Korapsyon sa BuCor, gustong mahubaran ni PDuterte

September 02, 2019

SINIMULAN na kahapon ng Senado ang pagdinig sa kontrobersiyal na pagpapalaya ng Bureau of Corrections (BuCor), sa mga ‘convicted criminals’ sa ilalim ng RA 10592 o ang ‘Good Conduct Time Allowance’ (GCTA) na naging batas noon pang 2013 sa ilalim ng administrasyon ni Noynoy Aquino.

‘To be fair,’ wika nga, “maganda” ang layunin ng batas na ito, mga kabayan at “dapat” ay pumapabor sa mga bilanggo, partikular na sa mga mahihirap na walang perang panggastos upang magbayad ng impluwensiya at ang pagiging “mabait” sa loob ng kulungan (good conduct) ang tanging “pag-asa” para “mabawasan” ang kanilang sintensiya at makalaya ng mas maaga.

‘Yun nga lang, katulad ng mga naipasang batas na maganda naman ang layunin, ang palaging “problema” ay ang “interpretasyon” nito at ang aktwal na implementasyon nito, partikular na nga kung ang mga dapat magpatupad nito ay “tanga” (incompetent) o korap (corrupt) o pareho-- korap na, tanga pa.

At sa pagdinig kahapon, napansin natin na naging “mabait” pa nga ang ating mga senador sa pagbibigay ng ‘benefit of the doubt’ dito kay Mang Kanor, err, Faeldon, una, hinggil sa kanyang integridad at ikalawa, kung siya nga ba ay may sapat na kakayahan (competence) para mapamahalaan ang National Bilibid Prisons (NBP/Muntinlupa)?

Dangan nga naman kasi, mga kabayan, paano nga ba naman nangyari na ang mga katulad nitong si ex-Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez ay nabigyan ng ‘GCTA’ nitong si Faeldon at kahit ang mga drug lords?

At kung hindi pa pala mismong si Pang. Digong, ayon kay Sen. Bong Go, ang nagsabi kay Faeldon na “huwag palayain” si Sanchez, aba’y totoo rin pala, dear readers, na noon pang Agosto 20 dapat ay nakalaya na sa Muntinlupa itong 3-life term  convicted killer na ito!

Ito ay sa kabila ng “pagtanggi” nitong si Faeldon na mayroon siyang “pinirmahan” na release order pabor kay Sanchez. Aniya, ang tanging pinirmahan niya ay isang ‘memorandum of release’ na “nagrerekomenda” sa ‘jail director’ upang palayain ang isang bilanggo.

‘Yun nga lang, dear readers, sa pagtatanong ni Sen. Kiko Pangilinan, “inamin” din ni Faeldon na mistulang ‘ministerial/administrative’ na lang ang isang release order na pirmado ng isang jail director dahil “matic” na ang paglabas ng release order batay sa kanyang memorandum of release.

Translation? Hindi naging makatotohanan si Faeldon sa kanyang pagtanggi sa kanyang naging papel sa pagpapalaya kay Sanchez, talaga rin naman!

At hindi lang ‘yan, mga kabayan.

Bagaman ipinagbabawal ng batas ang ‘delegation of authority’ ng BuCor director, aba’y puwede na pala ngayon sa BuCor na kahit sino na lang opisyal nito ay puwede nang pumirma sa ‘release order’ ng sino mang preso!

At ganito ang nangyari sa kaso ng dalawang Chinese drug lords na pinalaya sa Davao Penal Colony at sa tatlong rapist ng ‘Chiong Sisters’ na nakakulong naman sa Cebu.

Pansin ni Sen. Ping Lacson, hindi si Faeldon, bagkus ang mga lokal na opisyales lang ng BuCor sa Davao at Cebu ang pumirma sa kanilang release order.

Ngayong araw naman ng Martes muling itutuloy ang pagdinig sa kontrobersiyang ito, mga kabayan.

At kung kahapon ay malinaw na naipakita ng mga mambabatas na ‘lacking in competence’ itong si Mang Kanor na pamunuan ang BuCor (katulad ng nangyari sa kanyang administrasyon sa Aduana), marami ang umaasa na malinawan naman ngayong araw ang “tamang hinala” na “korapsyon” ang dahilan kung bakit inabuso nang husto itong GCTA Law.

Ayon kasi kay Sen. Bato Dela Rosa, ang “tsismis” hinggil sa “bentahan” ng GCTA ang isang bagay na hindi niya naresolba nang husto noong siya pa ang NBP director.

Ayon naman kay Sen. Bong Go, ang hinala rin ng katiwalian at korapsyon sa implementasyon ng GCTA Law ang isang bagay na gustong makumpirma ni Pang. Digong.

Ang ating sagot? Eh, di… ABANGAN!!!