sa ikatlong buwang

Koleksyon ng BoC, angat na naman sa ikatlong buwang

SA kabila ng patuloy na pananalasa ng COVID-19 sa bansa, nagagawa pa ring higitan ng Bureau of Customs (BoC) ang buwanang tax collection target.

Noong nakaraang buwan ay nakakolekta ang BoC ng P44.631 bilyong buwis at taripa.

Ito ay lampas sa kanilang target na P33.675 bilyon.

Noon namang Hunyo at Hulyo ay nalampasan din ng BoC ang kanilang buwanang target.

Umabot ng P42.6 bilyon at P50.072 bilyon ang koleksyon noong Hunyo at Hulyo, ayon sa pagkakasunod.

Umabot na ng P347.803 bilyon ang koleksyon ng BoC mula Enero hanggang Agosto 2020.

Meron na lang natitirang P172.6 bilyon koleksyon ang bubunuin ng BoC para maabot ang kanilang 2020 target collection na P520.4 bilyon.

Ang ibig sabihin nito, dapat hindi bumaba ng P43.1 bilyon ang monthly collection ng BoC mula Setyembre hanggang Disyembre.

Maraming naniniwala na malalampasan ng BoC ang binagong collection target sa taong ito.

Dahil sa pandemya, ibinaba ng Development Budget Coordination Committe (DBCC) ang 2020 target ng BoC mula P706.86 bilyon sa P520.4 bilyon.

Makatwiran lang ang ginawa ng DBCC dahil talaga namang apektado ng pandemya ang ekonomiya ng buong mundo.

Nagkaroon ng economic contraction at bumaba ang import volume ng bansa.

Alam naman ng lahat na sa dami ng importasyon natin nakasalalay ang laki ng koleksyon ng BoC.

Kagaya ng naunang sinabi, kayang-kayang lampasan ng BoC ang kanilang collection target.

***

Sa tingin ng mga taga-masid sa aduana ay totooong sasagasaan ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang mga ismagler at mga kasabwat na lingkod bayan.

Alam naman ng lahat na ang mga ismagler o player ang ugat ng mga katarantaduhan sa mga pantalan.

Alam natin na hangga’t nandiyan ang mga ismagler ay hindi matatapos ang problema sa iligal na droga.

At hindi naman papayag si Sir Jagger na ang mga ismagler lang ang sisira sa kanyang reputasyon.

Ang problema lang sa aduana ay kailangang dumaan sa due process ang mga suspek.

Matagal ang proseso sa pagtanggal ng empleyado at mas matagal pa ang pagpapakulong sa mga ismagler.

Kapag nakapag-piyansa ang isang akusado, balik muli sa dating gawi.

Dahil mapera, kayang kumuha ng mga ismagler ng matitinik na abogado.

Ang kailangan ni Comm. Guerrero ay tulong ng lahat.

Ibang kalaban ang mga makamandag na ahas na naglipana sa aduana.

***

Mga pekeng sigarilyo naman ang nakumpiska sa Port of Manila (PoM) noong Agosto 28.

Nagkakahalaga ng mahigit P36 milyon, ang mga pekeng sigarilyo ay nakalagay sa isang 40-footer container van.

Dahil may derogatory information, ang kargamento ay binuksan at nakita ang mga pekeng sigarilyo.

Ito’y mga fake Fortune at Marlboro branded cigarets.

Ayon sa Philip Morris Philippines, ang mga sigarilyo ay hindi gawa sa bansa at wala rin pahintulot mula sa Philip Morris International.

Ang kargamento ay under surveillance ng opisina ni PoM District Collector Michael Angelo Vargas at Intelligence Group-Customs Intelligence and Investigation Service.

Ayon kay Assistant Commissioner at BoC Spokesman Vincent Philip Maronilla, ang ahensya ay “relentless” sa kampanya laban sa ismagling.

Ito ang kabilin-bilinan ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero sa mga opisyal at kawani ng ahensya.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawaga o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Publication Source :    People's Tonight