Konseho para sa seniors!

November 22, 2018

HALOS palagi nating naririnig ang linyang “Ang kabataan ang pagasa ng bayan” kaya naman marami nang mga batas at programa ang palaging iniuukol sa kapakanan ng kabataan.

Pero, aminin man natin at hindi, marami rin ang guilty sa ating lahat sa pagbalewala sa kapakanan, damdamin at seguridad ng ating mga lolo, lola, mga magulang o sa senior citizen sa kabuuan.

Katwiran ng ilan, andyan lang naman sila palagi para umunawa at umintindi kung gaano tayo nagiging busy sa pagharap din sa sarili nating mga hamon.

Pero, tulad ng mga bata, nangangailangan din sila ng sapat na aruga at pagmamahal.

Kaya naman, nakatutuwa ang isinusulong ni Senador Sonny Angara na panukala para sa pagtatatag ng council na mangagasiwa sa kapakanan ng mga senior citizen.

Sa Senate Bill 2099, iginiit ni Angara na malaki ang naging kontribusyon ng mga Filipino senior citizens sa progreso ng bansa kaya’t dapat lamang na bigyan sila ng importansya.

Paraan na rin ito sa dakilang pagkilala sa hindi matawarang pag-aruga sa ating lahat noong sila’y may sapat pang lakas sa paghahanapbuhay at pagpanday sa atin bilang isang responsableng mamamayan.

Ipinaalala ng senador na ang mga senior citizen ay nasa “twilight zone” na ng kanilang buhay kaya’t responsibilidad ng komunidad na irespeto, protektahan at pangunahan ang promosyon ng kanilang mga karapatan at tiyakin ang kanilang physical, mental at social well-being.

Batay anya sa 2010 census, nasa 6.23 milyon na ang mga Pinoy na may edad 60-anyos pataas at inaasahan itong aabot sa 14.2 milyon sa 2030.

Layun ng panukala na masolusyunan ang nakikitang institutional gap sa sektor ng senior citizen.

Ipinunto ni Angara na ang mga persons with disabilities ay mayroong National Council on Disability Affairs (NCDA) habang ang women’s sector ay may Philippine Commission on Women (PCW) at ang children’s sector ay mayroong Council on the Welfare of Children (CWC) subalit wala pang para sa senior citizen.

Bagama’t mayroon anyang Office of Senior Citizen Affairs (SOCA) sa bawat lungsod at munisipalidad, wala namang central leadership na maituturing para sa mga polisiya at regulasyon na makatitiyak ng pagsusulong ng kapakanan ng mga senior citizen.

Sa ngayon, minsan pa kung hindi man madalas ay nabibiktima rin ng pulitika ang mga seniors na kumukuha ng kanilang benepisyo.

Ito ay dahil munisipyo ang may hawak sa kanilang mga benepisyo, ang nangyayari kung hindi kaalyado ang senior ay naiipit o hindi na ibinibigay ang dapat tanggapin.

Malaking bagay para sa seniors kung maisusulong ang pagbuo ng konseho dahil magkakaroon na ng dedicated na tanggapan ang pamahalaan para sa kapakanan ng mga nasa ‘twilight zone’ upang maipadama sa kanila na sila’y importante at mahalaga hindi lamang sa isang pamilya kundi sa buong lipunan.

Kahanga-hanga rin ang panukalang ito na binalangkas ni Angara na ramdam natin ang malasakit sa nga nakatatanda. Isang paguugaling namana sa yumaong ama na si dating Senate President Edong Angara.